Biyernes, Enero 27, 2012

IKA-42 KAHANGA-HANGANG GAWAIN NG DIYOS SA PAMAMAGITAN NI SAN JUAN BOSCO: Kapistahan ni San Juan Bosco (Tondo)- Jan 29, 2012


Kapag narinig natin ang salitang “Calamba”, agad-agad ang ating naiisip ay ang lugar ni Jose Rizal, ang ating Pambansang Bayani. O kaya naman naman ay “Gen-San”, ang agad na pumapasok ay Manny Pacquiao, ang ating Pambansang Kamao. Eh ano naman kaya kung “Tondo” ang salitang iyong maririnig? Anung matunog na pangalan ang pumapasok sa isip mo? Hindi ako magtataka kung ang papasok sa isip mo ay “Asiong Salongga” ang “hari ng Tundo!” Totoo nga naman, kapag sinabing Tundo (Tondo) ang nasaisip kaagad ng mga tao ay lugar na magulo, maraming away, pugad ng krimen, mabaho, mahirap… Totoo naman na yan nga ang dating Tundo, ang lugar noong kapanahunan ni Asiong Salongga. Ngunit malaki na ang pinagbago ng Tundo ngayon. Pagkatapos ng apatnapu’t dalawang taon ng pananatili ng Don Bosco sa Tundo ay marami na ang nabago. Wala na ang dating lugar na magulo at kinatatakutan bagama’t sa iba ay stigma pa rin ito sa kanilang isipan. Malaki na ang umunlad sa kabuhayan ng mga naninirahan bagama’t mayroon pa rin namang mahihirap. Marami na ang naturuan at dahil diyan ay umangat na ang antas ng pamumuhay bagama’t malaki pa rin ang hamon ng edukasyon at paghubog sa mga kabataan. Sa loob ng 42 taon, ang Don Bosco ay nanatiling lebadura na nagpapa-alsa sa kabuhayan ng mga tao lalung-lalo na ng mga kabataan ng Tundo. Ang 42 taon na ito ay nagpapakita ng kahanga-hangang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang abang lingkod na si San Juan Bosco. Ngunit ang lahat ng ito ay hindi naging madali lalong-lalo na para sa mga naunang Salesianong mga pari na nagpasimula ng gawain ni Don Bosco sa Tundo. Ang lahat ay bunga ng hirap at pagsisikap. Ang puhunan ay pawis at dugo. Nagpapatotoo lamang sa ating lumang kasabihang “nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa!” Ang 42 taong lumipas ay tunay ngang nagpapakita ng malaking awa ng Diyos sa ating mga taga-Tundo. Awa na pinalitan ng pagpapala sapagkat nakita niya ang “gawa”. Nakita ng Diyos ang pagkilos ng mga tao upang iangat ang dignidad ng kanilang buhay. Hangga’t may Don Bosco sa Tundo ay mananatili itong monumento ng malaking awa at pagapapala ng Diyos. Mabuhay si Don Bosco! Mabuhay ang Tundo!

Walang komento: