Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Oktubre 2, 2010
KRISTIYANONG BALIMBING: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year C - October 3, 2010
Gaano ka ba kalakas sa Diyos mo? Dinirinig niya ba ang iyong panalangin? May kuwento ng isang muslim, buddhist monk, at paring katoliko na nagpaligsahan kung sino sa kanila ang may mas malakas na Diyos. Umakyat sila sa isang mataas na tore at nagkasundong mapagpatihulog at tumawag sa kanyang Diyos. Ang Diyos na dirinig sa kanilang pagtawag ang tatanghaling "malakas" na Diyos. Naunang tumalon ang mongha. Habang nahuhulog ay sumigaw siya ng "Buddha... tulungan mo ako!" Lumagpak siya na parang sako ng bigas sa sahig! Sumunod namang tumalon ang Muslim at sumigaw "Allah... tulungan mo ako!" Laking pagkagulat niya nang bigla siyang lumutang at bumagsak na parang bulak sa lupa. Ngayon naman ay ang pari. Tumalon siya at puno ng kumpiyansang sinabing: "Panginoong Hesus tulungan mo ako!" Walang nangyayari! Bumilis ng bumilis ang kanyang pagbulusok paibaba. Nang malapit na siya sa lupa ay bigla niyang naibulalas: "Allah... Allah iligtas mo ako!" Me tawag sa ganitong uri ng tao: balimbing! Marami sa atin ang "balimbing sa pananampalataya." Panay "praise the Lord" kapag lubos-lubos ang pagpapala, ngunit kapag nakakaranas na ng kahirapan ay "goodbye Lord" na! Kaya nga ang panalangin ng mga alagad ay atin ding panalangin: "Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!" Kailangan natin ng mas malakas na pananampalataya upang sabihing "kung wala ang Grasya ng Diyos... wala rin tayo!" Madalas sinasabi nating "bahala na!" kapag hindi tayo sigurado sa ating desisyon o pagkilos. Sana ang pakahulugan natin ay "Bathala na!" - Siya na ang bahala sa atin! Ipagpasa-Diyos natin ang hinaharap ngunit kumilos tayo sa kasalukuyan. Sabi nga ng ating kasabihang gasgas na sa pandinig: "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!" Totoong kung minsan ay mahirap tanggapin ang utos ng Diyos lalo na't ito ay taliwas sa ating kagustuhan. Hindi nating maunawaan kung bakit nating sundin ang isang bagay lalo na't hindi tayo sang-ayon sa ating kalooban. Dito natin kinakailangan ang pagpapakumbaba bilang mga tapat na alipin ng ating Panginoon. Ang tapat na alipin ay handang maglingkod kahit na ito ay nangangahulugan ng kahirapan sa pagsunod. Walang siyang maipagmamalaki sa kanyang sarili! Ginagawa lamang niya ang dapat niyang gawin. Sa kahuli-hulihan ito lamang ang kanyang masasabi pagkatapos niyang sundin ang kalooban at utos ng kanyang panginoon: "Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin. ” Ganito rin ba tayo magpakita ng pananampalataya sa Diyos?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento