Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Disyembre 30, 2007
AMOY SUWERTE! : Reflection for the New Year & Solemnity of Mary Mother of God - January 1, 2008
Amoy Bagong Taon na! Magandang maligo bago pumasok ang bagong taon at sundin ang pamantayan sa paggamit ng pabango ayon sa isang text na aking natanggap: "The essence of smell in life: lotion for the babies, cologne for the twenties, Eau d Toilet for the thirties, perfume for the fourties, Efficacent Oil for the fifties, bawang at Luya for the sixties, insenso for the seventies and above! haha! Anuman ang amoy mo... isa lang ang sinasabi nito: Salubungin mo ang bagong taon na may "bagong amoy" para pumasok ang suwerte! Ang dami nating ginawa upang papasukin ang suwerte sa bagong taon. Naririyan na ang pagbili ng mga bilog na prutas. Suwerte raw kasi yung bilog... magkakapera ka. Uso rin ang kasuotang kulay pula o polkadots... swerte rin daw sabi nila. Maraming nagbubukas ng bahay kahit mausok ang mga paputok... para raw pumasok ang swerte! (Yung iba magnanakaw ang nakakakuha ng swerte! hehehe.... Naniniwala ka ba sa mga pamihiing ito? Saan ba nakasasalalay ang swerte natin? Kung titingnan natin ang kapistahang pinagdiriwang ngayon ay malalaman natin kung saan nagmumula ang swerte! Kapistahan ngayon ni Maria bilang "Ina ng Diyos!" Ang kaswertehan niya ay di niya isinaalang-alang sa mga pamahiin subalit sa matapat na pagtupad sa kalooban ng Diyos. Nang pinili ng Diyos si Maria upang maging Kanyang ina ay hindi siya nagdalawang isip na sumunod sa Diyos bagamat hindi niya alam ang plano ng Diyos para sa kanya. Sa pagpasok ng bagong taon... maraming plano ang Diyos para sa atin! Ang suwerte natin ay nakasalalay sa matapat na pagsang-ayon sa Kanyang kalooban. Kaya kahit hikahos ang ating buhay sa pagpasok ng taon, kahit santambak ang problemang sasalubong sa atin, kahit baon tayo sa maraming pagkakautang ay kaya nating salubungin ang bagong taon na may ngiti sa ating mga labi. Dasalin natin kasama ni Maria..."Narito ang alipin ng Panginoon... maganap nawa sa kin ayon sa wika mo..." ISANG MAPAYAPA AT MAPAGPALANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!
Martes, Disyembre 25, 2007
(Newly Improved! hehe... ) BANAL NA PAMILYA... ANO BA? : Reflection for the Feast of the Holy Family - December 30, 2007
Nagkaroon ng survey noong isang taon. Nagtataka sila kung bakit marami ang ipinapanganak na kambal. "Bakit kaya?" Ang susunod na tanong. Ang sabi ng isang sagot: "Dahil takot ang batang isilang na mag-isa sa mundo!" Tama nga naman... sa dami ng problemang bumabagabag sa bawat pamily ngayon ay parang nakakatakot nang isilang sa mundo! Nariyan na ang abortion at contraception, idagdag pa natin ang divorce, disfunctional families, kahirapan ng pamumuhay, pagsasamantala sa karapatan ng mga bata, at marami pang ibang sulirin sa lipunan. Parang nakakatakot talaga na isilang sa mundo ngayon. Kung baga sa pelikula: nkakaSHAKE RATTLE AND ROLL! Ang dating simpleng pamilyang naninirahan sa BAHAY KUBO ay nagiging kumplikado. Kaya si ENTENG ay nag-aabroad para makaranas ng KATAS NG SAUDI. Ang resulta: pamilyang SAKAL, SAKALI, SAKLOLO! Kaya nga dapat i-RESIKLO ang bawat pamilya! Tinatapos natin ang taong ito sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose. Pinapaalala sa atin kung "ano dapat maging" ang isang pamilya. Ginawang banal ng Diyos ang bawat pamilya nung siya ay magkatawang tao... at pinabanal pa niya ito ng pinili niyang mabuhay sa loob ng isang pamilya. Hindi sapagkat "holy family" ay perpekto na! Kahit ang Banal na Pamilya ay nakaranas ng sakit at pagkukulang. Sa ebanghelyo ngayon ay makikita natin ang paghihirap na dinanas ng banal na pamilya sa pag-aalaga nila sa sanggol na Hesus upang mailayo ito sa kapahamakan. Kahanga-hanga ang papel na ginampanan ni Jose bilang "ama" ng banal na pamilya. At mayroon ding tagpo sa ebanghelyo na minsang naging pasaway ang batang Hesus noong minsan silang nagpunta sa templo ng Jerusalem. At take note: marunong sumagot sa magulang! hehehe... Ngunit ang isang katangian ng banal na pamilya ay ang marunong itong magmahal sa kabila ng maraming pagkukulang ng bawat isa. Ito ang maaari nating mapulot sa Banal na Mag-anak. Sila ay Banal sapagkat sila ay nagmamahalan sa kabila ng kanilang pagkukulang. Minamahal ko rin ba ang pamilyang kinabibilangan ko? Ano ang magagawa ko pa upang maitaguyod ang aking sariling pamilya? Paano ko mapupunuan ang pagkukulang ng bawat isa sa amin? Tularan natin ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose!
Linggo, Disyembre 23, 2007
ANG DIYOS: KAPAMILYA NA... KAPUSO PA! Reflection for Christmas Day - December 25, 2007
Isang lalaki ang may alagang matatabang baboy. Ito ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya kayat ganun na lamang ang kanyang pagmamahal sa kanyang mga baboy. Minsa'y laking pagkagulat niya ng maratnan niyang matatamlay ang kanyang mga baboy... may sakit sila at unti-unting namamatay. "Panginoon, pagalingin mo ang mga baboy ko... mahal na mahal ko sila." Sa di inanasahang pagkakataon ay sumagot ang Panginoon: "O sige, pagagalingin ko ang mga baboy mo sa isang kundisyon... na bukas pagkagising mo ay makikita mo ang sarili mo sa kulungan ng mga baboy. Kasama ka nila sa pagtulog at pagkain... sa madaling salita: magiging baboy ka rin!" Sabi ng lalaki: "Panginoon, patayin mo na lang ang mga baboy!" Kaya mo bang maging kapamilya ng mga baboy? Ano ka hilo??? Magpapakamatay na lang ako! Hindi ko ata matatanggap na maging mababang uri ng nilikha! Pero ito ang mas hindi katanggap-tanggap: Na ang Manlilikha ay maging isang nilikha! Masahol pa sa taong naging baboy! Ngunit ito ang pinili ng Diyos. Ninais Niyang maging KAPAMILYA natin! Akuin ang ating pagkatao at maranasan ang mabuhay na isang tao. Pero hindi lang maging kapamilya ang nais niya. Ninais pa ng Diyos na maging KAPUSO natin! Kaya nga, tuwing Pasko ay muling isinisilang si Hesus. Isinisilang Siya sa puso ng mga taong handang tumanggap sa Kanya. Napakalaking karangalan para sa 'ting mga tao na piliin Niya upang maging Kanyang ka-pamilya at ka-puso. Sa pagsapit ng Pasko paglaanan natin ng ilang sandali na pag-isipan ang mahalagang katotohanang ito: Ang Diyos ay NAGING TAO upang tayo'y MAGPAKATAO. Sa Paskong ito, hanapin natin Siya sa ating Kapwa. Magmahal ka at magpatawad at isisilang Siya sa puso mo. Isang MAKAHULUGANG PASKO sa inyong lahat!
Sabado, Disyembre 22, 2007
PAGDUDUDA: Reflection for the 4th Sunday o Advent Year A - December 13, 2007
Isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso. " Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako... Yung dalawa e kay kumpare!" Inatake sa puso ang mister! May karapatang magduda ang lalaki kung papaanong si Jose rin ay may karapatang magduda sa kanyang asawang si Maria. Bago sila magsama ay naratnan niyang nagdadalang-tao ito. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa syang taong matuwid at ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria ay nadesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari: Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabho. Nasunugan ka ng bahay. Namatayan ka ng mahal sa buhay.... Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Sabi nga sa ingles: "God can write straight in crooked lines!"
Reflection for the 4th Sunday of Advent Year C- December 20, 2009: PAGDUDUDA!
Isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso. " Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako... Yung dalawa e kay kumpare!" Inatake sa puso ang mister! May karapatang magduda ang lalaki kung papaanong si Jose rin ay may karapatang magduda sa kanyang asawang si Maria. Bago sila magsama ay naratnan niyang nagdadalang-tao ito. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa syang taong matuwid at ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria ay nadesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari: Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabho. Nasunugan ka ng bahay. Namatayan ka ng mahal sa buhay.... Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Sabi nga sa ingles: "God can write straight in crooked lines!"
Biyernes, Disyembre 14, 2007
ANG SORBETERO NG PASKO: Reflection for 3rd Sunday of Advent Year A - December 16, 2007
Sa lahat ng Simbahan ngayong Linggo ay sisindihan ang kandilang kulay "pink" ng Korona ng Adbiyento. Sumasagisag sa kaligayahang ating nadarama dahil papalapit na ang pagdiriwang ng Pasko. Ang tawag sa pagdiriwang natin ngayon ay "Gaudete Sunday". Ibig sabihin ay "Magsaya!" Ano nga ba ang nagbibigay sa atin ng kaligayahan tuwing Pasko? May isang sorbetero na lubos na kinagigigiliwan ng mga bata dahil sa kanyang masarap na ice cream. Ngunit higit sa ice cream ay ang kanyang pagkamasayahin, magaling siyang mag-entertain sa mga batang kanyang suki! Minsan sinabi n'ya sa kanila: "Alam n'yo bang ako'y magikero? Kayang kong gawin ang lahat ng nais n'yo! " Sabi ng mga bata: "Sige nga po... bigyan n'yo nga kami ng maraming-maraming ice cream na hindi nauubos?" Nalungkot ang sorbetero. Sa isang iglap ay naglaho s'ya at nakita ng mga bata ang napakaraming supply ng ice cream sa kanilang harapan. Masayang-masaya sila! Nakalimutan ang sorbetero. Ngunit pagkatapos ng ilang araw ay nalungkot muli sila... parang may kulang! Hanggang isang araw ay may nakita silang matandang lalaki na malungkot na nakaupo sa daan. "Bakit po kayo malungkot? Sino po kayo?" Biglang may nilabas sa kanyang bulsa ang lalaki, isang maliit na "bell" at pinatunog ito. Laking pagkatuwa ng mga bata. Nagbalik sa kanila ang sorbetero! At doon nila naunawaan na ang nagpapasaya sa kanila ay hindi ang ice cream kundi ang sorbetero! Si Jesus ang sorbetero ng Pasko! Akala natin ang mga ice cream ang nagpapasaya sa Pasko! Masarap na Noche Buena, bagong sapatos at damit, regalo, Christmas party, dekorasyon... Pero lahat ng ito ay parang ice cream na matutunaw! Ang tunay na nagbibigay ng kaligayahan sa Pasko ay ang sorbetero... si Hesus! Siya ang "reason of the season!" May Pasko sapagkat may Diyos na nagmahal sa atin ng lubos at ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo'y iligtas sa pagkakaalipin sa kasalanan! Nakakalungkot sapagkat marami sa atin ang nakakalimot sa pagtanggap sa Kanya. Naiiwan tayo sa ice cream! Ngayong "Gaudete Sunday", hinihikayat tayong pag-isipan kung ano ba ang nagpapaligaya sa atin sa Pasko. Ilang araw na lang Pasko na... baka nasa ice cream ka pa...
Sabado, Disyembre 8, 2007
One More Chance: Supplementary Reflection for 2nd Sunday of Advent Year C - Dec. 9, 2007
Kasalukuyan kong binabaybay ang kahabaan ng NLEX. Marahil mga alas 6:30 ng gabi noon. Galing ako ng Mabalacat, Pampanga sa isang kasal at pauwi na ako sa Makati. Medyo may kahabaan ang biyahe at marahil dala na rin ng pagod at puyat ay tinamaan ako ng antok. Napakabilis ng pangyayari. Ilang segundong pagkakaidlip at nakita ko na ang aking sarili sa likod ng isang dump truck. Sumabit ang nguso ng aking sinasakyang Isuzu IPV sa bumper ng truck at nakita ko na lamang na hili-hila na ng truck ang aking sasakyan. Mabuti na lamang at nagawa naming tumabi sa "shoulder" ng express way at wala namang napinsala sa amin maliban sa aking sasakyan na wasak ang nguso ngpassenger side. Naisip ko... mahal pa rin ako ng Diyos! Binibigyan n'ya pa rin ako ng pagkakataong pag-isipan at pahalagahan ang aking buhay. Habang binabasa ko ang Ebanghelyo ngayon ay mas lalo kong naintindihan ang mga katagang "Prepare the way of the Lord, make straight his paths!" Kakatapos ko lang ipagdiwang ang ika-11 anibersayo ng aking pagpapari noong Dec. 7. At parating bumabalik sa aking isip ay kung nagawa ko na bang ipaghanda ang daraanan ng Panginoon sa aking buhay sa labing isang taon ng paglilingkod ko sa kanya? Kung tinawag na niya ako nung gabing iyon, masasabi ko bang naihanda ko na ang daraanan Niya? Nakakahiya mang aminin ngunit masasabi kong marami pa ako pagkukulang at marami pang pagbabayad-puri na dapat gawin... Maraming salamat Panginoon sa pagbibigay mo sa aking ng isa pang pagkakataon!
Miyerkules, Disyembre 5, 2007
MAGBAGO KA! NGAYON NA! : Reflection for the 2nd Sunday of Advent Year A - December 9, 2007
Mayroong isang lumang kwento na minsan daw ay nagkaroon ng pagpupulong ang kalipunan ng mga demonyo, isang Devils' Assembly na ipinatawag ni Lucifer. Ang layunin ng pagpupulong ay upang humanap ng pinakamagandang paraan upang makahikayat pa sila ng maraming tagasunod. Nagtaas ng kamay ang isa at ang sabi: "Boss Luci, bakit hindi tayo bumaba na lang sa lupa at sabihin sa mga tao na wag na silang magpakabuti sapagkat wala namang langit?" Sinigawan siya ni Lucifer na ang sabi: "Talagang demonyo ka! Di ka nag-iisip! Sinong maniniwala sa 'yong walang langit? Di mo ba nakikita ang napakaraming taong nagsisimba pag Linggo? Tanga!" Sabad naman ng isa: "E bakit di na lang natin sabihin sa kanila na wala namang impiyerno kaya wag silang matakot na gumawa ng masama?" "Isa ka pa!" Sagot ni Luci, "Sinong maniniwala sa yong walan impiyerno? E saan tayo titira? Sa langit? Tanga!" Walang makapabigay ng magandang panukala hanggang isang bagitong demonyo ang nagsalita: "Bossing, sabihin natin sa mga tao na ganito: totoong may langit at may impiyerno, pero... wag n'yo munang intindihin yun! Mahaba pa ang buhay n'yo sa mundo. Magpakasarap muna kayo habang buhay pa!" At umani siya ng masigabong palakpakan! Ang ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin ng agarang pagtugon sa tawag ng Diyos na magbalik-loob at magbagong buhay! Ito ang isinisigaw ni Juan Baustista sa ilang: "Magpanibagong-buhay kayo. Malapit ng dumating ang kaharian ng Diyos... Ngayon pa'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punongkahoy." Wag sana tayong padala sa malaking kasinungalingang ikinakalat ng demonyo na mahaba pa ang ating buhay... marami pa tayong oras! Mas mabuti na na lagi tayong handa. Baka bukas hindi na tayo magising. Baka yung kinain natin ay huling hapunan na. Walang makapagsasabi. Ngunit wag sanang takot ang mgtulak sa atin sa pagbabalik- loob. Tandaan natin, ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... ang nais Niya ay atin Siyang mahalin! Tatalikuran ko ang aking masamang pag-uugali dahil mahal ko ang Diyos. Mabubuhay ako ng mabuti dahil mahal ko Siya! Ito ang pagbabagong-loob na kinalulugdan N'ya. Handa ka na ba kung tatawagin ka ng Diyos ngayon?
Lunes, Disyembre 3, 2007
SA LAKAS NG DIYOS...POSIBLE! Reflection for the Solemnity of the Immaculate Conception - December 8, 2007
Minsang pumasyal ako sa Bicol at pinuntahan ko ang matayog at magandang Mayon volcano. Swerte ako at maganda ang panahon. Maaliwalas ang kalangitan kitang-kita ang "perfect cone" ng bulkan. Ang sabi ng ilang tagaroon: "May paniniwala na tanging ang mga birhen lang ang nakakakita ng perfect cone ng bulkan." Nang sumunod na araw ay naroroon uli ako at napansin kong may grupo ng mga madreng tinatanaw ang bulkan at ang sabi nila: "Ay sayang! Maulap di natin makita ang perfect cone ng bulkang Mayon!" hehehe! Uso pa ba ang pagiging birhen ngayon? Sa ibang progresibong pag-iisip ay makaluma na ang kahinhinan at kalinisan. Ngunit ang kapistahang ipinagdiriwang ngayon ay nagsasabing posible pa rin ang kalinisan! May ilan pa ring nalilito sa kapistahang ito: ang "Immaculate Coneception". Akala ng iba, ito ay ang mahimalang paglilihi ni Maria kay Jesus o ang tinatawag nating "virgin birth" ni Jesus. Sino ba talaga ang ipinaglihi? Si Jesus o si Maria? Ang Immaculate Conception ay ang "kalinis-linisang paglilihi kay Maria" na pinaniniwalaan nating totoo bilang mga Kristiyano. Paano nangyari na ang isang tao ay ipinaglihing walang kasalanan gayung lahat ng taong isinisilang sa mundo ay nababahiran ng "original sin?" Marahil imposible para sa ating mga tao, ngunit hindi sa Diyos! Kung hihiramin ko ang slogan ng Globe telecom: "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!" Isang natatanging pribelihiyo ang ibinigay ng Diyos kay Maria na ipinaglihi siyang walang kasalanang mana sapagkat siya ang magdadala sa Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Hindi ata tama ang maglagay ng maputing bigas sa maruming kaldero! Dapat malinis muna ang paglalagyan! Ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay ihinihanda na ng Diyos sapul pa nung ipaglihi siya ng kanyang mga magulang. At ang kalinisang ito ay kanyang pinanatili! Kaya nga ang tawag natin din sa kanya ay "Ever-virgin!" Isang magandang paalala sa ating lahat. Marahil ay hindi natin mapapantayan ang kalinisan ng Mahal na Birhen. Ngunit inaanyayahan tayong mabuhay ng may malinis na puso! Nakakalungkot sapagkat kalat na sa mundo ang kalaswaan at sinisira ang murang pag-iisip ng ating mga kabataan. Hingin natin na sana ay protektahan ng Mahal na Birhen ang bawat isa sa atin. Wag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat kaya din nating maging malinis tulad niya. Tandaan natin... "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)