Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Hunyo 13, 2008
KRISTIYANO... ANO? : Reflection for the 11th Sunday in Ordinary Time Year A - June 15, 2008
May isang batang tuliro ang nagtampo sa kanyang mga magulang at umakyat sa isang mataas na puno ng niyog. Pinagkaguluhan ito ng mga tao at pilit siyang hinikayat na bumaba sa kadahilanang may kataasan ang puno at baka siya makabitaw. Ayaw makinig ng bata. Dumating ang mga barangay tanod. Ayaw pa rin niyang bumaba. Dumating ang pulis. Ayaw pa rin. Nagkataong may dumaang pari. Sapagkat nakaaabito ay agad siyang nilapitan at sinabihang: "Padre, tulungan mo naman kami. Ayaw makining sa amin ng bata. Baka naman puwede mong pangaralan at pababain. Baka kasi kung mapapaano yung bata." Tahimik na lumapit ang pari sa ibaba ng puno. Tumingala at habang may ibinubulong ay ikinumpas ang kamay na tila baga binabasbasan ang bata ng tanda ng krus! Laking pagkagulat ng mga tao ng biglang bumaba ang bata! "Napakagaling ni Padre! Binasbasan lang e bumaba agad yung bata!" Sagot ang pari: "Anung binasbasan? Alam n'yo ba yung sinabi ko habang winawasiwas ko yung kamay ko? Eto... ikaw baba, o putol puno... baba o putol puno!" Bakit nga kaya kapag nakakakita tayo ng pari ay agad naiisip nating siya'y mangangaral? O taong nakatali lang sa gawaing pansimbahan? Bagamat tayo ay nasa Vatican II na ay may mga tao pa ring makitid ang pag-iisip na ang akala ay ang pari lamang ang may karapatang magsalita ng tungkol sa Diyos o magbigay ng payong pangkakaluluwa. Ang ebanghelyo ay nagpapaalala sa atin ng ating bokasyon bilang Kristiyano na maging mga alagad ni Kristo. Ang pagsunod kay Kristo at mangaral ng kanyang Salita ay di lamang para sa mga nakaabito o nakasutana. Ito ay para sa lahat! Sa bisa ng ating binyag ay naging mga "pari, hari, at propeta" tayo na ang ibig sabihin ay may malaking misyong iniaatang sa atin bilang mga binyagang Kristiyano. Maging aktibo tayo sa mga gawain Simbahan. Tandaan natin na hindi sapat ang magsimba, magdasala o mag-abuloy lamang upang tawagin tayong mga Kristiyano. Tinatawagan ang bawat isa sa ating maglaan ng kanyang oras, kayaman at talino (time, treasure, talent) kahit gaano man kaliit, bilang paglilingkod kay Kristo. Anung paglilingkod ang nagawa mo na para kay Kristo? Baka nasa "itaas ka pa rin ng puno." Baba at kilos na!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento