Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Disyembre 23, 2007
ANG DIYOS: KAPAMILYA NA... KAPUSO PA! Reflection for Christmas Day - December 25, 2007
Isang lalaki ang may alagang matatabang baboy. Ito ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya kayat ganun na lamang ang kanyang pagmamahal sa kanyang mga baboy. Minsa'y laking pagkagulat niya ng maratnan niyang matatamlay ang kanyang mga baboy... may sakit sila at unti-unting namamatay. "Panginoon, pagalingin mo ang mga baboy ko... mahal na mahal ko sila." Sa di inanasahang pagkakataon ay sumagot ang Panginoon: "O sige, pagagalingin ko ang mga baboy mo sa isang kundisyon... na bukas pagkagising mo ay makikita mo ang sarili mo sa kulungan ng mga baboy. Kasama ka nila sa pagtulog at pagkain... sa madaling salita: magiging baboy ka rin!" Sabi ng lalaki: "Panginoon, patayin mo na lang ang mga baboy!" Kaya mo bang maging kapamilya ng mga baboy? Ano ka hilo??? Magpapakamatay na lang ako! Hindi ko ata matatanggap na maging mababang uri ng nilikha! Pero ito ang mas hindi katanggap-tanggap: Na ang Manlilikha ay maging isang nilikha! Masahol pa sa taong naging baboy! Ngunit ito ang pinili ng Diyos. Ninais Niyang maging KAPAMILYA natin! Akuin ang ating pagkatao at maranasan ang mabuhay na isang tao. Pero hindi lang maging kapamilya ang nais niya. Ninais pa ng Diyos na maging KAPUSO natin! Kaya nga, tuwing Pasko ay muling isinisilang si Hesus. Isinisilang Siya sa puso ng mga taong handang tumanggap sa Kanya. Napakalaking karangalan para sa 'ting mga tao na piliin Niya upang maging Kanyang ka-pamilya at ka-puso. Sa pagsapit ng Pasko paglaanan natin ng ilang sandali na pag-isipan ang mahalagang katotohanang ito: Ang Diyos ay NAGING TAO upang tayo'y MAGPAKATAO. Sa Paskong ito, hanapin natin Siya sa ating Kapwa. Magmahal ka at magpatawad at isisilang Siya sa puso mo. Isang MAKAHULUGANG PASKO sa inyong lahat!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento