Biyernes, Hunyo 20, 2008

ANG DAPAT KATAKUTAN : Reflection for the 12th Sunday in Ordinary Time Year A - June 22, 2008

Marami tayong bagay na kinatatakutan. May ilan sa ating takot sa multo. May takot sa tubig, takot sa saradong lugar, takot sa maraming tao, takot sa duktor, takot humarap sa salamin (lalo n'at sarili nila ang kanilang makikita, hehe!)... takot magutom (sa mga walang kahilig-hilig sa pagkain!) ... takot mamatay! May isang mamamatay-taong nagpunta sa kumpisalan. Ganito ang kanilang pag-uusap: "Patawarin mo po ako padre sa aking mga kasalanan. Ako po ay isang pusakal na kriminal... marami na po akong napatay." Tanong ng pari: "Bakit mo ginagawa iyon iho? Anung kadahilanan?" Sagot ng lalaki: "Padre, hindi ko rin po alam. Basta, ako po ay galit sa kanila sapagkat naniniwala silang lahat sa Diyos. Ikaw padre... naniniwala ka rin ba sa Diyos?" Halos himatayin ang pari at sinabing: "Naku iho... anong akala mo sa akin? Hindi ano? Trip-trip ko lang ito!" hehehe... Sino nga ba ang di takot sa atin sa kamatayan? Kung maari ngan ay wag na nating isipin at pag-usapan ito. Bagama't may ilan sa ating may "memorial plan" ay hindi naman natin ito inilalaan para sa ating sarili. Mayroon na ba sa ating nagpasukat ng kanyang damit na pamburol o kabaong? ngiiii! Pero sa ebanghelyo ay magugulat tayo sapagkat sinabi ni Jesus na: "Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa." Oo nga naman. Nakakatawang tingnan na napakarami nating pag-iingat na ginagawa para sa ating katawan ngunit napakaliit para sa kaligtasan ng ating kaluluwa. Pansinin mo ang mga advertisements sa tv... hindi ba't lahat ay para sa kapakanan ng katawan? Wala pa akong nakikitang commercial kung papaano ililigtas ang kaluluwa ko! Isa lang ang ibig sabihin nito... hindi pa rin tayo lubos na naniniwala na may kaluluwa tayong dapat iligtas o kaya naman ay ayaw muna natin pag-usapan ito. Ang katotohanan ay araw-araw na humaharap ang ating kaluluwa sa kapahamakan. Nakakatuwang isipin na ang ilan, sa halip na iwasan ang mga "pumapatay ang kaluluwa" ay kinakaibigan pa ito at inaalagaan. Malinaw ang sabi ni Jesus: "Ang katakutan ninyo ay ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan sa impiyerno." Manhid ka na ba sa paggawa ng kasalanan? Balewala na ba sa iyo ang paggawa ng masama? Wala ka na bang balak na magbagong buhay? Mag-ingat ka sapagkat... unti-unti mong pinapatay ang kaluluwa mo...

Walang komento: