Lahat ba ng panalangin ay kinalulugdan ng Diyos? Ang sagot ay hindi!
Ang panalangin ng MAKAKAPAL ay walang puwang sa MAYKAPAL! Minsan may taong nagdarasal na palaging ibinibida ang kanyang sarili. Ganito parati ang laman ng kanyang panalangin: "Panginoon, maraming salamat po at ginawa mo akong mabuting Kristiyano hindi katulad ng iba d'yan na maraming bisyo at hindi nagsisimba, tapat ako sa asawa ko at hindi ako katulad ng kapitbahay namin na maraming kabit, nag-aabuloy ako sa Simbahan, tumutulong ako sa kawang-gawa di tulad ng iba d'yan na madamot at walang pakialam sa iba at higit sa lahat nagkukumpisal ako ng isang beses sa isang buwan di tulad ng ibang mahigit isang taon ng hindi nagkukumpisal..." Laking gulat n'ya ng sumagot ang Diyos: "Mapalad ka anak... mapalad ka!" " Tuwang-tuwa siyang tumingala sa malaking krusipihiyo na kung saan ay pinanggalingan ng mahiwagang tinig. "Talaga po Panginoon? Pero anung ibig mong sabihin Panginoon na mapalad ako?" Sagot ng mahiwagang tinig: "Mapalad ka at nakapako ang mga paa ko, kung hindi ay tinadyakan na kita!"hehehe... Kuwento lang naman ngunit may laman ang sinasabi. Hindi naman nananadyak ang Diyos! Inis lang talga Siya sa panalangin ng mga palalo at mayayabang. Bakit? Sapagkat ang panalangin ng mga palalo ay hindi kumikilala sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Hindi bida ang Diyos sa kanilang panalangin bagkus ang sarili ang itinataas!
Ang pagpapakumbaba ay mahalagang kundisyon sa tunay na pagdarasal. Tanging ang mga taong katulad ng publikano sa talinhaga, na handang umamin ng kanyang pagkakamali ang kinalulugdan ng Diyos sa kanilang panalangin. Kaya nga ang pagpapakumbaba ay isang mahalagang kundisyon sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos. Pansinin ninyo ang gawi ng publikano: "
Samantala, ang
publikano’y nakatayo sa malayo, hindi
man lamang makatingin sa langit,
kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalan!" Ang mapagkumbabang panalangin ay nagpapakita ng ating pangangailangan sa awa ng Diyos at
nagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Sino ba ang bida sa panalangin mo? Baka naman puro "Ako" ang laman ng ating panalangin at nakakalimutan natin "Siya" (ang Diyos) at "sila" (ang ating kapwa). Ang panalanging kinalulugdan ng Diyos ay ang panalanging nagbubunga ng paggalang at pagmamahal sa ating kapwa. Laging mong tandaan na sa pagdarasal ay
bawal ang makapal sa Maykapal!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento