Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Marso 27, 2011
PAGKAUHAW: Reflection for the 3rd Sunday of Lent Year A - March 27, 2011
May joke sa isang text: "A thirsty city girl went to a remote barrio. GIRL: Granny, saan galing your water? LOLA: Sa ilog, iha! GIRL: Ha? Dini-drink n'yo yan? MATANDA: Duhh! Bakit? Sa siyudad ba chinu-chew?" hehehe... Tama nga naman si Granny... ang tubig hindi "chinu-chew!" Pero hindi lahat ng tubig ay "dini-drink!" Naalala ko, ten years ago, nagsimulang lumaganap ang pag-inom ng mineral water. Bakit? Kasi marumi ang tubig na lumalabas sa mga gripo sa Metro Manila, kulay kalawang at mabaho! Kaya nga yung mga "can't afford" nung time na yun ay nakuntento na lang sa pagpapakulo ng kanilang inuming tubig. Mahalaga ang tubig! Hindi natin ito maikakaila. Kabahagi ito ng ating pagkatao. Sa katunayan, malaking porsiyento ng ating katawan ay tubig! Kaya gayun na lamang ang epekto kapag ikaw ay na-dehydrate! Kahit nga ang mga naghuhunger strike... ok lang na di kumain, pero dapat may tubig. Kung wala ay ikamamatay nila 'yon! Ang tubig ay buhay! Narinig natin ang "water crisis" ng mga Israelita sa unang pagbasa. Di magkamayaw ang pag-alipusta nila kay Moises sapagkat dinala sila sa disierto na walang tubig. Ngunit ang pagka-uhaw ay hindi lamang pisikal. Sa Ebanghelyo ay makikita natin na ibang uri ng pagkauhaw ang taglay ng babaeng Samaritana. Ang kanyang masamang pamamumuhay ay pagkauhaw na naramdaman ni Hesus kaya't inalok siya nito ng "tubig na nagbibigay buhay!" Tayo rin, ay patuloy na inaalok ni Hesus na lumapit sa Kanya. Marahil ay iba't ibang uri ang ating "pagkauhaw." May uhaw sa pagmamahal, pagpapatawad, pagkalinga, katarungan, katotohanan, kapayapaan, etc. Ngunit kung susuriing mabuti, ang mga pagkauhaw na ito ay nauuwi sa isa lamang... ang pagkauhaw sa Diyos! Ngayong panahon ng kuwaresma, sana ay maramdaman natin ang pangangailangan sa Diyos. Kaya nga hinihikayat tayo sa panahon ng Kuwaresma na palalimin ang ating buhay panalangin. Ang isdang tinanggal mo sa tubig ay mamatay. Ang ibong tinanggalan mo ng hangin ay hindi makakalipad. Ang panalangin ay parang tubig at hangin. Hindi tayo maaring mabuhay kung wala ito. Ang pangangailangan sa Diyos ay pagpapakita na tayo ay tunay na tao. Tanggalin natin ang maskara ng pagkukunwari na hindi natin Siya kailangan sa ating buhay. Hayaan natin Siyang pawiin ang uhaw ng ating puso at kaluluwa. Nawa ang ating maging panalangin ay katulad ng mga panalangin ni San Agustin: "Panginoon... di mapapanatag ang aming mga puso hangga't hindi ito nahihimlay sa 'Yo!"
Sabado, Marso 19, 2011
NO PAIN... NO GAIN: Reflection for 2nd Sunday of Lent - Year A - March 20, 2011
Likas sa ating mga tao ang umiwas sa hirap. Kung maaring makaiwas dito ay ating gagawin ang lahat ng paraan. May kuwento ng isang batang nakakita ng "pupa" na nakasabit sa isang sanga ng puno. Namangha ang bata ng makita niyang nabubuksan ito at unti-unting lumalabas ang pakpak ng isang paruparo. Pinanood niya kung paano naghihirap ang paruparo sa paglabas dito. Marahil sa sobrang pananabik na makita ang paruparo ay kumuha siya ng blade at hiniwa ang pupa. Nakalabas naman ang paru-paro ngunit hindi ito makalipad sapagkat maliit ang pakpak at mahina ang katawan. Doon laman niya naunawaan na kasama pala ang paghihirap upang makalikha ng isang magandang paruparo. Kinakailangan pala niya talagang maghirap at magtagal sa loob ng pupa. Ang mga atleta ay may kasabihang: "No pain, no gain!" Kinakailangan nilang maramdaman ang hirap ng pagsasanay upang maging isang magaling na manlalaro at makamit ang tropeo ng tagumpay! Ganito rin marahil sa ating pagsunod kay Kristo. No pain, no gain! Ang panahon ng Kuwaresma ay nagpapaalala sa atin ng ating pakikibahagi sa paghihirap ni Kristo kung nais nating maranasan ang kaluwalhatian ng Kanyang muling pagkabuhay! Sa Ebanghelyo ay binigyan ni Jesus ng kakaibang karanasan ang mga alagad na sina Pedro, Juan at Santiago ng siya ay magbagong anyo sa kanilang harapan. Nakita nila ang kanyang kaluwalhatian! Sinadya itong gawin ni Jesus upang palakasin ang kalooban ng mga alagad na oras na makita nilang siya ay naghihirap na sa kamay ng mga kaaway. Pinatikim sila ng kanyang kaluwalhatian upang palakasin ang kanilang pananampalataya! Ngunit panandalian lamang ang pangitaing ito sapagkat pagkatapos nito, si Jesus ay tutungo na sa Jerusalem upang magdanas ng hirap sa kamay ng mga Judio. Ang daang tatahakin niya ay ang daan ng kahirapan. Ang kanyang daan ay ang "daan ng krus." Kung gayon ay bakit ayaw nating dumanas ng hirap bilang Kristiyano? Masasabi ba nating mas higit tayo sa ating Panginoon? Para sa isang Kristiyano, ang daang dapat niyang tahakin ay daan ng krus. Walang detour, walang shortcut angn pagsunod kay Kristo! Ngunti wag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat may kaluwalhatian sa "kabila" na naghihintay sa mga tapat na sumusunod sa kanya. May gantimpala sa ating pasisikap na maging mabuti at umiwas sa kasalanan. Mahirap maging mabuting Kristiyano. Makipot ang daan papunta sa langit. Mas madaling sumama sa agos ng kasamaan at magwalang bahala at umiwas sa maraming paghihirap sa paligid. NO PAIN. NO GAIN! Walang krus na walang Kristo! May isang taong laging sinisisi ang Diyos sa maraming paghihirap na kanyang nakikita sa palagid. Ang lagi niyang dasal ay "Panginoon, ano ang ginagawa mo?... Marami ang namatay sa lindol at tsunami sa Japan. Marami ang naghihirap sa digmaan sa Libya... marami ang namamatay sa gutom... Panginoon, ano ang ginagawa mo?" Marahil nakulitan na ang Diyos sa kanya at sumagot ito: "May ginawa ako... ginawa kita. IKAW... ANO NA ANG GINAWA MO?"
Sabado, Marso 12, 2011
TUKSO: Reflection for 1st Sunday of Lent Year A - March 13, 2011
Hindi lingid sa ating kaalaman ang mga nangyari nitong nakaraang araw. Napanood natin sa TV, napakinggan natin sa radyo at laman ng mga pahayagan ang trahedyang sinapit ng Japan sa lindol at tsunami na tumama sa kanilang bansa. Naalala ko tuloy noong tayo rin ay niragasa ng bagyong Ondoy. Maraming buhay ang nawala. Maraming kabuhayan at kabahayan ang nasira. Ngunit alam mo bang may mas masaklap pang trahedyang maaarin dumating sa isang tao? Ang tawag sa trahedyang ito ay "TUKSO". Bakit naman tukso. Kung alam mo ang kanta sabayan mo ako: "Kay rami ng WINASAK NA TAHANAN. Kay rami ng matang pinaluha. Kay rami ng pusong sinugatan. O TUKSO LAYUAN MO AKO!" Wala ng hihigit pa sa pinsalang idinudulot ng tukso sa pang-araw-araw nating buhay. Hindi lang bahay o buhay ang sinisira, ngunit higit ang ating buhay espirituwal ay isinasapanganib! Maari bang layuan tayo ng tukso? Hindi. Bagkus ito pa nga lapit ng lapit sa atin! Kahit si Jesus na Anak ng Diyos ay hindi pinatawad na lapitan ng tukso. Marahil ang nag-iiba sa atin kay Jesus ay kailanman ay hindi nakapanaig sa kanya ang tukso. Ito ang laman ngayon ng Ebanghelyo, napagtagumpayan ni Jesus ang tukso ng diyablo! Sa pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma ay binibigyan kaagad tayo ni Jesus ng halimbawa kung papaano nating mapagtatagumpayan ang maraming tukso sa ating buhay. Dalawang mabisang panalaban ang ginamit ni Jesus na siyang sinasabi ng Simbahan na atin ding gamitin ngaytong panahon ng Kuwaresma: pagdarasal at pag-aayuno! Apatnapung araw itong ginawa ni Jesus. Hindi nangangahulugang ganoon din kahaba ang ating gagawin. Sinasabi lamang sa ating kung seryoso tayo sa pakikipaglaban sa diyablo ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Ang Diyos ba ang sento ng aking buhay o baka naman sa mga bagay na makamundo o mga tao umiikot ang buhay ko? Kailan ko masasabing nagdasal ako ng mabuti? Tandaan natin na ang tunay na panalangin ay pagkikikipag-ugnayan sa Diyos. Ang pag-aaayuno naman ay hindi lamang para sa mga nakatatanda at hindi lamang nangangahulugan ng pagbabawas ng pagkain. Mas kinalulugdan ng Diyos ang ayuno ng pagbabawas ng ating mga masamang pag-uugali na nakakasira sa ating sarili at sa iba tulad ng mga bisyo, pagmumura, paninira sa kapwa, pagsisinungaling, tsismis at mga gawaing hindi nakalulugod sa Diyos. Sa apatnapung araw ng Kuwaresma ay sikapin nating madisplina ang ating sarili sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-aayuno. Sa ganitong paraan ay mapagtatagumpayan natin ang maraming tuksong darating sa ating buhay.
Sabado, Marso 5, 2011
SALITA AT GAWA: Reflection for 9th Sunday in Ordinary Time Year A - March 6, 2011
"Actions speak louder than voice!" Natutunan ko ito noong ako ay nag-aaral pa lamang. Kalimitan kasi ay iba ang ating sinasabi sa ating ginagawa. May isang nakakatuwang kuwento tungkol sa isang malaking barkong nasiraan sa gitna ng dagat. Siyempre, kanya-kanyang sakay sa "life-boat" ang mga pasahero. Nagkataong sumobra ng sakay ang isang life-boat, kinakailangang tatlo ang magsakripisyong umalis sa life-boat. Tumayo ang isang Amerikano at sumigaw ng "Long live America!" at bigla syang tumalon sa dagat. Isang Espanyol naman ang sumunod. Tumayo at malakas na isinigaw ang "Viva Espanya" at sabay talon din sa tubig. Buong yabang din na tumayo ang isang Pilipino. Sumigaw ng malakas: "Mabuhay ang Pilipino!" at itinulak ang Hapon sa tubig! Marahil hindi natin maikakaila ang dami ng Kristiyano sa ating bansa. Dagsa ang mga nagsisimba tuwing Linggo sa mga Simbahan at siguradong napupuno ng maraming "Panginoon, Panginoon..." ang mga dasal sa Simbahan. Sapat na ba ito upang sabihing "makaDiyos tayong mga Pilipino?" Malinaw ang sabi ng Panginoon sa ating Ebanghelyo ngayon: "Ang bawat nakikinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan." Marahil, marami ang nagdarasal. Marami ang nakikinig. Ngunit ilan kaya ang nagsasagawa ng Kanyang Salita? Kaya nga tama ang sinasabi sa atin ni Santiago Apostol na "ang pananampalatayang walang kasamang gawa ay pananampalatayang patay!" Nagsisimba ka ngunit pag-uwi mo sa bahay ay suwail ka pa ring anak, taksil ka pa ring asawa, mapanlait ka pa rin sa kapwa, nanlalamang ka pa rin sa iba... Asahan mong babagsak ang buhay mo sapagkat itinayo mo ito sa "buhanginan." Hindi sapat ang may tangang Bibliya o Rosaryo sa kamay at mangaral ng Kanyang Salita kung hindi naman marangal ang ating pamumuhay. Siguradong maririnig natin sa Panginoon ang mga salitang:‘Kailanma’y hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!’ Magsimba ka. Magdasal ka. Magbasa ka ng Bibliya. Mangaral ka ng Salita ng Diyos. Ngunit higit sa lahat ay isabuhay mo ang lahat ng ito at mapapabilang ka sa makakapasok sa Kanyang kaharian!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)