Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Lunes, Setyembre 27, 2010
BLESSING IN DISGUISE: Reflection for the Feast of St. Lorenzo Ruiz, our PROTO MARTIR - September 28, 2010
Kung minsay ay naririnig natin ang katagang: "Blessing in disguise!" Ano ba ang ibig sabihin nito? Nagkukunwari ba ang pagpapala? May mga karananasan tayo kung minsan na hindi madaling tanggapin sapagkat masama ang dating nito sa atin. Ngunit magugulat na lamang tayo na hindi naman pala talaga masama bagkus ay may nagawa pa nga itong mabuti sa atin. Halimbawa: Iniwan ka ng jowa mo at iba ang sinamahan. Nalate ka sa trabaho dahil sa hindi ka hinintuan ng jeep. Naiwan ka sa outing ng barkada. Tapos maririnig mo na lang: May aids pala ang jowa mo! Nagkaroon ng holdapan sa jeep na dapat ay nasakyan mo! Nadisgrasya ang van na sinasakyan ng barkada mo! "Ay mabuti na lang!" ang tangi mong naibulalas! Ang tawag d'yan ay "blessing in disguise!" Ang pagkamartir din ni San Lorenzo Ruiz ay masasabi nating isang "Blessing in disguise!" Sa totoo lang ay wala siyang balak na maging martir! Hindi niya ito pinangarap! Nagkataon lang na siya ay napadpad sa Japan sa kadahilang tinakasan niya ang isang krimen na maling ibinibintang sa kanya dito sa Pilipinas! Hindi niya alam na ang "kamalasang" ito ang magbibigay daan upang makamit niya ang korona ng pagiging unang Pilipinong martir! At ang kanyang mga huling pananalita ay nagbibigay sa atin ng inspirasyon hanggang ngayon: "Sanlibo man aking buhay sa Diyos ko lang iaalay!" Isang "blessing in disguise" na tulad din ng sinisimbolo ng "krus". Ang dating simbolo ng kahihiyan ay naging simbolo ng kaligtasan! Sa ating buhay ay marami tayong nararanasang blessing in disguise! Wag na nating hintayin pa ang huli upang masabi nating "blessing" ang mga nangyayari sa atin. Sa pamamagitan ng "pananampalataya" ay maaari na rin nating makita ang biyaya ng Diyos sa kabila ng maraming masamang nangyayari sa atin! Ang kahirapang hinihingi ng ating ordinaryong gawain ay sapat na upang masanay natin ang pagiging martir! Sa mga pagkakataong hinihingi ang ating pananampalataya ay lagi nating isipin ang mga kasabihang "God can write straight in crooked lines!"
Huwebes, Setyembre 23, 2010
KRISTIYANONG PAKIALAMERO : Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - September 26, 2010
May natanggap akong text: "7 TIPS PARA MAIBA ANG ARAW MO: 1. Ibenta ang celphone tapos bilhin ulit 2. Ibigay ang wallet sa katabi sabay sigaw ng 'holdap!" 3. Maglaro ng taguan, tapos umuwi sa bahay 4. paghiwa-hiwalayin ang sangkap ng 3-in-1 5. Uminom ng limang basong kape at matulog 6. Kurutin ang kapatid at unahang umiyak 7. Makipag jak en poy sa salamin hanggang sa manalo." hehehe... Gusto mo ba talagang maiba ang araw mo? Simple lang, maghanap ka ng pinakamahirap sa mga kaibigan mo tapos i-treat mo sa Mcdo o Jolibee! Kung di naman kaya ng budget mo ay puwede nang "kwek-kwek" o "kikiam" sa tabi-tabi! Hindi kasi natural sa atin ang magbigay. Mas gugustuhin nating tayo ang binibigyan. Lalong-lalo naman na hindi natural sa atin ang pakialaman ang kalagayan ng iba. "Wala akong pakialam!" Madalas nating marining ang mga salitang ito kapag may pinupuna tayo sa ibang tao. "Pakialam mo!" ang isasabad nila upang pagtakpan ang kanilang pagkakamali. Totoo, dapat nating respetuhin ang "privacy" ng ating kapwa. May mga bagay na hindi natin dapat panghimasukan. Ngunit kung ang nakasalalay ay ang ikasasama nila at naroroon lamang tayong nakatayo na walang ginagawa, ay may malaki tayong pagkukulang at pananagutan. Kalimitan sa kumpisal ang sinasabi natin ay mga nagawang kasalanan o "sins of commission". Ngunit kung ating iisipin, may mga kasalanan din na ang tawag ay "sins of omission", mga kabutihan na dapat ay nagawa natin ngunit hindi natin ginawa. Dito natin makikita ang pagkakamali ng mayaman sa talinhaga ng ating Ebanghelyo. Marahil, mabuti siyang tao: Hindi nagnanakaw. Hindi nangangalunya. Hindi naninira ng kapwa. Pero meron sya'ng nakaligtaan... yung taong nasa labas lang ng kanyang pinto na namamatay sa gutom.Maaari n'yang ibsan ang paghihirap ni Lazaro ngunit mas pinili n'ya ang "wag makialam." Sayang! Nakagawa sana s'ya ng mabuti! Sa kahuli-hulihan ay nabaliktad ang kanilang kapalaran pagdating sa kabilang buhay. Nabulid ang mayaman sa "apoy ng kapahamakan." Magsilbi sana itong babala sa ating lahat! Maging pakialemero tayo sa ating kapwa kapag ang nakasalalay ay ang kanilang kabutihan at kapakanan. Sapagkat ang Diyos mismo ay nakialam sa ating kalagayan noong siya ay nagkatawang-tao upang iligtas tayo sa kasalanan. Sa katunayan ay wala namang obligayson ang Diyos na "maging tao at makipamayan sa atin!" Lalo nang wala siyang obligasyong dumanas at mamatay para sa atin. Ngunit, dahil sa kanyang walang kapantay na kabutihan ay niloob niyang pakialaaman ang ating abang kalagayan upang ibalik ang naputol nating kaugnayan sa Diyos. Tayo ay magkakapatid sa pananampalataya. Ang kabutihan ng isa ay kabutihan ng lahat at ang kapahamakan ng isa ay kapahamakan ng lahat. Makialam ka para kay Kristo! Ang tunay na Kristiyano ay PAKIALAMERO!
Sabado, Setyembre 18, 2010
SWITIK AKO PARA KAY KRISTO: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year C - September 19, 2010
Bakit kapag pera ang pinag-usapan, marami sa atin ang tuso? Ang mga bobo ay nagiging matalino. Ang walang pinag-aralan nagiging henyo! Isang lalaki ang pumasok ng simbahan at nagdasal kay Santiago Apostol. "Poong Santiago, bigyan mo ako ng isang malaking kabayo at ipagbibili ko. Ang pagkakakitaan ay paghahatian natin ng pantay. Kalahati sa 'yo at kalahati sa simbahan. Laking pagkagulat niya ng pag-uwi niya sa bahay ay nakakita siya ng malaking kabayo sa harap ng kanyang bahay. Nilapitan niya ito at sinakyan at kataka-takang hindi ito umalma. "Ito na nga ang kabayong kaloob ni poong Santiago!" Kayat dali-dali niya itong dinala sa palengke. Sa daan ay nakakita siya ng isang manok na pilay. Hinuli n'ya ito upang ipagbili. Pagdating sa palengke ay nilagyan niya ng presyo ang kanyang mga paninda. Ang lahat ng nakakita ay tumatawa. Nakasulat: Manok = 100,000 pesos, Kabayo = 20 pesos. Pero may pahabol na PS. "Puwede lang bilhin ang kabayo kung bibilhin din ang manok!" Isang mayaman ang nagkainteres sa kabayo kaya't napilitan din itong bilhin ang manok. Dali-daling bumalik sa simbahan ang lalaki. Dumukot sa kanyang wallet ng pera at sabay sabing: "Poong Santiago... eto na ang parte mo!" At naglabas siya ng 10 piso at inilaglag sa collection box! May tawag sa ganitong uri ng tao... SWITIK! Magaling dumiskarte! Matalino! Tuso! Ganito rin ang kuwento ni Hesus sa talinhaga. Ngunit huwag tayong magkakamali. Hindi pandaraya ang itinuturo ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang nais niya lang sabihin ay dapat tayo rin bilang mga Kristiyano ay matalino pag dating sa mga espirituwal na gawain. Na dapat ay kaya nating gamitin ang "kayamanan" ng mundong ito para sa ikaliligtas ng ating kaluluwa at hindi tayo ang ginagamit ng kayaman tungo sa ating ikapapahamak! Malinaw ang sabi ni Hesus:"Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Hindi ninyo mapagliling-kuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.” Kung may pera man tayo o kayamanang taglay, minana man o pinaghirapan, lagi nating pakatandaang ito ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos at dapat gamitin sa tamang paraan. Kung may angkin tayong talino at galing isipin nating ito ay hindi lamang para sa atin kundi para rin sa iba. "Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay..." sabi ni Hesus. Kung kaya nating mag-aksaya ng oras sa gimik at galaan, sa computer at pagtetext o kaya ay magbabad sa harapan ng telebisyon o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba... Sana ang pagka-switik natin ay itaas natin sa "next level!" Habang may panahon pa tayo ay umiwas tayo sa mga gawaing masama at pairalin ang paggawa ng mabuti. Gamitin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na "switik" na tagasunod ni Kristo!
