Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Huwebes, Setyembre 27, 2007
KRISTIYANONG PAKIALAMERO! : Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - September 26, 2010
May natanggap akong text: "7 TIPS PARA MAIBA ANG ARAW MO: 1. Ibenta ang celphone tapos bilhin ulit 2. Ibigay ang wallet sa katabi sabay sigaw ng 'holdap!" 3. Maglaro ng taguan, tapos umuwi sa bahay 4. paghiwa-hiwalayin ang sangkap ng 3-in-1 5. Uminom ng limang basong kape at matulog 6. Kurutin ang kapatid at unahang umiyak 7. Makipag jak en poy sa salamin hanggang sa manalo." hehehe... Gusto mo ba talagang maiba ang araw mo? Simple lang, maghanap ka ng pinakamahirap sa mga kaibigan mo tapos i-treat mo sa Mcdo o Jolibee! Kung di naman kaya ng budget mo ay puwede nang "kwek-kwek" o "kikiam" sa tabi-tabi! Hindi kasi natural sa atin ang magbigay. Mas gugustuhin nating tayo ang binibigyan. Lalong-lalo naman na hindi natural sa atin ang pakialaman ang kalagayan ng iba. "Wala akong pakialam!" Madalas nating marining ang mga salitang ito kapag may pinupuna tayo sa ibang tao. "Pakialam mo!" ang isasabad nila upang pagtakpan ang kanilang pagkakamali. Totoo, dapat nating respetuhin ang "privacy" ng ating kapwa. May mga bagay na hindi natin dapat panghimasukan. Ngunit kung ang nakasalalay ay ang ikasasama nila at naroroon lamang tayong nakatayo na walang ginagawa, ay may malaki tayong pagkukulang at pananagutan. Kalimitan sa kumpisal ang sinasabi natin ay mga nagawang kasalanan o "sins of commission". Ngunit kung ating iisipin, may mga kasalanan din na ang tawag ay "sins of omission", mga kabutihan na dapat ay nagawa natin ngunit hindi natin ginawa. Dito natin makikita ang pagkakamali ng mayaman sa talinhaga ng ating Ebanghelyo. Marahil, mabuti siyang tao: Hindi nagnanakaw. Hindi nangangalunya. Hindi naninira ng kapwa. Pero meron sya'ng nakaligtaan... yung taong nasa labas lang ng kanyang pinto na namamatay sa gutom.Maaari n'yang ibsan ang paghihirap ni Lazaro ngunit mas pinili n'ya ang "wag makialam." Sayang! Nakagawa sana s'ya ng mabuti! Sa kahuli-hulihan ay nabaliktad ang kanilang kapalaran pagdating sa kabilang buhay. Nabulid ang mayaman sa "apoy ng kapahamakan." Magsilbi sana itong babala sa ating lahat! Maging pakialemero tayo sa ating kapwa kapag ang nakasalalay ay ang kanilang kabutihan at kapakanan. Sapagkat ang Diyos mismo ay nakialam sa ating kalagayan noong siya ay nagkatawang-tao upang iligtas tayo sa kasalanan. Sa katunayan ay wala namang obligayson ang Diyos na "maging tao at makipamayan sa atin!" Lalo nang wala siyang obligasyong dumanas at mamatay para sa atin. Ngunit, dahil sa kanyang walang kapantay na kabutihan ay niloob niyang pakialaaman ang ating abang kalagayan upang ibalik ang naputol nating kaugnayan sa Diyos. Tayo ay magkakapatid sa pananampalataya. Ang kabutihan ng isa ay kabutihan ng lahat at ang kapahamakan ng isa ay kapahamakan ng lahat. Makialam ka para kay Kristo! Ang tunay na Kristiyano ay PAKIALAMERO!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento