Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Enero 27, 2012
IKA-42 KAHANGA-HANGANG GAWAIN NG DIYOS SA PAMAMAGITAN NI SAN JUAN BOSCO: Kapistahan ni San Juan Bosco (Tondo)- Jan 29, 2012
Kapag narinig natin ang salitang “Calamba”, agad-agad ang ating naiisip ay ang lugar ni Jose Rizal, ang ating Pambansang Bayani. O kaya naman naman ay “Gen-San”, ang agad na pumapasok ay Manny Pacquiao, ang ating Pambansang Kamao. Eh ano naman kaya kung “Tondo” ang salitang iyong maririnig? Anung matunog na pangalan ang pumapasok sa isip mo? Hindi ako magtataka kung ang papasok sa isip mo ay “Asiong Salongga” ang “hari ng Tundo!” Totoo nga naman, kapag sinabing Tundo (Tondo) ang nasaisip kaagad ng mga tao ay lugar na magulo, maraming away, pugad ng krimen, mabaho, mahirap… Totoo naman na yan nga ang dating Tundo, ang lugar noong kapanahunan ni Asiong Salongga. Ngunit malaki na ang pinagbago ng Tundo ngayon. Pagkatapos ng apatnapu’t dalawang taon ng pananatili ng Don Bosco sa Tundo ay marami na ang nabago. Wala na ang dating lugar na magulo at kinatatakutan bagama’t sa iba ay stigma pa rin ito sa kanilang isipan. Malaki na ang umunlad sa kabuhayan ng mga naninirahan bagama’t mayroon pa rin namang mahihirap. Marami na ang naturuan at dahil diyan ay umangat na ang antas ng pamumuhay bagama’t malaki pa rin ang hamon ng edukasyon at paghubog sa mga kabataan. Sa loob ng 42 taon, ang Don Bosco ay nanatiling lebadura na nagpapa-alsa sa kabuhayan ng mga tao lalung-lalo na ng mga kabataan ng Tundo. Ang 42 taon na ito ay nagpapakita ng kahanga-hangang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang abang lingkod na si San Juan Bosco. Ngunit ang lahat ng ito ay hindi naging madali lalong-lalo na para sa mga naunang Salesianong mga pari na nagpasimula ng gawain ni Don Bosco sa Tundo. Ang lahat ay bunga ng hirap at pagsisikap. Ang puhunan ay pawis at dugo. Nagpapatotoo lamang sa ating lumang kasabihang “nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa!” Ang 42 taong lumipas ay tunay ngang nagpapakita ng malaking awa ng Diyos sa ating mga taga-Tundo. Awa na pinalitan ng pagpapala sapagkat nakita niya ang “gawa”. Nakita ng Diyos ang pagkilos ng mga tao upang iangat ang dignidad ng kanilang buhay. Hangga’t may Don Bosco sa Tundo ay mananatili itong monumento ng malaking awa at pagapapala ng Diyos. Mabuhay si Don Bosco! Mabuhay ang Tundo!
Linggo, Enero 22, 2012
KRISTIYANONG PANIKI: Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year B - January 22, 2012
May tatlong paring nag-uusap tungkol sa problema ng kanilang simbahan na pinamamahayan ng paniki ang kisame. Ang sabi ng isang pari, "Ang ginawa ko d'yan ay bumili ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mnga paniki. Siympre nabulabog sila at umalis. Yun lang nga pagkatapos ng ilang araw ay nagsibalikan sila at nagsama pa ng kanilang tropa!" Sabat naman ng isa, "Ako naman, ang ginawa ko ay bumili ako ng chemicals at inispreyan ko ang mga paniki. Madaming namatay pero may mga natira. At ang masaklap ay hindi na tinablan ng chemicals ang kanilang mga naging anak, na-immune ang mga lintek at 3alo lang silang dumami!" At mahinahong nagsalita ang pangatlong pari. "Mga brod, hindi na ako gumastos para lang paalisin ang mga paniki sa aming simbahan. Kumuha lamang ako ng Holy Water at pagkatapos ay pinagbibinyagan ko ang ang mga paniki. Ayun, nagliparan at di na muling bumalik!" May Katoliko na kung tawagin natin ay mga "Kristiyanong paniki". Pagkatapos nilang mabinyagan ay nagsisialisan sa simbahan at hindi na muling bumabalik. Ang kanilang pagkakristiyano ay naiwan sa kanilang baptismal certificate. Noong tayo ay bininyagan tayo ay tinawag ni Kristo na maging tagasunod Niya katulad ng pagtawag Niya sa mga unang alagad na sina Pedro at Andres, Santiago at Juan. Ang pagtawag na ito ay nangangailangan ng agarang pagtugon at hindi naman nabigo si Jesus. Iniwan nila ang kanilang kabuhayan at sumunod kay Jesus. Ang pagiging tunay na Kristiyano unang-una ay nangangahulugan ng pag-iwan ng ating lumang buhay. May mga lumang pag-uugali tayong dapat bitawan sapagkat nagiging sagabal sa pagsunod natin kay Kristo. Ang mga labis na pagpapahalaga sa mga materyal na bagay ay malaking sagabal din sa ating pagsunod kay Jesus. Kaya napakadaling ipagpalit ang Diyos kung hinihingi na ang ating tapat na pagsunod sa kanya. Kung paanong iniwan ng mga taga-Nineveh ang kanilang lumang masamang pamumuhay ay gayun din ang inaasahan bago tayo sumunod kay Kristo. Bago matulog mamaya ay tanngin mo ang iyong sarili kung ano ba ang mga dapat mo pang "bitawan" sa iyong buhay upang makasunod ng agaran kay Jesus. Dito makikita kung tayo ba ay mga "Kristiyanong paniki" na walang pagpapahalaga sa ating pananampalataya.
Biyernes, Enero 13, 2012
KABATAAN... KAYAMANAN: Refelction for the Feast of Sto. Nino Year B - January 15, 2012
May joke sa isang text: A woman gave birth to an ugly child. She said: "What a lovely and beautiful child... He's a treasure!" The husband said: "Yeah... let's bury him!" hehehe... Hindi siguro ito totoo sa ating kultura. Tayong mga Pilipino ay likas na mapagmahal sa mga bata. Magaang ang ating loob sa kanila. Kaya nga't hindi nakakagulat na isa tayo sa bansang napakarami ang populasyon. Mas maraming anak... mas masaya! Bahala na kung papaano sila papakainin at bubuhayin! Kaya siguro malapit sa ating puso ang Kapistahan ng Sto. Nino. Sa mukha ng maraming bata ay nakikita natin ang mukha ng batang Hesus! Makahulugan ang mga salitang binitawan ni Hesus sa Ebanghelyo. Hindi siya nagbibiro ng sabihin niyang: "Hanggang hindi kayo natutulad sa mga bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit." (Mt. 18:10) Hindi niya nais na mag-isip bata tayo. Bagkus nais niyang maisabuhay natin ang natatanging katangian ng isang bata: Una, ang kababang-loob. Hindi ugali ng mga bata ang magpasikat. Ang matatanda pa nga kung minsan ang natutulak sa batang maging makapal ang mukha! At ikawala, ang katangiang magtiwala. Panatag ang kalooban ng isang bata sapagkat alam n'yang hindi siya iiwan ng kanyang magulang. Sa kapistahang ito ng Sto. Nino ay isabuhay natin ang dalawang katangiang ito: maglingkod sa ating kapwa ng may pagpapakumbaba at magtiwala sa Diyos lamang at hindi sa kapangyarihang ibinibigay ng mundo. Kung isasapuso natin ito makikita natin na ang kaharian ng Diyos ay hindi pala mahirap marating. Kaya nga sa tuwing mamasdam natin ang mukha ng isang bata ay lagi nating isaisip na sila ay "kayamanan" sa ating harapan. Na kahit bata sila ay may mahalaga silang itinuturo sa atin kung papaano mabuhay na isang tunay na Kristiyano at alagad ni Kristo. Kung sabagay, sa mga pananalita ng ating Panginoong Jesus... "sa mga kataulad kanila naghahari ang Diyos!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)