Sabado, Setyembre 11, 2010
ANG PABORITO NG DIYOS: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year C - September 12, 2010
May paborito ba ang Diyos? Marahil, sa ating mga tao ay natural na ang may itinatangi, may pinapanigan, may espesyal sa paningin... may "apple of the eye" kung tawagin. Ngunit ang Diyos... na lubos na makatarungan at pantay kung magmahal... may paborito rin kaya? Hanapin ang sagot sa kuwentong ito... May isang paring kung magpakumpisal ay may kakaibang 'gimik". May dala-dala s'yang maliit na "bell" na kanyang pinapatunog upang sabihin sa mga taong tapos na ang nagkukumpisal at pinatawad na ang kanyang kasalanan. Eto ang mas nakakaintriga, napansin nila na ang haba ng tunog ng "bell" ay depende sa dami ng kasalanan ng nagkumpisal! Minsan, ay nagkumpisal ang tinuturing nilang "pinakamakasalanan sa parokya!" Isa siyang kilalang babaero, sugarol, lasenggero, at halos taglay na niya ata ang lahat ng "bisyo". Nag-abang ang mga tao kung gaano kahaba ang kanilang maririnig na tunog. Nagtaka sila sapagkat nakakatrenta minutos na ay wala pa silang naririnig. "Baka, hindi na nakayanan ni Father... baka hinimatay na s'ya!" ang sabi nila. Laking pagkagulat nila ng biglang lumabas si Father sa kumpisalan at karipas na tumakbong palabas ng simbahan. Nagtungo siya sa kampanaryo ng simbahan at narinig ang... "Booong! boong! bong! booong!" Ganito kagalak ang Diyos sa mga kasalanang nagsisisi. Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga makasalanan na handang magbalik-loob sa Kanya. Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay! Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap. Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan ay paborito ng Diyos! At sapagkat paborito Niya tayo ay lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan. Sa tuwing lumalapit tayo sa Sakramento ng Kumpisal, ito ay hindi sapagkat ginusto natin. Ito ay sapagkat may Diyos na naghihintay sa atin at Siya ang nagtutulak sa ating magbago at magbalik-loob. Kailan na ba ang huling kumpisal mo? Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi. Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi niya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..." Ikaw...? Tinuturing mo ba ang sarili mong PABORITO NG DIYOS?
Martes, Setyembre 7, 2010
NINE MONTHS: Reflection for the Feast of the Birth of the Mama Mary - September 8, 2010
Naitanong mo na ba sa sarili mo kung bakit September 8 ang birthday ni Mama Mary? Bakit hindi May 13? (birthday ko kaya yon! hehe) Wala pa namang kalendaryo noon. Paano nalamang Sept. 8 ang kanyang kaarawan? Simple lang. Daanin ko sa isang kuwento ang sagot: "May isang turistang Amerikano ang sumakay ng bus papuntang Macabebe, Pampanga. Medyo nainip siya sa haba ng biyahe kaya tinanong ang kundoktor: "Hey Joe, how long to Makabaybe?" Ang pagkaintindi ng kundoktor ay "how long to make a baby", kaya tinawanan niya ang Amerikano. Natural, napikon ang Kano at sinigawan ang kundoktor: "Hey! Don't laugh at me! I'm asking you a serious question: "how long to Makabaybe?" Pagalit na sumagot ang kundoktor: "Ahhhh... don't you shouting at me ha? I'm no ignorant. Ok, I will tell you... it's nine months to "make a baby!" Napatalon sa kinauupuan ang kano, "Nine months??? Gosh... it's too far!" hehehe... Ang sagot sa tanong ko kanina kung bakit Sept. 8 natin ipinagdiriwang ang birthday ni Mama Mary ay ito... wala sa historical o theological explanation ang kasagutan. Ang sagot ko lang ay katulad ng sagot ng kundoktor: "Nine months to make a baby." Bilangin mo mula Dec. 8, ang araw ng kalinislinisang paglilihi kay Maria (Immaculate Conception) hanggang Sept. 8, ang kanyang kapanganakan, at makikita mong siyam na buwan ang haba noon! Hindi naman mahalaga ang eksaktong petsa ng kapanganakan ng Mahal ng Birhen. Ang mahalaga ay isinilang siya bilang tao dito sa lupa upang mabigyang daan ang katuparan ang plano ng Diyos.Ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birhen ay dapat magpaalala sa atin ng kagandahang loob at katapatan ng Diyos. Sa simula palang na nagkasala ang tao ay ninais na ng Diyos na sagipin ang tao sa pagkakasala. Napakahabang paghahanda ang nangyari. Kasing haba ng tala-angkanan na nakasulat sa Ebanghelyo ni Mateo. Mahabang panahon ang hinintay ng sangkatauhan, ngunit sa gayunpaman ay hindi tinalikuran ng Diyos ang kanyang pangako. Pinili niya ang isang babaeng taga-Nazaret upang maging ina ng Kanyang Anak. Lubos ang kabutihan at katapatan ng Diyos. Ang Diyos ay laging tapat sa atin. Sa kabila ng ating araw-araw na pagtalikod at paglimot sa kanya ay tuloy pa rin ang alok Niyang kaligtasan sa atin. Pinahahalagahan ko ba ito? O baka naman, binabale wala ko ang Kanyang kabutihan sa patuloy na paggawa ng kasalanan at masamang pag-uugali? O Maria... tulungan mo kaming maging tapat na katulad mo... Maligayang kaarawan sa iyo aming Ina!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)