Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Abril 22, 2011
THE MAGNIFICIENT LOVER: Reflection for Good Friday - April 22, 2011
"Death is a magnificent lover!" Sinabi 'yan ng isang sikat na manunulat na si Scott Peck. Ngunit paanong magiging "magnificent lover" ang kamatayan kung ito ay ating kinatatakutan? May kuwento tungkol sa dalawang magsiyota na sobra ang pagmamahal sa isa’t isa. Sa katunayan ay nagpalit pa ng sim card ang babae from smart to globe para lang pareho sila ng network ng kanyang bf ng sa gayon ay makagamit sila ng unlitext sa umaga at unlicalls naman sa gabi. Sobrang mahal ng babae ang kanyang cellphone kung kaya’t hiniling niya na kung siya man ay mamatay ay isama ito sa kanyang libingan. Matagal na panahon ang lumipas. Nag-abroad ang lalaki. Nagkaroon ng trahedya, nabundol ng isang sasakyan ang babae na kanyang ikinamatay. Walang kaalam-alam ang kanyang nobyo sa nangyari. Kaya pag-uwi niya ay excited siyang pumunta sa bahay ng kanyang nobya. Mabigat sa kaloobang sinabi ng mga magulang ang nangyari. Hindi makapaniwala ang lalaki. Ang sabi niya: „Wag n’yo na akong biruin, hindi siya patay! Sa katunayan ay kakatext niya lang sa akin ngayon.” Kinilabutan ang mga magulang ng babae lalo na ng biglang tumunog ang cellphone ng lalaki at ng tingnan nila kung sino ang tumatawag at nakita nila ang pangalan ng kanilang anak! Naghanap sila ng espiritista at tinanong kung ano ang ibig sabihin nito. Ito ang kanilang konklusyon: „Globe has the best coverage, wherever you go, their network follows... Ang lakas talaga ng globe... kahit nasaan ka man! Kahit 6 ft. below the ground. Sa lakas ng globe... posible! Kaya’t mag-globe na kayo! Hehehe... Tunay ngang "magnificent lover" ang kamatayan. Hindi ito hadlang upang maipadama ng isang taong nagmamahal ang tinitibok ng kanyang puso sa kanyang minamahal. Katulad ito ng pag-ibig na ipinakita ng Diyos sa tao. Hindi naging hadlang ang kamatayan upang ipakita niya ang Kanyang ganap na pagmamahal sa atin. Bagkus ito pa nga ay naging instrumento upang maiahon niya ang tao sa kanyang pagkasadlak sa kamatayang dala ng kasalanan. Ang Diyos na ang gumawa ng paraan upang mabayaran natin ang ating "utang" sa Kanya. Tayo ang nagkautang dahil sa ating pagsuway, Siya ang tumubos! Tayo ang nagkamali. Siya ang nagtama! Tayo ang suwail. Siya ang nanatiling tapat hanggang kamatayan. Lubos na napakadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Kaya nga't ang paanyaya sa atin ay suklian naman natin ng pagmamahal ang kanyang ipinakitang dakilang pag-ibig sa atin. Anong pagsukli ang kanyang hinihintay? Pagtalikod sa dating masamang pamumuhay, pagtanggal ng masasamang pag-uugali, pag-iwas sa mga bisyo, ay ilan lamang sa mga maari nating gawin. Huwag lang sanang mauwi sa panlabas ang "sukli". Wag lang sanag matapos sa Daan ng Krus, Bisita Iglesia, pagpipinitensiya, pag-aayuno at iba pang gawain ang ating pagdiriwang ng Kuwaresma. Ang lahat ng ito ay mawawalan ng kabuluhan kung walang pag-babalik-loob. Ang "sukling" hinihintay niya sa ating ay "pagbabago." 'Wag sana nating ipagkait. Masyadong malaki ang kanyang ipinuhunang pangtubos. Simulan na natin ang isang makatotohanang pagbabalik-loob. Katulad niya, tayo rin ay tinatawag na maging "magnificent lover!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento