Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Setyembre 18, 2010
SWITIK AKO PARA KAY KRISTO: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year C - September 19, 2010
Bakit kapag pera ang pinag-usapan, marami sa atin ang tuso? Ang mga bobo ay nagiging matalino. Ang walang pinag-aralan nagiging henyo! Isang lalaki ang pumasok ng simbahan at nagdasal kay Santiago Apostol. "Poong Santiago, bigyan mo ako ng isang malaking kabayo at ipagbibili ko. Ang pagkakakitaan ay paghahatian natin ng pantay. Kalahati sa 'yo at kalahati sa simbahan. Laking pagkagulat niya ng pag-uwi niya sa bahay ay nakakita siya ng malaking kabayo sa harap ng kanyang bahay. Nilapitan niya ito at sinakyan at kataka-takang hindi ito umalma. "Ito na nga ang kabayong kaloob ni poong Santiago!" Kayat dali-dali niya itong dinala sa palengke. Sa daan ay nakakita siya ng isang manok na pilay. Hinuli n'ya ito upang ipagbili. Pagdating sa palengke ay nilagyan niya ng presyo ang kanyang mga paninda. Ang lahat ng nakakita ay tumatawa. Nakasulat: Manok = 100,000 pesos, Kabayo = 20 pesos. Pero may pahabol na PS. "Puwede lang bilhin ang kabayo kung bibilhin din ang manok!" Isang mayaman ang nagkainteres sa kabayo kaya't napilitan din itong bilhin ang manok. Dali-daling bumalik sa simbahan ang lalaki. Dumukot sa kanyang wallet ng pera at sabay sabing: "Poong Santiago... eto na ang parte mo!" At naglabas siya ng 10 piso at inilaglag sa collection box! May tawag sa ganitong uri ng tao... SWITIK! Magaling dumiskarte! Matalino! Tuso! Ganito rin ang kuwento ni Hesus sa talinhaga. Ngunit huwag tayong magkakamali. Hindi pandaraya ang itinuturo ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang nais niya lang sabihin ay dapat tayo rin bilang mga Kristiyano ay matalino pag dating sa mga espirituwal na gawain. Na dapat ay kaya nating gamitin ang "kayamanan" ng mundong ito para sa ikaliligtas ng ating kaluluwa at hindi tayo ang ginagamit ng kayaman tungo sa ating ikapapahamak! Malinaw ang sabi ni Hesus:"Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Hindi ninyo mapagliling-kuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.” Kung may pera man tayo o kayamanang taglay, minana man o pinaghirapan, lagi nating pakatandaang ito ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos at dapat gamitin sa tamang paraan. Kung may angkin tayong talino at galing isipin nating ito ay hindi lamang para sa atin kundi para rin sa iba. "Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay..." sabi ni Hesus. Kung kaya nating mag-aksaya ng oras sa gimik at galaan, sa computer at pagtetext o kaya ay magbabad sa harapan ng telebisyon o sinehan, dapat kaya rin nating maglaan ng oras para sa pagdarasal, pagbabasa ng Biblia, pagsisimba... Sana ang pagka-switik natin ay itaas natin sa "next level!" Habang may panahon pa tayo ay umiwas tayo sa mga gawaing masama at pairalin ang paggawa ng mabuti. Gamitin ang ating angking galing at talino upang maging mga tunay na "switik" na tagasunod ni Kristo!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento