Lunes, Hulyo 23, 2007

ANAK KA NG AMA MO! : Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year C - July 29, 2007

Jes1023 Sa isang ospital, nag-uusap ang tatlong lalaki sa labas ng maternity ward. Biglang lumabas ang nurse at sinabi: "Mr. Reyes, kambal ang anak n'yo! Congrtulations!" Sagot si Mr. Reyes, "Wow! Ang galing naman! 2 ang anak ko! Parang lugar ng pinagtratrabahuhan ko... ABS-CBN 2!" After five minutes, lumabas uli ang nurse: "Mr. dela Cruz! Congratulations po! Triplet ang anak n'yo!" Napasigaw si Mister: "Ha? It's a miracle! Sa Triple-V ako nagtratrabaho at 3 ang anak ko!" Napansin ng dalawa na namumutla ang pangatlo nilang kasama. "Pare anung nangyari at putlang-putla ka?" Sagot ng lalaki... "Mga pare, pano'ng di ako mamumutla... ang trabaho ko sa 168 Mall!" Talaga nga namang nakakatakot ang maging ama kung ganun karaming anak ang palalakihin mo. May trabahador kami sa Don Bosco Pampanga na may 12 anak at nung rumagasa ang lahar ay litong-lito siya kung sino ang uunahin niyang iligtas! Ngunit iba ang ating Diyos Ama! Kilala at mahal N'ya tayong lubos. Tayong lahat ay tinuri n'yang anak kahit na marami sa atin ay pariwara at walang utang na loob sa Kanyang ipinapakitang kagandahang loob sa atin. Kaya nga sa ating pagdarasal nais ni Jesus na tawagin natin Siya sa pangalang nararapat sa Kanya... "Ama namin..." Kaya nga hindi dapat tayo manghinawa sa ating pagdarasal. Kulitin natin ang ating "tatay" sa ating mga pangangailangan. Walang ibibigay kung hindi hinihingi. "Ask and you will receive..." Kung matagal man niyang ibigay ang ating mga kahilingan ay marahil ay nais Niya tayong maging matiyaga sa paghingi. Kung di man Niya ibigay ito ay marahil may ibang plano Siya sa atin at ibang paraan ang Kanyang sagot. Tayong lahat ay Kanyang mga anak... sana matanim natin ito sa ating isipan. Ang ating Diyos ay Amang mapagmahal at mapagpatawad! Lagi natin isipin ang katagang: "Anak ka ng Ama Mo!" Ano pang hahanapin mo?

Biyernes, Hulyo 20, 2007

Hmmmmp! Sila na lang! : Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year C - July 22, 2007

Cat1001 "Pare, Linggo ngayon... magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya sa kanya. "Hmmp...! Dami kong gagawin, mga anak at misis ko na lang!" Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas ha?" Ang kanyang sagot: "Hmmmp...! Ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa ako." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: "Anak, Linggo bukas. Magsimba ka." Sagot n'ya: "Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Hmmmp! Ang misis at ang mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba... pasok sa loob!" Nang s'ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops... san ang punta mo?" "Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n'ya. Sabi ni San Pedro" "Hmmmp... ang misis at anak mo na lang!" Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan ng mahalagang aral: Walang oras ang Diyos para sa mga taong walang oras sa kanya! Marami tayong ginagawa araw-araw. Kinakailangan nating magtrabaho para kumita. Kinakailangan nating mag-aral. Kinakailangan nating gawin ang mga gawain sa bahay. Ngunit hindi naman tayo parang mga makina sa pabrika na 24 na oras kung magtrabaho. Hindi naman tayo katulad ng 7-11 store na walang pahinga. Kailangan din nating pahingahin ang katawan... ang pag-iisip ang kaluluwa. Mahalaga ba ang Diyos sa akin? Kung oo ang ating sagot ay isa lang anga dapat gawin... maglaan ng panahon para sa Kanya. Ito ang pagkakamali ni Marta. Mahal pareho ng magkapatid si Jesus. Ngunit nakalimutan ni Marta ang maglaan ng sandali upang makinig sa Panginon. Sa ating buhay, marami tayong ginagawa. Hindi tayo mauubusan ng dapat gawin. Huwag sana nating ipagpalit ang ilang sandali na dapat ay para sa Diyos. Sa loob ng isang araw ay may 24 na oras. Sa isang Linggo ay 168. Ang sabi ng Diyos kunin mo na ang 167 at yung isa... ibigay mo naman sa akin. Ang "suwapang" mo naman kung di mo ito maibigay sa Kanya! Baka magulat na lang tayo at marinig din sa Kanya" "Hmmmp...! Sila na lang!"

Sabado, Hulyo 14, 2007

KAPWA KO MAHAL KO : Reflection for the 15th Sunday in Ordinary Time Year C - July 11, 2010

Isang pulubi ang nagdarasal sa likod ng Simbahan: "Panginoon, tulungan mo naman po ako. May sakit ang aking anak. Wala kaming kakainin mamya. Kung maari bigyan mo naman ako kahit na limandaang piso." Lingid sa kanyang kaalaman ay may isang pulis na nakarinig sa kanyang panalangin. Nahabag ito at dumukot sa kanyang wallet. Binilang niya ang laman at umabot lamang ito ng apat na daang piso. Gayun pa man, iniabot niya ito sa pulubi. Tuwang-tuwa ang pulubi at binilang ito. Muli siyang lumuhod at nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po! Pero sana sa susunod, wag mo nang padaanin sa pulis... nagkulang tuloy ng isang daan!" Kalimitan ay hirap tayong makita ang kabutihan ng iba sapagkat nakakahon na sila sa ating isipan. Kapag nakakita ng pulis... kotong cop! Kapag nakakita ng politician... trapo! Kapag nakakita ng artista... maraming asawa! Ganito rin ang pagtingin ng mga Hudyo sa mga Samaritano nang panahon ni Jesus. Kapag Samaritano... kaaway! Nang tinanong si Jesus ng dalubhasa sa batas kung ano ang pinakamahalaga sa mga utos ay sinagot niya ito sa huli ng isa ring tanong: "Sino ang nagpakita ng pakikipagkapwa sa taong hinarang ng tulisan?" Hindi masagot ng eskriba si Jesus ng diresto sapagkat kaaway nila ang mga Samaritano. Kung minsan ay ganito rin ang ating pag-uugali. Hirap tayong magpakita ng pagmamahal sa ating mga kaaway. Hirap tayong magpatawad sa ating mga kasamaang-loob. Hindi natin matanggap na sila rin ay ang ating "kapwa". Malinaw ang mensaheng nais paratingin ni Jesus sa atin: Ang ating kapwa ay ang mga taong nangangailangan, nangangailangan ng tulong... ng awa... ng pag-aaruga... at higit sa lahat...ng pagpapatawad. Ang utos ng Panginoon na mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat at ang ating kapwa gaya ng pagmamahal sa ating sarili ay hindi lamang utos na nakalimbag sa Bibliya o sa ating Katesismo. Ito ay nakalimbag hindi sa papel kundi sa ating mga puso. Ibig sabihin ay napakalapit sa atin... sapagkat ito ay nasa ating kalooban, kabahagi ng ating pagiging tao at anak ng Diyos. Kaya't wala tayong maidadahilan upang hindi natin maisakakatuparan ang mga utos na ito. Sabi nga nating mga Pilipino: "Kung gusto mo, may paraan... kung ayaw mo... may dahilan!"

Sabado, Hulyo 7, 2007

TRAVEL LIGHT! : Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year C - July 8, 2007

Jes1012 Ang sobrang pagnanasa ay delikado! Minsan may paring ang hilig ay sumali sa mga "promo" o palaro ng mga advertising companies. May pacontest noon ang isang sikat na "softdrink: simple lang... bumili ka lang ng softdrink, tanggalin mo ang tansan (takip)at buuin mo ang number 1,2,3! Presto! Panalo ka ng limpak-limpak na salapi! Me pagkaswerte ata sya sapagkat sa unang bili niya ng softdrink e nakuha niya ang number 3. Bumili uli siya at nakuha naman niya ang number 1. Isa na lang... ngunit yun na ata ang katapusan ng kanyang swerte: ayaw lumabas ng number 2. Nakaubos na sya ng maraming softdrinks. Umabot na ng isang case ang nabili niya... wala pa rin ang number 2. Umuwi sya sa parokyang dismaya. May lumapit na isang lalaki at sinabi sa kanya: "Father puwede po bang magkumpisal..." Ang pari, kahit na medyo dismaya ay sumagot: "Ano yon anak... sabihin mo..." "Father, meron po akong number 2!" Nanlaki ang mata ng pari at sinabi: "Ha??? Talaga? Akin na lang!" "Too much obsession in dangerous!" Isa sa mga malaking tukso ng ating panahon ay ang magkamal ng mga bagay... salapi, gadgets, ari-arian, etc.. etc. Ang ebanghelyo ngayon ay nagsasabi sa atin kung paano tayo dapat mamuhay bilang mga tag-sunod ni Kristo: "Travel light!" No need for unnecessary things... "Carry no money bag, no sack, no sandals..." (Lk. 10:4)! Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin na mabuhay na payak! To live a simple life as his disciples. Hindi ko sinasalungat ang progresso ng makabagong panahon. Kelangan natin ng pag-unlad! Ngunit kung ang "cellphone" ay nagiging kapalit ng ating "physical presence" sa ating pamilya... ay mali ata! Kung ang computer ay ginagamit upang magpakalat ng kalaswaan... hindi ata tama. Kung ang pera ay nagiging dahilan upang mapabayaan ang pamilya... dapat nating pag-isipan ang ating ginagawa. Ang mga materyal na bagay ay dapat mapabuti ang ating pamumuhay at hindi makasira nito. Masyado ng kumplikado ang buhay natin ngayon. Maraming distractions sa ating paglalakbay. Let us remember... a simple life is a life lived with Christ!