Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Lunes, Setyembre 27, 2010
BLESSING IN DISGUISE: Reflection for the Feast of St. Lorenzo Ruiz, our PROTO MARTIR - September 28, 2010
Kung minsay ay naririnig natin ang katagang: "Blessing in disguise!" Ano ba ang ibig sabihin nito? Nagkukunwari ba ang pagpapala? May mga karananasan tayo kung minsan na hindi madaling tanggapin sapagkat masama ang dating nito sa atin. Ngunit magugulat na lamang tayo na hindi naman pala talaga masama bagkus ay may nagawa pa nga itong mabuti sa atin. Halimbawa: Iniwan ka ng jowa mo at iba ang sinamahan. Nalate ka sa trabaho dahil sa hindi ka hinintuan ng jeep. Naiwan ka sa outing ng barkada. Tapos maririnig mo na lang: May aids pala ang jowa mo! Nagkaroon ng holdapan sa jeep na dapat ay nasakyan mo! Nadisgrasya ang van na sinasakyan ng barkada mo! "Ay mabuti na lang!" ang tangi mong naibulalas! Ang tawag d'yan ay "blessing in disguise!" Ang pagkamartir din ni San Lorenzo Ruiz ay masasabi nating isang "Blessing in disguise!" Sa totoo lang ay wala siyang balak na maging martir! Hindi niya ito pinangarap! Nagkataon lang na siya ay napadpad sa Japan sa kadahilang tinakasan niya ang isang krimen na maling ibinibintang sa kanya dito sa Pilipinas! Hindi niya alam na ang "kamalasang" ito ang magbibigay daan upang makamit niya ang korona ng pagiging unang Pilipinong martir! At ang kanyang mga huling pananalita ay nagbibigay sa atin ng inspirasyon hanggang ngayon: "Sanlibo man aking buhay sa Diyos ko lang iaalay!" Isang "blessing in disguise" na tulad din ng sinisimbolo ng "krus". Ang dating simbolo ng kahihiyan ay naging simbolo ng kaligtasan! Sa ating buhay ay marami tayong nararanasang blessing in disguise! Wag na nating hintayin pa ang huli upang masabi nating "blessing" ang mga nangyayari sa atin. Sa pamamagitan ng "pananampalataya" ay maaari na rin nating makita ang biyaya ng Diyos sa kabila ng maraming masamang nangyayari sa atin! Ang kahirapang hinihingi ng ating ordinaryong gawain ay sapat na upang masanay natin ang pagiging martir! Sa mga pagkakataong hinihingi ang ating pananampalataya ay lagi nating isipin ang mga kasabihang "God can write straight in crooked lines!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento