Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 18, 2012
PSYCHOSOMATIC: Reflection for 7th Sunday in Ordinary Time Year B - February 19, 2012
Dumating na ba sa iyo ang kalagayan na ang pakiramdam mo ay may sakit ka ngunit kapag sinuri mo naman ang iyong sarili ay "perfectly normal" ang kundisyo ng iyong katawan? Madalas ko itong makita lalong-lalo na sa aking mga estudyante noong ako ay nagtuturo pa, kapag malapit na ang pagsusulit maraming nagkakasakit. Minsan may lumapi sa aking estudyante: "Father, parang may sakit po ako!" Ang sabi ko naman sa kanya: "Sige, bibigan kita ng "parang gamot". Ang tawag sa ganyang karamdaman ay "psycho-somatic". "May isang duktor na nagkwento tungkol sa kaso ng isa niyang pasyente na takot na takot mawala ang pagmamahal ng kanyang asawa. Ang babae ay naospital dala ng sakit na hindi niya malaman. Ginawa na niyang lahat ang pagsusuri ngunit wala siyang makitang karamdaman sa babae. Kaya naisip niya na marahil ay "psycho-somatic" ang sakit nito. May pinagplanuhan ang duktor at ang asawa ng babae. Nagtalaga ito ng isang bata at magandang nurse sa kanyang pasyente. At ayon sa plano, ay kinausap ng lalaki ang kanyang asawang nakaratay sa higaan. "Dear, hindi ba sabi mo na dapat ay lagi akong maging masaya kapag pumanaw ka na... Alam mo, nakilala ko yung nurse na nag-aalaga sa 'yo. Sa palagay ko, magiging maligaya ako sa kanya.!" At isang himala ang nangyari. Agad-agad, kinabukasan, ay nag-check-out na ang babae sa ospital. Hindi na kinakailangan ang duktor at lalong hindi na rin kailangan ang magandang nurse! hehe... Karaniwan nang mabanggit sa larangan ng medesina ang salitang "psycho-somatic." Ito'y galing sa dalawang salitang Griego: "psyche" at "soma". Ang "psyche" ay nangangahulugan ng "inner-being, spirit o soul". Ang ibig sabihin naman ng "soma" ay katawan. Ang sinasabi ng medisina ay may malapit na pagkakaugnay ang katawan at kaluluwa. Ang kundisyon ng ating katawan ay kalimitang naapektuhan ng katayuan ng ating kaluluwa. Hindi bago ang ganitong pag-intindi. Kahit noong kapanahunan pa ni Jesus, naniniwala sila na ang isang taong may malubhang karamdaman o kapansanan ay nasa makasalanang kalagayan na bunga marahil ng kanyang nakaraan. Batid ito ni Jesus, kaya nga ang bungad niya sa taong paralitiko ay "pinapatawad na ang mga kasalanan mo." Si Jesus, bilang isang dakilang manggagamot, ay nakakaalam ng tunay nating kalagayan. Batid niyang ang kasalanan ang tunay na nagpapahirap sa tao. Ito ang umaalipin sa atin at nagpapahina sa pagnanais nating maging mabuti. Suriin mo ang iyong sarili: Hinahayaan mo bang manatili ka sa kalagayan ng kasalanan? May ginagawa ka ba upang maiahon mo ang sarili mo sa pagkakasadlak dito? O baka naman nakalyo na ang ating budhi sa paulit-ulit nating pagkakasala at wala na tayong maramdamang pagkakamali? Hindi pa huli ang lahat. May isang kasabihan na lagi kong pinanghahawakan dahil makasalanan din ako: "Falling down doesn't make me a failure... staying down does!" Ang tunay na pagkatalo ay hindi ang pagbagsak kundi ang pagkasadlak natin sa pagkakasala. Hanggat tumatayo ka at nilalabanan mo ang iyong kahinaan ay hindi ka talo sa mata ng Diyos. Kaya nga't wag natin sanang kaligtaan ang pangangailangan nating malimit na dumulog sa Sakramento ng Kumpisal sapagkat doon ay muli nating maririnig ang mga salita ni Jesus na "Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan."
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento