Linggo, Enero 22, 2012

KRISTIYANONG PANIKI: Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year B - January 22, 2012


May tatlong paring nag-uusap tungkol sa problema ng kanilang simbahan na pinamamahayan ng paniki ang kisame. Ang sabi ng isang pari, "Ang ginawa ko d'yan ay bumili ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mnga paniki. Siympre nabulabog sila at umalis. Yun lang nga pagkatapos ng ilang araw ay nagsibalikan sila at nagsama pa ng kanilang tropa!" Sabat naman ng isa, "Ako naman, ang ginawa ko ay bumili ako ng chemicals at inispreyan ko ang mga paniki. Madaming namatay pero may mga natira. At ang masaklap ay hindi na tinablan ng chemicals ang kanilang mga naging anak, na-immune ang mga lintek at 3alo lang silang dumami!" At mahinahong nagsalita ang pangatlong pari. "Mga brod, hindi na ako gumastos para lang paalisin ang mga paniki sa aming simbahan. Kumuha lamang ako ng Holy Water at pagkatapos ay pinagbibinyagan ko ang ang mga paniki. Ayun, nagliparan at di na muling bumalik!" May Katoliko na kung tawagin natin ay mga "Kristiyanong paniki". Pagkatapos nilang mabinyagan ay nagsisialisan sa simbahan at hindi na muling bumabalik. Ang kanilang pagkakristiyano ay naiwan sa kanilang baptismal certificate. Noong tayo ay bininyagan tayo ay tinawag ni Kristo na maging tagasunod Niya katulad ng pagtawag Niya sa mga unang alagad na sina Pedro at Andres, Santiago at Juan. Ang pagtawag na ito ay nangangailangan ng agarang pagtugon at hindi naman nabigo si Jesus. Iniwan nila ang kanilang kabuhayan at sumunod kay Jesus. Ang pagiging tunay na Kristiyano unang-una ay nangangahulugan ng pag-iwan ng ating lumang buhay. May mga lumang pag-uugali tayong dapat bitawan sapagkat nagiging sagabal sa pagsunod natin kay Kristo. Ang mga labis na pagpapahalaga sa mga materyal na bagay ay malaking sagabal din sa ating pagsunod kay Jesus. Kaya napakadaling ipagpalit ang Diyos kung hinihingi na ang ating tapat na pagsunod sa kanya. Kung paanong iniwan ng mga taga-Nineveh ang kanilang lumang masamang pamumuhay ay gayun din ang inaasahan bago tayo sumunod kay Kristo. Bago matulog mamaya ay tanngin mo ang iyong sarili kung ano ba ang mga dapat mo pang "bitawan" sa iyong buhay upang makasunod ng agaran kay Jesus. Dito makikita kung tayo ba ay mga "Kristiyanong paniki" na walang pagpapahalaga sa ating pananampalataya.

Walang komento: