Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Mayo 30, 2008
GAWA... HINDI SALITA : Reflection for the 9th Sunday in Ordinary Time Year A - June 1, 2008
"Actions speak louder than voice!" Natutunan ko ito bata pa lamang ako. Kalimitan kasi ay iba ang ating sinasabi sa ating ginagawa. May isang nakakatuwang kuwento tungkol sa isang malaking barkong nasiraan sa gitna ng dagat. Siyempre, kanya-kanyang sakay sa "life-boat" ang mga pasahero. Nagkataong sumobra ng sakay ang isang life-boat, kinakailangang tatlo ang magsakripisyong umalis sa life-boat. Tumayo ang isang Amerikano at sumigaw ng "Long live America!" at bigla syang tumalon sa dagat. Isang Espanyol naman ang sumunod. Tumayo at malakas na isinigaw ang "Viva Espanya" at sabay talon din sa tubig. Buong yabang din na tumayo ang isang Pilipino. Sumigaw ng malakas: "Mabuhay ang Pilipino!" at itinulak ang Hapon sa tubig! Marahil hindi natin maikakaila ang dami ng Kristiyano sa ating bansa. Dagsa ang mga nagsisimba tuwing Linggo sa mga Simbahan at siguradong napupuno ng maraming "Panginoon, Panginoon..." ang mga dasal sa Simbahan. Sapat na ba ito upang sabihing "makaDiyos tayong mga Pilipino?" Malinaw ang sabi ng Panginoon sa ating Ebanghelyo ngayon: "Ang bawat nakikinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan." Marahil, marami ang nagdarasal. Marami ang nakikinig. Ngunit ilan kaya ang nagsasagawa ng Kanyang Salita? Kaya nga tama ang sinasabi sa atin ni Santiago Apostol na "ang pananampalatayang walang kasamang gawa ay pananampalatayang patay!" Nagsisimba ka ngunit pag-uwi mo sa bahay ay suwail ka pa ring anak, taksil ka pa ring asawa, mapanlait ka pa rin sa kapwa, nanlalamang ka pa rin sa iba... Asahan mong babagsak ang buhay mo sapagkat itinayo mo ito sa "buhanginan." Hindi sapat ang may tangang Bibliya o Rosaryo sa kamay at mangaral ng Kanyang Salita kung hindi naman marangal ang ating pamumuhay. Siguradong maririnig natin sa Panginoon ang mga salitang: ‘Kailanma’y hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!’
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento