Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 12, 2011
TUKSO: Reflection for 1st Sunday of Lent Year A - March 13, 2011
Hindi lingid sa ating kaalaman ang mga nangyari nitong nakaraang araw. Napanood natin sa TV, napakinggan natin sa radyo at laman ng mga pahayagan ang trahedyang sinapit ng Japan sa lindol at tsunami na tumama sa kanilang bansa. Naalala ko tuloy noong tayo rin ay niragasa ng bagyong Ondoy. Maraming buhay ang nawala. Maraming kabuhayan at kabahayan ang nasira. Ngunit alam mo bang may mas masaklap pang trahedyang maaarin dumating sa isang tao? Ang tawag sa trahedyang ito ay "TUKSO". Bakit naman tukso. Kung alam mo ang kanta sabayan mo ako: "Kay rami ng WINASAK NA TAHANAN. Kay rami ng matang pinaluha. Kay rami ng pusong sinugatan. O TUKSO LAYUAN MO AKO!" Wala ng hihigit pa sa pinsalang idinudulot ng tukso sa pang-araw-araw nating buhay. Hindi lang bahay o buhay ang sinisira, ngunit higit ang ating buhay espirituwal ay isinasapanganib! Maari bang layuan tayo ng tukso? Hindi. Bagkus ito pa nga lapit ng lapit sa atin! Kahit si Jesus na Anak ng Diyos ay hindi pinatawad na lapitan ng tukso. Marahil ang nag-iiba sa atin kay Jesus ay kailanman ay hindi nakapanaig sa kanya ang tukso. Ito ang laman ngayon ng Ebanghelyo, napagtagumpayan ni Jesus ang tukso ng diyablo! Sa pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma ay binibigyan kaagad tayo ni Jesus ng halimbawa kung papaano nating mapagtatagumpayan ang maraming tukso sa ating buhay. Dalawang mabisang panalaban ang ginamit ni Jesus na siyang sinasabi ng Simbahan na atin ding gamitin ngaytong panahon ng Kuwaresma: pagdarasal at pag-aayuno! Apatnapung araw itong ginawa ni Jesus. Hindi nangangahulugang ganoon din kahaba ang ating gagawin. Sinasabi lamang sa ating kung seryoso tayo sa pakikipaglaban sa diyablo ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Ang Diyos ba ang sento ng aking buhay o baka naman sa mga bagay na makamundo o mga tao umiikot ang buhay ko? Kailan ko masasabing nagdasal ako ng mabuti? Tandaan natin na ang tunay na panalangin ay pagkikikipag-ugnayan sa Diyos. Ang pag-aaayuno naman ay hindi lamang para sa mga nakatatanda at hindi lamang nangangahulugan ng pagbabawas ng pagkain. Mas kinalulugdan ng Diyos ang ayuno ng pagbabawas ng ating mga masamang pag-uugali na nakakasira sa ating sarili at sa iba tulad ng mga bisyo, pagmumura, paninira sa kapwa, pagsisinungaling, tsismis at mga gawaing hindi nakalulugod sa Diyos. Sa apatnapung araw ng Kuwaresma ay sikapin nating madisplina ang ating sarili sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-aayuno. Sa ganitong paraan ay mapagtatagumpayan natin ang maraming tuksong darating sa ating buhay.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento