Biyernes, Pebrero 10, 2012

ANG MGA KETONGIN NGAYON: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year B - February 12, 2012


May isang lalaking tumawag sa isang SPA clinic at nagtatanong sa receptionist kung meron silang available room. "Meron po sir, special at ordinary." Sabi ng receptionist. "Anung pagkakaiba ng dalawa?" Tanong ng lalaki. "Sir, yung special may TV at masahista... Yung ordinary... may TB yung masahista!" hehehe... Mahirap ang may TB, nakakahawa. Hanggang ngayon isa pa rin ito sa mga sakit na kinatatakutan. Gayun din ang AIDS, meninggo occimia, bird flu... etc. Noong panahon ni Jesus, ketong ang kinatatakutan! Kaya nga ang may ketong tinitiwalag, hinihiwalay... pinandidirihan! Sa kaniwalang paniniwala ang ketong ay parusang ipinataw ng Diyos sa isang tao dahil sa kanyang malaking kasalanan o sa kasalanan ng lahi nila. Kaya nga ang isang may ketong ay inihihiwalay sapagkat siya'y makasalanan... marumi. Batid ni Jesus ang abang kalagayan ng mga ketongin. Dama niya ang sakit na dulot ng isang taong pinandidirihan at hindi tinatanggap sa lipunan. Kaya nga si Jesus ay hindi nagdalawang isip na pagalingin ang ketongin, hindi lamang upang linisin siya sa kanyang sugat kundi upang hilumin ang sakit na ibinigay nito sa kanya dahil sa mababang pagtingin sa kanya ng mga tao dala ng kanyang abang kalagayan. May mga ketongin din sa ating makabagong panahon na dapat nating damayan at bigyan ng pansin. Hindi lamang mga taong may nakakahawang sakit kundi ang "ketong" na naglalayo sa atin sa ating kapwa. May mga taong pinandidirihan natin dahil sa kanilang katayuan sa buhay katulad ng mga taong mahihirap, mga taong nalululon sa mga pinagbabawal na gamot, mga taong di tanggap ng lipunan dahil sa kanilang immoral na pamumuhay. Marahil minamaliit natin ang iba dahil sa mas angat ang ating kalagayan sa kanila. Marahil mas "banal" ang tingin natin sa ating sarili kaysa mga taong malayo sa Diyos, marahil may mga tao tayong hindi pinapansin, hindi pa pinapatawad. Napakaraming ketongin na dapat tanggapin at pagalingin. Ang tanong, "inilalayo mo rin ba ang iyong sarili sa kanila?" Mag-ingat tayo sapagkat wala tayong kamalay-malay na isa na rin pala tayo sa mga taong ating pinandidirihan. At kung minsan nga... mas masahol pa sa kanila! Bakit hindi natin iabot ang ating kamay sa mga taong ito katulad ng ginawa ni Jesus. Wala man tayong kakayahang magpagaling ng kanilang sakit, may kakayahan naman tayong hilumin ang sugat na naglalayo sa kanila sa Diyos.

1 komento:

lolit manguiat bansuli ayon kay ...

thanks po! marami na akong nakuha mga sa kiliti ng diyos, nasusubaybayan ko lahat..thanks Fadz and na share ko rin sa mga kabataan and katekista!
God Bless!