Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Mayo 30, 2008
GAWA... HINDI SALITA : Reflection for the 9th Sunday in Ordinary Time Year A - June 1, 2008
"Actions speak louder than voice!" Natutunan ko ito bata pa lamang ako. Kalimitan kasi ay iba ang ating sinasabi sa ating ginagawa. May isang nakakatuwang kuwento tungkol sa isang malaking barkong nasiraan sa gitna ng dagat. Siyempre, kanya-kanyang sakay sa "life-boat" ang mga pasahero. Nagkataong sumobra ng sakay ang isang life-boat, kinakailangang tatlo ang magsakripisyong umalis sa life-boat. Tumayo ang isang Amerikano at sumigaw ng "Long live America!" at bigla syang tumalon sa dagat. Isang Espanyol naman ang sumunod. Tumayo at malakas na isinigaw ang "Viva Espanya" at sabay talon din sa tubig. Buong yabang din na tumayo ang isang Pilipino. Sumigaw ng malakas: "Mabuhay ang Pilipino!" at itinulak ang Hapon sa tubig! Marahil hindi natin maikakaila ang dami ng Kristiyano sa ating bansa. Dagsa ang mga nagsisimba tuwing Linggo sa mga Simbahan at siguradong napupuno ng maraming "Panginoon, Panginoon..." ang mga dasal sa Simbahan. Sapat na ba ito upang sabihing "makaDiyos tayong mga Pilipino?" Malinaw ang sabi ng Panginoon sa ating Ebanghelyo ngayon: "Ang bawat nakikinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan." Marahil, marami ang nagdarasal. Marami ang nakikinig. Ngunit ilan kaya ang nagsasagawa ng Kanyang Salita? Kaya nga tama ang sinasabi sa atin ni Santiago Apostol na "ang pananampalatayang walang kasamang gawa ay pananampalatayang patay!" Nagsisimba ka ngunit pag-uwi mo sa bahay ay suwail ka pa ring anak, taksil ka pa ring asawa, mapanlait ka pa rin sa kapwa, nanlalamang ka pa rin sa iba... Asahan mong babagsak ang buhay mo sapagkat itinayo mo ito sa "buhanginan." Hindi sapat ang may tangang Bibliya o Rosaryo sa kamay at mangaral ng Kanyang Salita kung hindi naman marangal ang ating pamumuhay. Siguradong maririnig natin sa Panginoon ang mga salitang: ‘Kailanma’y hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!’
Sabado, Mayo 24, 2008
YOU BECOME WHAT YOU EAT! : Reflection for the Solemnity of the Body and Blood o Christ - May 25, 2008 (Reposted & Revised)
Napakasarap kumain! Lalo na kapag libre! hehe... Marahil isa itong natatanging kaugalian na taglay nating mga Pilipino. Pansinin mo ang bati mo kapag may bisitang dumating sa bahay. Ang ating agad na tanong ay "Kumain ka na ba?" O kapag nadatnan tayong kumakain ay sasabihin nating: "Tara Kain tayo..." Tayong mga Pilipino ay masasabi nating tunay na "palakain". Lahat na lang ng pagdiriwang ay dapat may kainan... "Pa-cheezeburger ka naman! Burger! Burger!" Mapabinyagan man, kasalan, nakakuha ng bagong trabaho, nanalo sa lotto, pumasa sa exam... at kahit "kamatayan" hindi pinapatawad... dapat me kainan pa rin! Kung mahalaga ang pagkain ay dapat nating pagtuunan ito ng pansin. Merong nangyayari na hindi natin namamalayan kapag tayo'y kumakain... nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain. We become what we eat...! Kaya nga ingat...! Kapag puro baboy ang kinakain mo e magmumukha ka ring baboy! Kapag kambing naman ay malamang maging amoy kambing ka! Kapag puro junk foods naman ay magiging junk din ang katawan mo... You become what you eat! Ngayon ko naintindihan kung bakit inalay ni Hesus ang kanyang sarili sa atin upang ating maging pagkain... gusto niyang maging katulad Niya tayo! In the Eucharist... we become like Christ!... Nagiging katulad natin S'ya! Ganito ba talaga ang nangyayari pagkatapos nating magkomunyon? Nagiging katulad ba ni Kristo ang ating pag-iisip? Ang ating pananalita? Ang ating pagkilos? Kaya naman pala kahit "eat all you can" ang ating pagtanggap ng Komunyon ay parang no effect sa atin ay sapagkat hindi natin ipinapakitang nagiging katulad Niya tayo. Sana pagtinanggap natin Siya sa Banal na Komunyon ay maging mas maunawain tayo. Maging mas mapagpatawad, mapag-aruga, magpagpakumbaba... Become what you eat... become like Christ!
Biyernes, Mayo 16, 2008
1+1+1 = 1 : Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year A - May 18, 2008
May isang batang nagtanong sa akin: "Father, bakit isa lang ang Diyos at hindi tatlo? Di ba Siya ay Ama, Anak, at Espritu Santo? Di ba 1+1+1=3? " Ito ang sagot ko sa kanya: "Iho, ang Diyos ay hindi puwedeng gamitan ng arithmetic! Kasi puede rin na 1x1x1=1!" Lubos ang kadakilaan ng Diyos kung kaya't hindi Siya maaring bilangin ng ating mga daliri sa kamay. Lubos ang Kanyang kadakilaan na hindi Siya maaring pagkasyahin sa ating maliit na isipan. Siya ang Manlilikha... Siya ang walang simula at walang katapusan... Siya ang hari ng sanlibutan! Ang problema marahil ay pilit nating inuunawa kung sino ba talaga Siya. Ang napakatalinong taong si Santo Tomas Aquino, na nagsulat ng maraming aklat tungkol sa Diyos (halimbawa ang Summa Theologia), pagkatapos ng kanyang mahabang pagsusulat at pagtuturo ay nagsabing ang lahat ng kanyang inilahad tungkol sa Diyos ay maituturing na basura lamang kung dadalhin sa Kanyang harapan. Ibig sabihin ni Santo Tomas a hindi natin lubos na mauunawan ang Diyos! Kahit ang taong pinakamatalino ay kapos sa kaalaman kung ang "misteryo ng Diyos" ang pag-uusapan. Bagamat walang sino mang tao ang lubos na makakaunawa sa Kanya ay pinili Niya pa ring magpahayag sa atin. Ang pagpapahayag ng Diyos ay napakasimple na kahit na ang walang pinag-aralang tao ay maaring makaunawa sa Kanya: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Ipinahayag ng Diyos na Siya ay pag-ibig. Kaya nga't masasabi natin na ang Diyos ay mauunawaan lamang ng taong marunong magmahal! Ang Banal na Santatlo ay pagmamahalan! Nauunawaan mo ang Diyos kung marunong kang magpatawad. Nauunawaan mo ang Diyos kung mahabagin ka sa mga mahihirap. Nauunawaan mo ang Diyos kung ang hanap mo ay ang kabutihan ng iyong kapwa! Marahil hindi natin maiintindihan kung bakit ang 1+1+1 para sa atin ay 1. Huwag tayong mag-isip... sa halip subukan nating magmahal... at makikita mo na ang kakulangang ng pag-iisip ay mapupuno ng isang payak at malinis na puso.
Sabado, Mayo 10, 2008
ANG "SIKYO NG SIMBAHAN" : (Reposted & Revised): Reflection for the Solemnity of Pentecost A - May 11, 2008
Isang bata na may bagong mountain bike ang nagpark sa isang Simbahan at hinanap ang Parish Priest. Nang makita ito ay magalang na nagpakilala at nagsabi: "Father, puwede ko po bang ipark dito ang bike ko... kasi po baka mawala. Bagong-bago pa naman yan!" "Sige, anak" sagot ng pari, "magtiwala ka na walang mangyayaring masama sa bike mo." "Sure po ba kayo Father? Wala kasi akong nakikitang security guard dito." nagdududang tanong ng bata. Huminga ng malalim ang pari at sinabi: "Ay meron, ang pangalan ng "sikyo" namin dito ay "Holy Spirit." Sigurado ako, Babantayan Niya yan kaya't hindi yan mananakaw. Kung gusto mo magdasal tayo..." "Sige po Father... In the name of the Father, and of the Son. Amen!" Singit ng pari: "Teka me kulang ata sa dasal mo... bakit wala ang Holy Spirit?" Sagot ng bata: "Wag na nating abalahin Father, binabantayan niya ngayon ang bike ko!" Totoo nga naman, ang Espiritu ang "sikyo" nagbabantay sa bisekleta ng bata kung paanong Siya rin ang "sikyo" na nagbabantay sa Simbahan simula pa lamang noong ito ay itinatag. Sa katunayan ngayon ay "birthday" ng Simbahan! Ipinanganak ang Simbahan sa pagpanaog ng Espiritu Santo at ito ang patuloy na gumagabay sa kanya. Napakaraming pagsubok ang dinaanan ng Simbahan sa kasaysayan. Napakaraming pag-uusig, pag-aaway, pagsuway kahit sa mga pinuno at miyembro nito. Ngunit sa kabila nito ay patuloy na ginagabayan at ipinagtatanggol ng Espiritu Santo ang Simbahan. Pinananatili Niya itong banal sa kabila ng maraming makasalanan na bumubuo nito. Kung bakit hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang Simbahan ay sapagkat pinananatili ito sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nadarama mo ba ang paggabay ng Espiritu Santo sa iyong buhay? Tinanggap mo ito nung ikaw ay bininyagan at kinumpilan. May epekto ba S'ya sa buhay mo ngayon? Kung nanlalamig ka ngayon sa pananampalataya, hingin mo ang tulong Niya. Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape, walang ring matigas na puso ang di kayang palambutin ng mainit Niyang pagmamahal. "Come, Holy Spirit fill the hearts of your faithful and kindle in them the fire of your love..."
Biyernes, Mayo 2, 2008
MGA BUHAY NA SAKSI : Reflection for the Solemnity of the Ascension Year A - May 4, 2008
Joke sa isang text: Katutubo 1: Mag-ingat ka s 'yong babaybayin na daan dahil ito'y mapanganib. Kunin mo itong gamot para sa kagat ng ahas baka sakaling ika'y makagat. Kunin mo itong iang bote ng hamog dahil ito'y nakakatanggal ng uhaw at gutom. Dalhin mo ang balaraw na ito ng ating mga ninuno upang maprotektahan ka laban sa mga mababangis na hayop. Natatandaan mo pa ba ang mga sinabi ko? Katutubo 2: Opo ama... basta, txt2 na lang if ever! Katutubo 1: Ok basta miscol me pag feel mo na lost ka. huh?" Iba na nga talaga ang nagagawa ng makabagong teknolohiya lalo na sa aspeto ng komunikasyon. Kahit, mga tao sa liblib na lugar ay nabibiyayaan na nito. Karaniwan nang makakita ka ng "cell phones" at "computers" kahit sa mga bundok at malalayong isla. Tunay na pinaliliit ng makabagong komunikasyon ang ating mundong ginagalawan. Ang Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa langit ang siya ring pinili ng Simbahan upang ipagdiwang ang "Linggo ng Komunikasyong Pandaigdig". Naaakma sapagkat ng si Hesus ay umakyat sa langit, ay iniwang niya sa mga alagad ang utos na: "Humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa." Isinagawa ito noong una sa pamamagitan ng pagpapasa-pasa ng aral ni Hesus (tinatawag ding tradisyon) sa pamamagitan ng pangangaral at pagsusulat. Sa kasalukuyan ay ipinagpapatuloy pa rin ang mga ito sa mga makabagong pamamaraan ng pakikipagtalastasan: internet, video broadcast, tv & cable, tele conferencing, etc... Bagama't makabago, mawawalan ng saysay ang mga ito kung hindi kapani-paniwala ang mga nagpapahayag. Kaya nga't kasama ng utos ni Hesus ay ang pagiging kanyang mga buhay na saksi! Ang pinaka-epektibo pa ring pamamaraan ng komunikasyon ay ang "pagiging mga totoong saksi ni Kristo!" Sabi sa turo ng Simbahan: "Ang mga tao ngayon ay higit na naniniwala sa mga saksi kaysa mga guro. At kung sakali mang maniwala sila sa mga guro ay sapagkat sila ay mga saksi!" Ang pagiging saksi ay naipapakita sa ating pananalita at pagkilos. Pagpili sa tama at pagtalikod sa masasamang gawain, pagsasabi ng totoo at pag-iwas sa kasinungalingan, pagbibigay ng mabuting halimbawa sa iba sa halip na manirang puri... Marami tayong maaring gawin upang maipahayag ng makatotohanan ang utos ni Jesus. Gamitin natin ng tama ang mga makabagong paraaan ng komunikasyon upang ikalat ang Mabuting Balita ni Hesus! Kahit simpleng text o maikling e-mail message ay makakatulong upang maipalaganap ang Kaharian ng Diyos... Tayo ngayon ang mga buhay na saksi ni Kristo!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)