Huwebes, Abril 7, 2011

BUBUHAYIN KA N'YA: Reflection for 5th Sunday of Lent A - April 10, 2011

Nais mo bang makarating sa langit? "Syempre naman Father!" Eh papaano kung dumating ang anghel ng Panginoon at sabihing sa 'yong: "Now na! Mag-impake ka na at sinusundo na kita!" Siguro sasabihin mo: "Joke lang po... di na kayo mabiro!" Bakit nga ba natin kinatatakutan ang kamatayan? Kung talagang naniniwala tayo sa "muling pagkabuhay" ay bakit kinanatakutan natin ang "buhay sa kabila?" May tatlong magkakaibigan na may magkakaibang paniniwala, isang Hindu, Atheist, at Katoliko, ang minsang namasyal sa tabing dagat. Napakalakas at napakataas ng mga alon at sa di kalayuan ay may nakita silang tao na sumisigaw na tila nalulunod. Nagkatinginan ang tatlo at ang sabi ng isa: "Hindi ko puwedeng tulungan yan, ako'y isang "Hindu" at naniniwala kami sa re-incarnation. Masama akong tao, baka maging mababang uri ako ng hayop sa kabilang buhay." Sambit naman ng isa: "Ako'y atheist, hindi ako naniniwala sa Diyos at na may kaluluwa ako. Pag ako'y nalunod ay siguradong katapusan ko na!" Walang pasabi-sabi ay biglang lumusong ang isa sa tubig. S'ya'y Katoliko! Lumangoy siya at nagawa n'yang iligtas ang nalulunod. Tinanong siya ng dalawa n'yang kaibigan: "Dahil ba sa niniwala ka sa "resurrection of the dead" kaya malakas ang loob mong iligtas s'ya?" Sagot n'ya: "Ano'ng resurrection ang pinagsasabi n'yo? Kilala ko yung lalaking nalulunod... ang laki ng utang sa akin nun! Hindi pa nakakabayad!" Totoo nga naman, marami sa ating mga Kristiyano ang tila di na naniniwala sa katotohanan ng "muling pagkabuhay;" sapagkat marami sa atin ang nabubuhay na tila wala silang kaluluwang dapat iligtas o kaya naman ay katawan na muling bubuhayin ng Panginoon. Nakakalungkot isipin na marami ang nabubuhay na tila patay. "They exist but they are not alive!" Mga taong nalululong sa materyalismo, sa masasamang bisyo, sa malaswang pamumuhay, mapanlamang sa kapwa, walang kinikilalang Diyos..." Ang kanilang paniniwala ay hanggang doon na lamang ang kanilang buhay at hindi na nila kayang baguhin ito. Dahil dito ay nabubuhay silang walang direksyon. Parang mga "taong grasang" kampante na sa kanilang sitwasyon at ayaw ng umahon pa! Ang ikalimang linggo ng Kuwaresma ay nagsasabi sa ating ang Panginoon ay may kapangyarihan upang buhayin tayo sa mga uri ng kamatayang ito. Ang sabi ni Jesus ay: "Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay,at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin ay hindi mamamatay kailanman." Hindi ibig sabihin na susolusyunan ni Jesus ang ating mga problema ng isang tulugan lamang. Ang handog Niya sa atin ay pag-asa. Binubuhay Niya ang ating pag-asa upang mabago natin ang ating sarili. Nasa atin na kung mananatili tayo sa dilim ng kamatayan ng ating masamang pamumuhay. Piliin natin ang buhay, 'wag ang kamatayan! Piliin natin si Jesus at hindi ang kasalanan! Habang papalapit tayo sa pagdirwiang ng mga Mahal na Araw isipin natin na sa kabila ng paghihirap at kamatayang sasapitin ni Jesus ay ang kanyang maluwalhating muling pagkabuhay. Sa ating mga nananalig sa Kanya at nagsasabuhay ng kanyang utos, ang naghihintay ay hindi kamatayan kundi buhay na walang hanggan. Manalig ka... bubuhayin ka Niya!

Walang komento: