Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Abril 24, 2011
EASTER EGG SA EASTER! : Reflection for Easter Sunday - April 24, 2011
Bakit nga ba kapag dumarating ang Easter ay paghahanap ng Easter Egg ang napagbubuntunan ng atensiyon o kaya naman ay ang paghahabol ng Easter Bunny o kuneho? Minsan, may isang madreng nagtuturo sa mga bata tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Jesus. Tinanong niya ang mga bata kung ano ang ibig sabihin ng Easter para sa kanila. Sumagot ang isa: "Sister, ito po yung naghanap si Jesus ng easter eggs sa halamanan!" Ang isa naman: "Sister, ito po yung nagpunta si Jesus sa bukid at naghunting ng mga rabbit!" Laking pagkadismaya ng madre sa kanyang mga estudyante. Katoliko nga silang naturingan ngunti hindi naman alam ang kanilang pananampalataya. Nang may biglang tumayo at sumagot: "Sister, ang Easter po ay ang pagdiriwang natin ng muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ang kanyang pagkatagumpay sa kamatayan!" Tuwang-tuwa ang madre sa sagot na narinig. Nasiyahan siya na sa wakas ay may estudyante naman pala siyang alam ang panananampalataya. "At ano ang ginawa ni Jesus pagkatapos niyang muling mabuhay?" nakangiting tanong ng madre. "Sister, siya po ay lumabas sa libingan. Nagpunta sa bukid at naghanap ng mga itlog at kuneho!" Bakit nga ba nahaluan na ng komersiyalismo ang pinahamahalaga natng pagdiriwang na mga kristiyano? Bakit "Easter Egg" ang napapansin at hindi na si Kristo? Bagamat ang paghahanda ng mga itlog ay nakagawian na ng tao tuwing sasapit ang Easter ay maari naman nating itama ang makamundong pag-intindi nito. Sa katunayan sa kasaysayan na kung saan ito ay nagmula 2, 500 na taon na ang nakalilipas, ang "itlog" ay ginagamit ng simbolo ng "rebirth of the earth" na isang kapistahang ipinagdiriwang ng mga pagano tuwing sasapit ang "spring season". Ito rin ay naging simbolo ng kasaganahan o "fertility". Ngunit para sa ating mga Kristiyano, ang itlog ay maari ring maging simbolo ng "bagong buhay". Bagong buhay na punong-puno ng pag-asa! At ito naman talaga ang kahulugan ng muling pagkabuhay ni Jesus: Isang bagong buhay ang kanyang iniaalok sa atin. Sa katunayan, ito ay tinanggap na natin sa Binyag... ang isang bagong buhay na pagiging anak ng Diyos Ama. Kaya nga't kapag sumasapit ang Easter Sunday ay lagi nating sinasariwa ang mga pangako natin sa Binyag na tatalikuran ang lahat ng kasamaan at tayo ay sasampalataya sa Diyos! Ibig sabihin ito ay nangangahulugan ng pangakong pagbabago sa ating pamumuhay bilang kristiyano! Ano ba ang dapat kong baguhin sa aking pag-iisip, pagsasalita at pagkilos upang maipahayag ko na ako ay isa sa mga tumanggap ng pagliligtas ni Jesus? Baka naman natapos ang panahon ng Kuwaresma na wala man lang tayong naitama sa ating masasamang pag-uugali. Ganoon pa rin tulad ng dati, mapagmataas, makasarili, nanlalamang sa kapwa, etc... Gising na! Layuan na natin ang mga nagpapasama sa ating pamumuhay bilang mga tapat na kristiyano. Naghahanap si Jesus hanggang ngayon, hindi ng mga easter egg o easter bunny ngunit tayo ang kanyang pilit na tinatagpo. Tinagpo niya si Maria Magdalena na tigib ng hapis sa libingan, tinagpo niya ang alagad sa kabila ng kanilang pagdududa at pagkatakot. Siya ang tumatagpo, tayo ang lumalayo. Patuloy ang biyaya ng kanyang muling pagkabuhay. Patuloy niyang inaalok sa atin ang kaligtasan. Nakatagpo ko ba siya sa panahong ito ng Kuwaresma? Kung hindi ay may kulang sa ating pagdiriwang ng Easter Sunday. Wala tayong pinag-iba sa mga taong ang Easter ay Easter Egg lamang. Mga kristiyanong nanatiling mga "itlog na bugok!" sa pananampalataya!
Biyernes, Abril 22, 2011
THE MAGNIFICIENT LOVER: Reflection for Good Friday - April 22, 2011
"Death is a magnificent lover!" Sinabi 'yan ng isang sikat na manunulat na si Scott Peck. Ngunit paanong magiging "magnificent lover" ang kamatayan kung ito ay ating kinatatakutan? May kuwento tungkol sa dalawang magsiyota na sobra ang pagmamahal sa isa’t isa. Sa katunayan ay nagpalit pa ng sim card ang babae from smart to globe para lang pareho sila ng network ng kanyang bf ng sa gayon ay makagamit sila ng unlitext sa umaga at unlicalls naman sa gabi. Sobrang mahal ng babae ang kanyang cellphone kung kaya’t hiniling niya na kung siya man ay mamatay ay isama ito sa kanyang libingan. Matagal na panahon ang lumipas. Nag-abroad ang lalaki. Nagkaroon ng trahedya, nabundol ng isang sasakyan ang babae na kanyang ikinamatay. Walang kaalam-alam ang kanyang nobyo sa nangyari. Kaya pag-uwi niya ay excited siyang pumunta sa bahay ng kanyang nobya. Mabigat sa kaloobang sinabi ng mga magulang ang nangyari. Hindi makapaniwala ang lalaki. Ang sabi niya: „Wag n’yo na akong biruin, hindi siya patay! Sa katunayan ay kakatext niya lang sa akin ngayon.” Kinilabutan ang mga magulang ng babae lalo na ng biglang tumunog ang cellphone ng lalaki at ng tingnan nila kung sino ang tumatawag at nakita nila ang pangalan ng kanilang anak! Naghanap sila ng espiritista at tinanong kung ano ang ibig sabihin nito. Ito ang kanilang konklusyon: „Globe has the best coverage, wherever you go, their network follows... Ang lakas talaga ng globe... kahit nasaan ka man! Kahit 6 ft. below the ground. Sa lakas ng globe... posible! Kaya’t mag-globe na kayo! Hehehe... Tunay ngang "magnificent lover" ang kamatayan. Hindi ito hadlang upang maipadama ng isang taong nagmamahal ang tinitibok ng kanyang puso sa kanyang minamahal. Katulad ito ng pag-ibig na ipinakita ng Diyos sa tao. Hindi naging hadlang ang kamatayan upang ipakita niya ang Kanyang ganap na pagmamahal sa atin. Bagkus ito pa nga ay naging instrumento upang maiahon niya ang tao sa kanyang pagkasadlak sa kamatayang dala ng kasalanan. Ang Diyos na ang gumawa ng paraan upang mabayaran natin ang ating "utang" sa Kanya. Tayo ang nagkautang dahil sa ating pagsuway, Siya ang tumubos! Tayo ang nagkamali. Siya ang nagtama! Tayo ang suwail. Siya ang nanatiling tapat hanggang kamatayan. Lubos na napakadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Kaya nga't ang paanyaya sa atin ay suklian naman natin ng pagmamahal ang kanyang ipinakitang dakilang pag-ibig sa atin. Anong pagsukli ang kanyang hinihintay? Pagtalikod sa dating masamang pamumuhay, pagtanggal ng masasamang pag-uugali, pag-iwas sa mga bisyo, ay ilan lamang sa mga maari nating gawin. Huwag lang sanang mauwi sa panlabas ang "sukli". Wag lang sanag matapos sa Daan ng Krus, Bisita Iglesia, pagpipinitensiya, pag-aayuno at iba pang gawain ang ating pagdiriwang ng Kuwaresma. Ang lahat ng ito ay mawawalan ng kabuluhan kung walang pag-babalik-loob. Ang "sukling" hinihintay niya sa ating ay "pagbabago." 'Wag sana nating ipagkait. Masyadong malaki ang kanyang ipinuhunang pangtubos. Simulan na natin ang isang makatotohanang pagbabalik-loob. Katulad niya, tayo rin ay tinatawag na maging "magnificent lover!"
Huwebes, Abril 21, 2011
EUKARISTIYA AT PAGPAPARI: Reflection for Holy Thursday - April 21, 2011
Bata pa lang ako ay tinuruan na akong maghugas ng kamay ng aking magulang bago kumain. Tinuruan akong sabunin ang aking mga kamay, sa palad, sa pagitan ng mga daliri, paikut-ikutin pa... (parang commercial ng Safeguard eh! hehe) Pero di ata ako tinuruan na maghugas ng paa bago kumain! Parang weird yun! ... Bago ganapin ni Hesus ang "huling hapunan" ay iniutos ito ni Hesus sa kanyang mga alagad! Ang mas weirdo... si Jesus mismo ang naghugas sa paa ng kanyang mga alagad. Haller...! Si Jesus ang bigboss nila no? Bakit siya ang naghugas? May nais paratingin sa atin ang Panginoon... nais mong maging lider?... matuto kang maglingkod! Nais mong maging dakila?... Matuto kang magpakumbaba! Napakaganda na ibinigay ito ni Hesus sa kontexto ng Eukaristiya... Ano ba ang Eukaristiya...? Simple lang, tinapay na walang halaga na inialay, binasbasan, pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad... Ngunit tinapay din na naging katawan ni Kristo, pagkain ng ating kaluluwa, at dahilan ng ating kaligtasan! Ang Huwebes Santo ay ang paggunita sa pagtatatag ng Sakramento ng Eukaristiya. Dito inialay at patuloy na iniaalay ni Hesus ang kanyang katawan at dugo upang maging pagkain natin tungo sa ating kaligtasan. Bukas, Biyernes Santo ay gugunitain din natin ang pag-aalay ni Jesus ng kanyang buhay ngunit sa "madugong paraan." Bagamat sa huling hapunan ay walang dugong dumanak sa pag-aalay ni Jesus ng kanyang sarili, kakakikitaan naman natin ito ng magandang aral tungkol sa paglilingkod. Ang tunay na lider ay handang mag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod... tulad ni Hesus! Sa paghuhugas ng paa ng mga alagad at pag-aanyaya sa kanila na gawin din nila ito, "ang maghugasan ng paa", ay sinasabi ni Jesus na ang tunay na pinuno ay nag-aalay ng sarili sa pamamagitan ng paglilingkod. Sa pagtatatag ng Eukaristiya ay itinatag din ni Jesus ang Sakramento ng Pagpapari. Walang Eukaristiya kung walang Kristo. Walang pag-aalay kung wala ang nag-aalay. Ang mga pari ay ang kinatawan ni Kristo. Katulad niya, sila ay mga pinunong lingkod, na nag-aalay ng kanilang buhay sa isang sakripisyong hindi madugo ngunit ganap na pag-aalay sapagkat kinatawan sila ni Jesus. Ipagdasal din natin ang ating kaparian na sana ay mahubog sila sa larawan ni Jesus na pinunong-lingkod!
Sabado, Abril 16, 2011
MAHAL NA ARAW O BANAL NA ARAW? : Reflection for Palm Sunday Year A - April 18, 2011
Mga Mahal na Araw na naman! Simula bukas ang magiging tawag natin sa mga araw na darating ay Lunes Santo, Martes Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo, Biyernes Santo... Teka lang... e bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Dapat BANAL hindi ba? Di ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? Bagama't mas tama ang translation na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal" at sa aking pakiwari ay mas makahulugan pa nga ang ito. Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Ang tunay na alahas ay MAHAL... PRECIOUS! Ang mga branded na t-shirt o sapatos ay gayundin... MAMAHALIN! Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi... sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang "Mahal" din ay nangangahulugang "close to our hearts, dear..." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas... Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito! Imbis na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine... ang precious... nagiging cheap... ang mahal nagiging... mumurahin! Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula ngayon ang mga araw na darating ay ituring sana nating TUNAY na BANAL... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang!!!
Huwebes, Abril 7, 2011
BUBUHAYIN KA N'YA: Reflection for 5th Sunday of Lent A - April 10, 2011
Nais mo bang makarating sa langit? "Syempre naman Father!" Eh papaano kung dumating ang anghel ng Panginoon at sabihing sa 'yong: "Now na! Mag-impake ka na at sinusundo na kita!" Siguro sasabihin mo: "Joke lang po... di na kayo mabiro!" Bakit nga ba natin kinatatakutan ang kamatayan? Kung talagang naniniwala tayo sa "muling pagkabuhay" ay bakit kinanatakutan natin ang "buhay sa kabila?" May tatlong magkakaibigan na may magkakaibang paniniwala, isang Hindu, Atheist, at Katoliko, ang minsang namasyal sa tabing dagat. Napakalakas at napakataas ng mga alon at sa di kalayuan ay may nakita silang tao na sumisigaw na tila nalulunod. Nagkatinginan ang tatlo at ang sabi ng isa: "Hindi ko puwedeng tulungan yan, ako'y isang "Hindu" at naniniwala kami sa re-incarnation. Masama akong tao, baka maging mababang uri ako ng hayop sa kabilang buhay." Sambit naman ng isa: "Ako'y atheist, hindi ako naniniwala sa Diyos at na may kaluluwa ako. Pag ako'y nalunod ay siguradong katapusan ko na!" Walang pasabi-sabi ay biglang lumusong ang isa sa tubig. S'ya'y Katoliko! Lumangoy siya at nagawa n'yang iligtas ang nalulunod. Tinanong siya ng dalawa n'yang kaibigan: "Dahil ba sa niniwala ka sa "resurrection of the dead" kaya malakas ang loob mong iligtas s'ya?" Sagot n'ya: "Ano'ng resurrection ang pinagsasabi n'yo? Kilala ko yung lalaking nalulunod... ang laki ng utang sa akin nun! Hindi pa nakakabayad!" Totoo nga naman, marami sa ating mga Kristiyano ang tila di na naniniwala sa katotohanan ng "muling pagkabuhay;" sapagkat marami sa atin ang nabubuhay na tila wala silang kaluluwang dapat iligtas o kaya naman ay katawan na muling bubuhayin ng Panginoon. Nakakalungkot isipin na marami ang nabubuhay na tila patay. "They exist but they are not alive!" Mga taong nalululong sa materyalismo, sa masasamang bisyo, sa malaswang pamumuhay, mapanlamang sa kapwa, walang kinikilalang Diyos..." Ang kanilang paniniwala ay hanggang doon na lamang ang kanilang buhay at hindi na nila kayang baguhin ito. Dahil dito ay nabubuhay silang walang direksyon. Parang mga "taong grasang" kampante na sa kanilang sitwasyon at ayaw ng umahon pa! Ang ikalimang linggo ng Kuwaresma ay nagsasabi sa ating ang Panginoon ay may kapangyarihan upang buhayin tayo sa mga uri ng kamatayang ito. Ang sabi ni Jesus ay: "Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay,at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin ay hindi mamamatay kailanman." Hindi ibig sabihin na susolusyunan ni Jesus ang ating mga problema ng isang tulugan lamang. Ang handog Niya sa atin ay pag-asa. Binubuhay Niya ang ating pag-asa upang mabago natin ang ating sarili. Nasa atin na kung mananatili tayo sa dilim ng kamatayan ng ating masamang pamumuhay. Piliin natin ang buhay, 'wag ang kamatayan! Piliin natin si Jesus at hindi ang kasalanan! Habang papalapit tayo sa pagdirwiang ng mga Mahal na Araw isipin natin na sa kabila ng paghihirap at kamatayang sasapitin ni Jesus ay ang kanyang maluwalhating muling pagkabuhay. Sa ating mga nananalig sa Kanya at nagsasabuhay ng kanyang utos, ang naghihintay ay hindi kamatayan kundi buhay na walang hanggan. Manalig ka... bubuhayin ka Niya!
Sabado, Abril 2, 2011
BULAG-BULAGAN: Reflection for 4th Sunday of Lent Year A - April 3, 2011
May dalawang uri ang pagkabulag. Ang pinakakaraniwan ay ang pagkabulag dahil sa pagkawala ng paningin. Ito ay isang uri ng pisikal na kapansanan. Mahirap na itong ibalik lalo na't ang pagkabulag ay mula pa sa pagkasilang. Nangangailangan na ito ng isang himala. Ngunit may mga tao din namang nakakakita ngunit nabubuhay na parang mga bulag. Ang tawag natin ay mga taong "nagbubulag-bulagan". Ito naman ay ang mga taong pinili ang "hindi makakita" sapagkat ayaw nila at hindi matanggap ang katotohanan. Mas mahirap itong pagalingin sapagkat nasa taong bulag ang desisyon para makakita! May kuwento ng isang babaeng lumapit sa isang pari upang mangumpisal. "Pakiramdam ko po'y nagkasala ako, " ang sabi niya. "Ngayong umagang ito, bago ako magsimba ay lubhang naging mapagmataas ako sa aking sarili. Naging palalo po ako! Naupo ako sa harap ng salamin sa loob ng isang oras habang hinahangaan ko ang aking kagandahan." Tiningnan siya ng pari at sumagot: "Hija, hindi ito kapalaluan kundi imahinasyon!" Sinasabing ang ugat ng kasalanan daw ay kapalaluan sapagkat ito ay nagdadala sa isang masahol na uri ng pagkabulag... pagkabulag sa katotohanan. Kapag tayo ay bulag sa katotohanan ay akala nating tama ang ating ginagawa at dahil dito ay nawawalan na tayo ng pagnanais na magsisi sa ating mga kasalanan. Mabubuti na tayong mga tao kaya't di na natin kailangan ang Diyos sa ating buhay! Ang Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Kuwaresma ay nag-aanyaya sa ating tingnan ang ating mga sarili at baka may simtomas na tayo ng ganitong uri ng pagkabulag. Baka katulad na rin tayo ng mga pariseo na hindi matanggap ang kapangyarihan ni Jesus nang pagalingin niya ang bulag. Ang ganitong pag-uugali ay malaking sagabal sa isang tunay na pagbabalik-loob at pagbabagong buhay. May mga taong hindi nagkukumpisal sapagkat ang katwiran nila ay "wala naman akong mabigat na kasalanang nagawa! Mabuti naman ang akong tao! Walang bisyo! Sumusunod sa utos ng Diyos! Bakit pa ako magkukumpisal?" Ang pagkakaroon ng kababaang-loob na harapin ang ating mga pagkukulang ang unang hakbang sa isang tunay na pagbabago. Nagbubulag-bulagan pa rin ba ako sa aking pagiging Kristiyano? May pagkakataon pa tayo upang muling makakita. Aminin natin sa Diyos ang ating mga pagkakamali, ihingi natin ng tawad sa Kanya at sabihin natin katulad ng bulag sa Ebanghelyo: "Sumasampalataya po ako, Panginoon!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)