Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Oktubre 16, 2010
MAKULIT NA PANANALAGIN: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year C - October 17, 2010
Bilang pari ay marami ang lumalapit sa akin upang ipagdasal ang kanilang mga kahilingan. Ang iba ay personal na nakikipag-usap. Ang iba ay sa text na lamang ipinararating at ang mga ilan-ilan ay sa "Facebook" ipinadadala. Hindi ko alam kung natugunan ang kanilang mga kahilingan. Marahil ay nabigyan naman ng kasagutan ang kanilang mga panalangin sapagkat wala pa naman ni isang nagreklamo na dinedma siya ng Panginoon. Papaano kaya kung hindi naibigay ang matagal mo ng hinihiling sa pagdarasal? Ano ang gagawin mo? Isang bata ang malapit ng magbirthday at hiniling niya kay Hesus na sana ay regaluhan siya ng isang mountain bike. Dahil noon ay buwan ng Oktubre ay araw-araw siyang nagrosaryo sa Simbahan upang hingin sa Diyos ang hiling niyang "birthday gift". Laking pagkadismaya niya sapagkat tila nagbibingi-bingihan ang Diyos sa kanyang panalangin. Malapit na ang katapusan ng buwan at walang ni gulong ng mountain bike na dumarating. Pagsapit ng katapusan ng buwan, na kung saan ay idinaraos ang "Rosary Rally" ng parokya, ay nagkaroon ng kaunting kaguluhan sa Simbahan. Nawawala ang estatwa ng Mahal na Birhen na isasama sana sa prusisyon! Sa halip ay isang sulat ang nakita ng kura paroko sa lugar na pinagpapatungan ng estatwa. Binasa niya ang sulat at ganito ang nakasaad. "Panginoong Hesus... kapag hindi mo ibinigay ang hiling kong mountain bike ay hindi ko rin ibabalik ang nanay mo!" Kahanga-hanga ang "simpleng pananampalataya" ng bata sa kuwento. Ang araw-araw niyang pagsusumamo na sana ay maipagkaloob sa kanya ang kanyang hinihiling ay nagpapakita lamang ng katotohanang sinasabi sa Ebanghelyo ngayon: huwag tayong manghinawa sa ating panalangin at paghingi sa Diyos ng ating mga kinakailangan. Kung minsan ay nagtatagal ang Diyos sa pagsagot sa ating mga kahilingan. Kung minsan ay iba ang sagot Niya sa ating mga kahilingan, Hindi ito dahilan upang panghinaan tayo sa ating paghingi. Mas madaling tanggapin ang kasagutan ng Diyos kung ito ay hinihingi ng isang puso na marunong magpasalamat. Kapag kaya nating pasalamatan ang Diyos sa mabuti at masamang kaganapan sa ating buhay ay mas madaling matanggap anuman ang ibibigay Niya sa atin. Kaya nga bago humingi ay dapat marunong muna tayong magpasalamat sa Kanya! Humiling tayo ng may pagpupursigi at pagpapakumbaba. Kung minsan ay sinusubukan lamang Niya ang ating pananampataya. Kung ang masamang hukom sa talinhaga ay pinagbigyan ang kahilingan ng babaeng balo ay paano pa kaya ang ating Diyos na lubos ang kabutihan! Kaya wag tayong magsawang humingi lalo na kung ito ay makabubuti sa ating kapwa at hindi lamang para sa ating sariling kapakanan. Huwag tayong magsawang "kulitin" ang Diyos sapagkat gusto Niya ang ganitong uri ng panalangin. Ngayon din ay Linggo ng Pandaigdigang Misyon o World Mission Sunday. Hiliningin natin sa Diyos na pagpalain niya ang gawain ng misyon at ng mga misyonero. Ang gawain ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa maraming bansa ay hindi maisasakatuparan kung wala ang mga misyonero. Tandaan natin na tayong lahat din ay mga "misyonero". Sa pamamagitan ng ating mapursiging pananalangin ay malayo ang ating mararating at maraming kaluluwa ang ating maliligtas!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento