Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Mayo 16, 2008
1+1+1 = 1 : Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year A - May 18, 2008
May isang batang nagtanong sa akin: "Father, bakit isa lang ang Diyos at hindi tatlo? Di ba Siya ay Ama, Anak, at Espritu Santo? Di ba 1+1+1=3? " Ito ang sagot ko sa kanya: "Iho, ang Diyos ay hindi puwedeng gamitan ng arithmetic! Kasi puede rin na 1x1x1=1!" Lubos ang kadakilaan ng Diyos kung kaya't hindi Siya maaring bilangin ng ating mga daliri sa kamay. Lubos ang Kanyang kadakilaan na hindi Siya maaring pagkasyahin sa ating maliit na isipan. Siya ang Manlilikha... Siya ang walang simula at walang katapusan... Siya ang hari ng sanlibutan! Ang problema marahil ay pilit nating inuunawa kung sino ba talaga Siya. Ang napakatalinong taong si Santo Tomas Aquino, na nagsulat ng maraming aklat tungkol sa Diyos (halimbawa ang Summa Theologia), pagkatapos ng kanyang mahabang pagsusulat at pagtuturo ay nagsabing ang lahat ng kanyang inilahad tungkol sa Diyos ay maituturing na basura lamang kung dadalhin sa Kanyang harapan. Ibig sabihin ni Santo Tomas a hindi natin lubos na mauunawan ang Diyos! Kahit ang taong pinakamatalino ay kapos sa kaalaman kung ang "misteryo ng Diyos" ang pag-uusapan. Bagamat walang sino mang tao ang lubos na makakaunawa sa Kanya ay pinili Niya pa ring magpahayag sa atin. Ang pagpapahayag ng Diyos ay napakasimple na kahit na ang walang pinag-aralang tao ay maaring makaunawa sa Kanya: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Ipinahayag ng Diyos na Siya ay pag-ibig. Kaya nga't masasabi natin na ang Diyos ay mauunawaan lamang ng taong marunong magmahal! Ang Banal na Santatlo ay pagmamahalan! Nauunawaan mo ang Diyos kung marunong kang magpatawad. Nauunawaan mo ang Diyos kung mahabagin ka sa mga mahihirap. Nauunawaan mo ang Diyos kung ang hanap mo ay ang kabutihan ng iyong kapwa! Marahil hindi natin maiintindihan kung bakit ang 1+1+1 para sa atin ay 1. Huwag tayong mag-isip... sa halip subukan nating magmahal... at makikita mo na ang kakulangang ng pag-iisip ay mapupuno ng isang payak at malinis na puso.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento