Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Huwebes, Setyembre 27, 2007
KRISTIYANONG PAKIALAMERO! : Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - September 26, 2010
May natanggap akong text: "7 TIPS PARA MAIBA ANG ARAW MO: 1. Ibenta ang celphone tapos bilhin ulit 2. Ibigay ang wallet sa katabi sabay sigaw ng 'holdap!" 3. Maglaro ng taguan, tapos umuwi sa bahay 4. paghiwa-hiwalayin ang sangkap ng 3-in-1 5. Uminom ng limang basong kape at matulog 6. Kurutin ang kapatid at unahang umiyak 7. Makipag jak en poy sa salamin hanggang sa manalo." hehehe... Gusto mo ba talagang maiba ang araw mo? Simple lang, maghanap ka ng pinakamahirap sa mga kaibigan mo tapos i-treat mo sa Mcdo o Jolibee! Kung di naman kaya ng budget mo ay puwede nang "kwek-kwek" o "kikiam" sa tabi-tabi! Hindi kasi natural sa atin ang magbigay. Mas gugustuhin nating tayo ang binibigyan. Lalong-lalo naman na hindi natural sa atin ang pakialaman ang kalagayan ng iba. "Wala akong pakialam!" Madalas nating marining ang mga salitang ito kapag may pinupuna tayo sa ibang tao. "Pakialam mo!" ang isasabad nila upang pagtakpan ang kanilang pagkakamali. Totoo, dapat nating respetuhin ang "privacy" ng ating kapwa. May mga bagay na hindi natin dapat panghimasukan. Ngunit kung ang nakasalalay ay ang ikasasama nila at naroroon lamang tayong nakatayo na walang ginagawa, ay may malaki tayong pagkukulang at pananagutan. Kalimitan sa kumpisal ang sinasabi natin ay mga nagawang kasalanan o "sins of commission". Ngunit kung ating iisipin, may mga kasalanan din na ang tawag ay "sins of omission", mga kabutihan na dapat ay nagawa natin ngunit hindi natin ginawa. Dito natin makikita ang pagkakamali ng mayaman sa talinhaga ng ating Ebanghelyo. Marahil, mabuti siyang tao: Hindi nagnanakaw. Hindi nangangalunya. Hindi naninira ng kapwa. Pero meron sya'ng nakaligtaan... yung taong nasa labas lang ng kanyang pinto na namamatay sa gutom.Maaari n'yang ibsan ang paghihirap ni Lazaro ngunit mas pinili n'ya ang "wag makialam." Sayang! Nakagawa sana s'ya ng mabuti! Sa kahuli-hulihan ay nabaliktad ang kanilang kapalaran pagdating sa kabilang buhay. Nabulid ang mayaman sa "apoy ng kapahamakan." Magsilbi sana itong babala sa ating lahat! Maging pakialemero tayo sa ating kapwa kapag ang nakasalalay ay ang kanilang kabutihan at kapakanan. Sapagkat ang Diyos mismo ay nakialam sa ating kalagayan noong siya ay nagkatawang-tao upang iligtas tayo sa kasalanan. Sa katunayan ay wala namang obligayson ang Diyos na "maging tao at makipamayan sa atin!" Lalo nang wala siyang obligasyong dumanas at mamatay para sa atin. Ngunit, dahil sa kanyang walang kapantay na kabutihan ay niloob niyang pakialaaman ang ating abang kalagayan upang ibalik ang naputol nating kaugnayan sa Diyos. Tayo ay magkakapatid sa pananampalataya. Ang kabutihan ng isa ay kabutihan ng lahat at ang kapahamakan ng isa ay kapahamakan ng lahat. Makialam ka para kay Kristo! Ang tunay na Kristiyano ay PAKIALAMERO!
Miyerkules, Setyembre 19, 2007
KRISTIYANONG SWITIK : Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year C - September 23, 2007
Isang lalaki ang pumasok ng simbahan at nagdasal kay Santiago Apostol. "Poong Santiago, bigyan mo ako ng isang malaking kabayo at ipagbibili ko. Ang pagkakakitaan ay paghahatian natin ng pantay. Kalahati sa 'yo at kalahati sa simbahan. Laking pagkagulat niya ng pag-uwi niya sa bahay ay nakakita siya ng malaking kabayo sa harap ng kanyang bahay. Nilapitan niya ito at sinakyan at kataka-takang hindi ito umalma. "Ito na nga ang kabayong kaloob ni poong Santiago!" Kayat dali-dali niya itong dinala sa palengke. Sa daan ay nakakita siya ng isang manok na pilay. Hinuli n'ya ito upang ipagbili. Pagdating sa palengke ay nilagyan niya ng presyo ang kanyang mga paninda. Ang lahat ng nakakita ay tumatawa. Nakasulat: Manok = 100,000 pesos, Kabayo = 20 pesos. Pero may pahabol na PS. Puwede lang bilhin ang kabayo kung bibilhin din ang manok! Isang mayaman ang nagkainteres sa kabayo kaya't napilitan din itong bilhin ang manok. Dali-daling bumalik sa simbahan ang lalaki. Dumukot sa kanyang wallet ng pera at sabay sabing: "Poong Santiago... eto na ang parte mo!" At naglabas siya ng 10 piso at inilaglag sa collection box! May tawag sa ganitong uri ng tao... SWITIK! Magaling dumiskarte! Matalino! Tuso! Ganito rin ang kwento ni Hesus sa talinhaga. Ngunit wag tayong magkakamali. Hindi pandaraya ang itinuturo ni Hesus sa ebanghelyo. Ang nais niya lang sabihin ay dapat tayo rin bilang mga Kristiyano ay matalino pag dating sa mga espirituwal na gawain. Kung kaya nating mag-aksaya ng oras sa gimik at galaan, sa computer at pagtetext, sa harapan ng tv o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba... Sana ang pagkaswitik natin ay itaas natin sa "next level!" Habang may panahon pa tayo ay umiwas tayo sa mga gawaing masama at pairalin ang paggawa ng mabuti. Gamitin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na "switik" na tagasunod ni Kristo! Carry mo?
Martes, Setyembre 11, 2007
ANG SIRANG-TULAY : Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year C - September 16, 2007
Ang "Bario Sirang-Tulay" ay kilala sa isang tulay na sira na iyong daraanan bago ka makarating sa lugar na yon. Kilala rin ito sa "kasalanang" palasak o karaniwan ng ginagawa ng mga tao sa lugar na yon... ang pangangalunya o adultery. Sa kumpisalan, karaniwan ng maririnig ang "Padre, ako ko ay may number 2. Padre ako po ay may kerida, Padre ako po ay nagtaksil sa aking asawa..." Kaya't minsan nasabi ng pari sa mga tao: "Mga minamahal kong parokyano, kung ang kasalanan n'yo ay pagtataksil sa inyong asawa sabihin n'yo na lang na kayo ay nalaglag sa tulay. Magkakaintindihan na tayo!" Sa kasamaang palad ay agad napalitan ang pari. Ang bagong paring pumalit na ganadong-ganado ay agad nagpakumpisal. Ang kanyang narinig: "Padre, patawad po... ako po ay nalaglag sa tulay." Laking gulat ng pari. Halos lahat ng nagkumpisal ay nalaglag sa tulay. Lalo na ng magkumpisal ay ang asawa ng Mayor. Nalaglag din sa tulay... dalawang beses pa! Hindi na n'ya ito matiis kaya't nagpunta sa munisipyo upang magreklamo sa Mayor na kasalukuyang nagpapameeting sa kanyang konseho. Banat ni Father: "Mayor, wala na ba tayong magagawa sa ating tulay? Aba... marami nang nalaglag!" Nagtawanan ang lahat pati na si mayor. Pagalit na sigaw ng pari: "Aba, mayor, ang asawa n'yo... dalawang beses nalaglag sa tulay!" Namutla ang kawawang mayor... Ang bad news: Marami tayong tulay na kinalalaglagan, tulay ng pagkamakasarili, pagkagahaman sa materyal na bagay, mga masasamang bisyo, pandaraya, kawalang karatarungan... ng kasalanan. Ang goodnews: May Diyos tayo na laging handang sumagip sa atin sa pagkalaglag. Ang sabi nga ng mga Pariseo kay Jesus: "This man welcomes sinners and eats with them!" Ang Diyos ay nagkatawang-tao upang ibalik ang naputol na ugnayan natin sa Kanya. Siya ay nag-alay ng Kanyang buhay sa krus ipang iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Kaya magalak ka kapatid kung ikaw ay isang makasalanan... Welcome ka kay Lord! Hindi lang yon... kasalo ka pa n'ya sa hapag kainan! (Sa bibliya ito ay tumutukoy sa kaharian ng Diyos.) Kaya next time na daraan ka sa sirang-tulay ay isipin mong may Diyos na nagmamahal sa 'yo... handang magpatawad sa 'yo...
Linggo, Setyembre 9, 2007
FORESIGHT O POORSIGHT? : Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year C - Sept. 9, 2007
Nangyari na ba sa 'yo ang pumunta ka ng Mall para manood lang ng sine pero paglabas mo ay ang dami mo ng bitbit? Me bago ka ng rubber shoes, bagong damit, gadgets, vanity kit, etc... Ang tawag namin d'yan kapag nagmamalling ay "creating needs!" Kung minsan ay di naman kailangan pero ang laging bukang bibig kapag may natipuhang bilhin ay: "Kelangan ko n'yan!" Kaya napakahalagang sa buhay ay "focus" tayo sa ating gagawin. Dapat "foresight" at hindi "poorsight" ang ating pina-iiral! Tingnan mo ang mga ginagawang kalye. Kung minsan magugulat ka. Kakaespalto lang last year, ngayon binubungkal na naman! Ang Avenida na pinaggastusan ng napakalaki sa paglalagay ng tiles sa daan... binaklas! Para "daw" lumuwag ang traffic. Bakit hindi naisip yun bago pa gawin ito? Mahalaga rin sa ating buhay ang magkaroon ng "foresight." Maliwanag ang aral ng talinhaga sa Ebanghelyo, magplano ng mabuti bago sumuong sa mahalagang gawain! May plano rin ba ako sa aking buhay-Kristiyano? O baka naman masyado akong "focus" sa buhay-makamundo at wala na akong oras para magdasal, magbasa ng Bibliya, tumulong sa kapwa, etc... Dapat pinag-iisipan din yan kung talagang mahalaga sa ating ang pagiging Kristiyano! May "foresight" ka ba? Baka naman "poorsight" ang meron ka?
Sabado, Setyembre 1, 2007
KAYABANGAN : Reflection for the 22nd Sunday in Ordinary Time, Year C - September 2, 2007
Isang turistang hapon ang umarkila ng taxi at nagpalibot sa Metro Manila. Dinala siya ng driver sa gawing Shaw Boulevard at idinaan sa Shangrila. "This building is big! How long did you build this buidling?" "More or less one year!" Sabi ng driver. "One year? Too slow! In Japan, 6 months... very, very fast!" Payabang na sagot ng hapon." Dumaan naman sila sa Mega Mall at sabat uli ng hapon: : "Ah... this building is very big! How long did you take to build it?" "5 months!" sabi ng tsuper. "5 months??? very slow! In Japan, only 3 months... very, very fast!" Payabang na sabi ng hapon. Medyo napikon na ang driver kaya idiniretso niya sa Pasay... sa Mall of Asia. "Wow! This building is very, very big! How long did you build it?" Payabang na sagot ng driver: "Only 2 months!" Sigaw ang hapon: "2 months??? Very slow... in Japan only 1 month... very, very fast!" Napahiya na naman ang Pilipino. Natapos din ang paglilibot at ng bayaran na ay sinabi ng driver. "Ok Mr. Japanese, pay me 10 thousand pesos!" Sagot ang hapon: "10 thousand? Very expensive!" Sagot ang driver: "Look sir... my taxi meter... made in Japan... very, very fast!" hehehe... nakaganti rin! Nakakaasar ang mga taong mayayabang! Ang sarap nilang yakapin... yakapin ng mahigpit hanggang mamatay! hehe. Marahil, isang katangian na dapat nating matutunan bilang mga Kristiyano ay ang "kababaang-loob." Malinaw ang tagubilin ni Sirac: “Ang bagay na lubhang mataas ay huwag hanapin..." Sa ebanghelyo ay malinaw na sinabi ng Panginoon na ang "nagpapakataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas." Ang kababaang-loob ang nagsasabi sa ating ang lahat ng ating kakayahan ay galing sa pagpapala ng Diyos kaya wala tayong maipagmamalaki. Hindi ito ganang atin kaya hindi dapat natin ipagkait sa ating kapwa. Ang kadakilaan sa mata ng mundo ay hindi kailanman tugma sa pagtingin ng isang Kristiyano. Hindi kung anung meron tayo ang siyang nagpapadakila sa atin. Ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa kababang-loob... sa paglilingkod. Kailan ako huling tumulong sa isang kapwang nangangailangan? Baka naman puno ako ng kayabangan, kasakiman at pagiging makasarili. Suriin natin ang ating mga sarili...
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)