Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Huwebes, Hunyo 5, 2008
ANG PABORITO NG DIYOS : Reflection for the 10th Sunday in Ordinary Time Year A - June 8, 2008
May paborito ba ang Diyos? Marahil, sa ating mga tao ay natural na ang may itinatangi, may pinapanigan, may espesyal sa paningin... may "apple of the eye" kung tawagin. Ngunit ang Diyos... na lubos na makatarungan at pantay kung magmahal... may paborito rin kaya? Hanapin ang sagot sa kuwentong ito... May isang paring kung magpakumpisal ay may kakaibang 'gimik". May dala-dala s'yang maliit na "bell" na kanyang pinapatunog upang sabihin sa mga taong tapos na ang nagkukumpisal at pinatawad na ang kanyang kasalanan. Eto ang mas nakakaintriga, napansin nila na ang haba ng tunog ng "bell" ay depende sa dami ng kasalanan ng nagkumpisal! Minsan, ay nagkumpisal ang tinuturing nilang "pinakamakasalanan sa parokya!" Isa siyang kilalang babaero, sugarol, lasenggero, at halos taglay na niya ata ang lahat ng "bisyo". Nag-abang ang mga tao kung gaano kahaba ang kanilang maririnig na tunog. Nagtaka sila sapagkat nakakatrenta minutos na ay wala pa silang naririnig. "Baka, hindi na nakayanan ni Father... baka hinimatay na s'ya!" ang sabi nila. Laking pagkagulat nila ng biglang lumabas si Father sa kumpisalan at karipas na tumakbong palabas ng simbahan. Nagtungo siya sa kampanaryo ng simbahan at narinig ang... "Bong! bong! bong! booong!" Ganito kagalak ang Diyos sa mga kasalanang nagsisisi. Kaya nga sa sinabi n'yang: "‘Habag ang ibig ko at hindi hain.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal,” ay ipinapakita lamang niya ang kanyang pagtatangi sa mga taong makasalanan. Kung minsan ay napanghihinaan tayo ng loob sa dami at bigat ng ating mga kasalanan. Parang wala na tayong pag-asang magbago. Kung minsan naman ay paulit-ulit ang ating mga masamang pag-uugali. Kakukumpisal lang ay pareho na namang kasalanan ang nagawa. Kaya't ayaw ng magkumpisal... wala ng bilib sa Sakramento! Magkakasala din naman kasi bukas... bakit pa kinakailangang magkumpisal? Sa mga ganitong sitwasyon ay dapat sigurong habaan natin ang ating pasensya sa sarili. "Be patient with yourself as God is patient with you!" Nasa pagtitiyaga, pagsisikap at pagtitiwala sa Diyos ang susi ng pagbabago. Sana ay lagi nating maalala ang laki ng pagpapatawad ng Panginoon. "Where sin abounds... grace abounds all the more!" Kung makasalanan ka... matuwa ka. Sapagkat isa ka sa mga paborito ng Diyos!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento