Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Martes, Setyembre 11, 2007
ANG SIRANG-TULAY : Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year C - September 16, 2007
Ang "Bario Sirang-Tulay" ay kilala sa isang tulay na sira na iyong daraanan bago ka makarating sa lugar na yon. Kilala rin ito sa "kasalanang" palasak o karaniwan ng ginagawa ng mga tao sa lugar na yon... ang pangangalunya o adultery. Sa kumpisalan, karaniwan ng maririnig ang "Padre, ako ko ay may number 2. Padre ako po ay may kerida, Padre ako po ay nagtaksil sa aking asawa..." Kaya't minsan nasabi ng pari sa mga tao: "Mga minamahal kong parokyano, kung ang kasalanan n'yo ay pagtataksil sa inyong asawa sabihin n'yo na lang na kayo ay nalaglag sa tulay. Magkakaintindihan na tayo!" Sa kasamaang palad ay agad napalitan ang pari. Ang bagong paring pumalit na ganadong-ganado ay agad nagpakumpisal. Ang kanyang narinig: "Padre, patawad po... ako po ay nalaglag sa tulay." Laking gulat ng pari. Halos lahat ng nagkumpisal ay nalaglag sa tulay. Lalo na ng magkumpisal ay ang asawa ng Mayor. Nalaglag din sa tulay... dalawang beses pa! Hindi na n'ya ito matiis kaya't nagpunta sa munisipyo upang magreklamo sa Mayor na kasalukuyang nagpapameeting sa kanyang konseho. Banat ni Father: "Mayor, wala na ba tayong magagawa sa ating tulay? Aba... marami nang nalaglag!" Nagtawanan ang lahat pati na si mayor. Pagalit na sigaw ng pari: "Aba, mayor, ang asawa n'yo... dalawang beses nalaglag sa tulay!" Namutla ang kawawang mayor... Ang bad news: Marami tayong tulay na kinalalaglagan, tulay ng pagkamakasarili, pagkagahaman sa materyal na bagay, mga masasamang bisyo, pandaraya, kawalang karatarungan... ng kasalanan. Ang goodnews: May Diyos tayo na laging handang sumagip sa atin sa pagkalaglag. Ang sabi nga ng mga Pariseo kay Jesus: "This man welcomes sinners and eats with them!" Ang Diyos ay nagkatawang-tao upang ibalik ang naputol na ugnayan natin sa Kanya. Siya ay nag-alay ng Kanyang buhay sa krus ipang iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Kaya magalak ka kapatid kung ikaw ay isang makasalanan... Welcome ka kay Lord! Hindi lang yon... kasalo ka pa n'ya sa hapag kainan! (Sa bibliya ito ay tumutukoy sa kaharian ng Diyos.) Kaya next time na daraan ka sa sirang-tulay ay isipin mong may Diyos na nagmamahal sa 'yo... handang magpatawad sa 'yo...
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento