Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Miyerkules, Hunyo 25, 2008
ANG BATO ng SIMBAHAN: Reflection for the Solemnity of Sts. Peter & Paul Year A - June 29, 2008
Isang obispo at isang 'reckless driver' ang humarap kay San Pedro at naghihintay ng kanilang tutuluyang tahanan sa kabilang buhay. Laking pagkagulat ng obispo nang makatanggap ang driver ng isang napakalaking mansion samantalang ang sa kanya ay isang maliit na bunggalo lamang. "Hindi ito makatarungan!" Angal niya kay San Pedro. "Bakit mas malaki ang bahay niya sa akin? Di mo ba nakikilala na ako ay obispo at siya ay isang hamak na driver lamang?" Sumagot si San Pedro na medyo may pagka-irita sa obispo: "Simple lamang po your excellency, kapag ang driver na ito ay nagmamaneho halos lahat ng pasehero niya ay nagdarasal at humihingi ng tawad sa Diyos. Kapag kayo naman ang nangangaral sa misa ang mga nakikinig niyo ay natutulog..." Totoo nga naman! Lubos na napakalaki ang responsibilidad ng isang alagad ng Diyos lalo na't siya ay namumuno sa Simbahan. Sa ebanghelyo, sinasabing ibinigay sa kanila ang "susi" sa kaharian ng langit. Ibig sabihin, iniatang sa kanila ang kapangyarihang pamunuan ang Bayan ng Diyos... ang Simbahan. Ang Kapistahan ni San Pedro at San Pablo, kapwa mga dakilang apostol ng Simbahan ay dapat magpaalala sa atin ng ating tungkuling ipagdasal at tulungan ang mga namumuno sa ating Simbahan na pinangungunahan ng Santo Papa at ating mga Obispo. Tungkulin din natin ang unawain at sundin ang kanilang mga turo bilang mga kinatawan ni Kristo dito sa lupa. Kung minsan, sa halip na katapatan ay panay pagpula o kritisismo ang ating ibinibigay sa kanila. Kapag hindi tayo sang-ayon sa kanilang itinuturo ay napakadaling laiitin sila at siraan ang kanilang pagkatao. Tandaan natin na bagama't tao rin sila, sila pa rin ang hinirang ni Kristo na nagsabing: " ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan." Ang ibig sabihin ng 'Pedro' ay 'bato'... matigas, di natitinag... matibay na pundasyon. May tungkulin tayong sumunod lalo na't ang kanilang itinuturo ay tungkol sa pananampalataya at mabuting pamumuhay o moralidad. 'Wag sana tayo maging pasaway na kaanib ng Santa Iglesya! Mahalin natin ang Simbahang itinatag ni Kristo!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento