Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 19, 2011
NO PAIN... NO GAIN: Reflection for 2nd Sunday of Lent - Year A - March 20, 2011
Likas sa ating mga tao ang umiwas sa hirap. Kung maaring makaiwas dito ay ating gagawin ang lahat ng paraan. May kuwento ng isang batang nakakita ng "pupa" na nakasabit sa isang sanga ng puno. Namangha ang bata ng makita niyang nabubuksan ito at unti-unting lumalabas ang pakpak ng isang paruparo. Pinanood niya kung paano naghihirap ang paruparo sa paglabas dito. Marahil sa sobrang pananabik na makita ang paruparo ay kumuha siya ng blade at hiniwa ang pupa. Nakalabas naman ang paru-paro ngunit hindi ito makalipad sapagkat maliit ang pakpak at mahina ang katawan. Doon laman niya naunawaan na kasama pala ang paghihirap upang makalikha ng isang magandang paruparo. Kinakailangan pala niya talagang maghirap at magtagal sa loob ng pupa. Ang mga atleta ay may kasabihang: "No pain, no gain!" Kinakailangan nilang maramdaman ang hirap ng pagsasanay upang maging isang magaling na manlalaro at makamit ang tropeo ng tagumpay! Ganito rin marahil sa ating pagsunod kay Kristo. No pain, no gain! Ang panahon ng Kuwaresma ay nagpapaalala sa atin ng ating pakikibahagi sa paghihirap ni Kristo kung nais nating maranasan ang kaluwalhatian ng Kanyang muling pagkabuhay! Sa Ebanghelyo ay binigyan ni Jesus ng kakaibang karanasan ang mga alagad na sina Pedro, Juan at Santiago ng siya ay magbagong anyo sa kanilang harapan. Nakita nila ang kanyang kaluwalhatian! Sinadya itong gawin ni Jesus upang palakasin ang kalooban ng mga alagad na oras na makita nilang siya ay naghihirap na sa kamay ng mga kaaway. Pinatikim sila ng kanyang kaluwalhatian upang palakasin ang kanilang pananampalataya! Ngunit panandalian lamang ang pangitaing ito sapagkat pagkatapos nito, si Jesus ay tutungo na sa Jerusalem upang magdanas ng hirap sa kamay ng mga Judio. Ang daang tatahakin niya ay ang daan ng kahirapan. Ang kanyang daan ay ang "daan ng krus." Kung gayon ay bakit ayaw nating dumanas ng hirap bilang Kristiyano? Masasabi ba nating mas higit tayo sa ating Panginoon? Para sa isang Kristiyano, ang daang dapat niyang tahakin ay daan ng krus. Walang detour, walang shortcut angn pagsunod kay Kristo! Ngunti wag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat may kaluwalhatian sa "kabila" na naghihintay sa mga tapat na sumusunod sa kanya. May gantimpala sa ating pasisikap na maging mabuti at umiwas sa kasalanan. Mahirap maging mabuting Kristiyano. Makipot ang daan papunta sa langit. Mas madaling sumama sa agos ng kasamaan at magwalang bahala at umiwas sa maraming paghihirap sa paligid. NO PAIN. NO GAIN! Walang krus na walang Kristo! May isang taong laging sinisisi ang Diyos sa maraming paghihirap na kanyang nakikita sa palagid. Ang lagi niyang dasal ay "Panginoon, ano ang ginagawa mo?... Marami ang namatay sa lindol at tsunami sa Japan. Marami ang naghihirap sa digmaan sa Libya... marami ang namamatay sa gutom... Panginoon, ano ang ginagawa mo?" Marahil nakulitan na ang Diyos sa kanya at sumagot ito: "May ginawa ako... ginawa kita. IKAW... ANO NA ANG GINAWA MO?"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento