Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Martes, Enero 22, 2008
BIBLE CHRISTIAN KA BA? : Reflection for the 3rd Sunday in Ordinary Time Year A - January 27, 2008
May isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang nakaugalian ay sumangguni siya sa Bibliya. Kinuha niya ito at nakapikit na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!". Natakot siya at sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka't gayon din ang gawin mo." Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27, "Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n'yo na marahil ang kasunod... hehe. Ang ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon ay parating inilalaan sa padiriwang ng National Bible Sunday! Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga akong tapusin ang volumes ng Harry Potter bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila: Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan! Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya at at pagninilay sa Salita ng Diyos. Sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Kanya. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya?
Huwebes, Enero 17, 2008
PAGTULAD SA MGA BATA: Reflection for the Feast of the Sto. Nino: January 20, 2008
May joke sa isang text: A woman gave birth to an ugly child. She said: "What a lovely and beautiful child... He's a treasure!" The husband said: "Yeah... let's bury him!" hehehe... Hindi siguro ito totoo sa ating kultura. Tayong mga Pilipino ay likas na mapagmahal sa mga bata. Magaang ang ating loob sa kanila. Kaya nga't hindi nakakagulat na isa tayo sa bansang napakarami ang populasyon. Mas maraming anak... mas masaya! Bahala na kung papaano sila papakainin at bubuhayin! Kaya siguro malapit sa ating puso ang Kapistahan ng Sto. Nino. Sa mukha ng maraming bata ay nakikita natin ang mukha ng batang Hesus! Makahulugan ang mga salitang binitawan ni Hesus sa Ebanghelyo. Hindi siya nagbibiro ng sabihin niyang: "Hanggang hindi kayo natutulad sa mga bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit." (Mt. 18:10) Hindi niya nais na mag-isip bata tayo. Bagkus nais niyang maisabuhay natin ang natatanging katangian ng isang bata: Una, ang kababang-loob. Hindi ugali ng mga bata ang magpasikat. Ang matatanda pa nga kung minsan ang natutulak sa batang maging makapal ang mukha! At ikawala, ang katangiang magtiwala. Panatag ang kalooban ng isang bata sapagkat alam n'yang hindi siya iiwan ng kanyang magulang. Sa kapistahang ito ng Sto. Nino ay isabuhay natin ang dalawang katangiang ito: maglingkod sa ating kapwa ng may pagpapakumbaba, magtiwala sa Diyos lamang at hindi sa kapangyarihang ibinibigay ng mundo. At makikita natin na ang kaharian ng Diyos ay hindi pala mahirap marating...
Biyernes, Enero 11, 2008
MGA KRISTIYANONG-PANIKI : Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year A - January 13, 2008
May tatlong paring pinag-uusapan ang problema ng mga paniki na namamahay sa kisame ng kanilang mga simbahan. Ang sabi ng isa: "Alam n'yo sa galit ko ay bumili ako ng shotgun at pinagbabaril ko yung mga paniki sa kisame. Nabutas lang ang kisame ng simbahan ko pero di nawala ang mga paniki." Sabi naman ng isa: "Ako naman, bumili ako ng pesticide spray. Madami ang namatay pero may mga natira at yung mga naging anak nila ay na-iimune na sa pesticide kaya lalo lang dumami." Sumingit ang pangatlong pari: "Ay wala akong problema d'yan sa mga paniking yan!" "Bakit? Anung ginawa mo?" tanong ng dalawa. "Kumuha lang ako ng Holy Water, at bininyagan ko sila. Mula noon, wala ng pumapasok sa simbahan!" Marami sa ating mga Kristiyano ay parang mga paniki. Pagkatapos mabinyagan, di mo na makikita ang anino sa Simbahan. O kung nasa Simbhan man, aali-aligid sa labas... ayaw pumasok! Kung minsan ay naitatanong ko ang bisa ng Binyag. May problema ba ang Sakramento? Wala sa sakramento ang problema. Nasa mga taong tumanggap nito! Ang daling maging Kristiyano... ang hirap magpakakristiyano! Kung bakit parang walang epekto ang binyag ay sapagkat nagdesisyon na tayong wag sumunod kay Hesus. Ayaw nang magsimba. Ayaw nang magdasal. Manhid na sa paggawa ng kasalanan. May kalyo na ang konsiyensiya! Ang tawag natin sa kanila: "Nominal Christians", Kristiyano lang sa pangalan, sa baptismal certificate! Sa kapistahang ito ng Pagbibinyag kay Jesus ay sariwain natin ang ating mga binyag. Bagamat naiiba nag binyag ni Jesus sa atin ay iisa lang ang sinasabi ng Diyos sa oras ng ating binyag: "Ito ang aking anak... na lubos kong kinalulugdan..." Kalugod-lugod pa rin ba ako sa Diyos hanggang sa ngayon?
Linggo, Enero 6, 2008
ANG REGALO : Reflection for the Solemnity of the Epiphany - January 6, 2008
Sinasabing ang Epipanya ay "Ikalawang Pasko" na kung saan ay araw ito ng pagbibigay ng regalo. May kuwento ng isang kura paroko na niregaluhan ng kanyang mga parokyano. Dahil sa liit ng kanyang parokya ay halos kilala niya lahat ang mga tao at ang mga kabuhayan nito. May isang batang lumapit na may bitbit na kahon na ang pamilya ay may "bake shop". Sabi ng pari: "Ah, alam ko yang dala-dala mo... cake yan 'no?" Sagot ng bata: "Ang galing mo Father, pano mo nahulaan?" "Obvious ba? e may bakeshop kayo?" Sagot sa kanya ng pari. Lumapit ang ikawalang bata na may dala ring regalo na ang pamilya naman ay may pagawaan ng sapatos. "Alam ko yang regalo mo... sapatos yan!" Sabi ng pari. Laking gulat ng bata at tanong sa pari: "Pano mo nalaman Father?" "Obvious ba? May pagawaan kayo ng sapatos di ba? hehehe" Patawang sagot ng pari. Lumapit ang isa pang bata na may dalang kahon na medyo basa pa ang ilalim. May tindahan sila ng mga alak. Sabi ng pari: "Alam ko yan... alak yan." Hinipo ang basang bahagi ng kahon at tinikman. "Aha! Champagne ito... maasim!" Sabi ng pari. "Hindi po padre!" Sabi ng bata. "Mompo?" "Hindi rin po!" "E, ano ito...?" Sagot ng nakangiting bata: "Tuta po!" Kaya mag-ingat sa susunod na pagtanggap ng regalo! Ngunit kung titingnan natin ay kakaiba ang pagbibigayan ng regalo sa Pasko: Ang may birthday ang nagbibigay ng regalo... tayo ang tumatanggap! Ang Epipanya ay nagsasabi sa atin na may Diyos na nagbigay ng dakilang regalo sa atin nang ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayong lahat ay maligtas! Walang pinipili ang Diyos! Lahat ay nais Niyang maligtas. Wala tayong ibang masisisi kundi ang ating sarili kung tinanggihan natin ang dakilang regalong ito mula sa Kanya. Paano ko ba pinahahalagahan ang kaligtasang bigay sa akin ng Panginoon? Patuloy ba ako sa paggawa ng kasalanan? Sa pagkakahumaling sa mga bisyo? Sa pagpapa-iral ng masamang pag-uugali? Marahil oras na na tulad ng mga pantas sa Ebanghelyo na talikuran DATING DAAN at tahakin ang BAGONG DAAN! (Excuse po... Bro. Eli! hehehe)
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)