Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Disyembre 8, 2007
One More Chance: Supplementary Reflection for 2nd Sunday of Advent Year C - Dec. 9, 2007
Kasalukuyan kong binabaybay ang kahabaan ng NLEX. Marahil mga alas 6:30 ng gabi noon. Galing ako ng Mabalacat, Pampanga sa isang kasal at pauwi na ako sa Makati. Medyo may kahabaan ang biyahe at marahil dala na rin ng pagod at puyat ay tinamaan ako ng antok. Napakabilis ng pangyayari. Ilang segundong pagkakaidlip at nakita ko na ang aking sarili sa likod ng isang dump truck. Sumabit ang nguso ng aking sinasakyang Isuzu IPV sa bumper ng truck at nakita ko na lamang na hili-hila na ng truck ang aking sasakyan. Mabuti na lamang at nagawa naming tumabi sa "shoulder" ng express way at wala namang napinsala sa amin maliban sa aking sasakyan na wasak ang nguso ngpassenger side. Naisip ko... mahal pa rin ako ng Diyos! Binibigyan n'ya pa rin ako ng pagkakataong pag-isipan at pahalagahan ang aking buhay. Habang binabasa ko ang Ebanghelyo ngayon ay mas lalo kong naintindihan ang mga katagang "Prepare the way of the Lord, make straight his paths!" Kakatapos ko lang ipagdiwang ang ika-11 anibersayo ng aking pagpapari noong Dec. 7. At parating bumabalik sa aking isip ay kung nagawa ko na bang ipaghanda ang daraanan ng Panginoon sa aking buhay sa labing isang taon ng paglilingkod ko sa kanya? Kung tinawag na niya ako nung gabing iyon, masasabi ko bang naihanda ko na ang daraanan Niya? Nakakahiya mang aminin ngunit masasabi kong marami pa ako pagkukulang at marami pang pagbabayad-puri na dapat gawin... Maraming salamat Panginoon sa pagbibigay mo sa aking ng isa pang pagkakataon!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento