Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 28, 2012
TINAWAG PARA MAGLINGKOD: Reflection for 4th Sunday of Easter Year B - Good Shepherd Sunday - April 29, 2012
Summer na naman at napakasarap magpunta sa beach! May isang pari na naisipang magpunta sa Boracay para naman makapagrelax sa dami ng kanyang trabaho sa parokya. Para hindi siya makilala ay naisipan niyang magdisguise. Nagsuot siya ng summer outfit para hindi siya makilalang pari. Laking pagkagulat niya ng may bumati sa kanya habang siya ay naglalakad sa malapulburong buhangin ng Boracay. "Good morning Father!" Bati ng dalawang balangkinitang babae na nakangiti. Bigla syang napayuko at nagtaka kung papaano siya nakilala. Kinabukasn, nagsuot na siya ng shades at malapad na sumbrero. Habang naglalakad siya sa beach ay nasalubong na naman niya ang dalawang babae na ngayon ay naka-two piece bathing suit at pangiti uli siyang binati. "Good morning Father!" Namula na naman ang pari at sapagkat labis na ang pagtataka kung paano siya nakilala ng dalawa kaya't nilapitan n'ya ito at tinanong: "Mga miss, paano ninyo ako nakilalang pari sa suot kong ito?" Sagot ng isa: "Hihihi... ikaw naman Fadz parang di tayo magkakilala. Ako si Sister Maricor at ito naman si Sister Cely, nagmimisa ka kaya sa aming kumbento!" Ngek! hehehe... Ang mga pari at mga madre ay tao rin naman. Kaya't wag kayong magtataka kung makakakita kayo ng paring nanonood ng sine, kumakain sa restaurant, namamasyal sa Star City at nagsiswimming sa Boracay! Mga tao din naman sila! May karapatan din namang mag-enjoy! Kaya nga siguro dahil sa kanilang pagiging tunay na tao ay lagi tayong pinapaalalahanang ipagdasal natin sila. Ang ika-apat na Linggo ng Mulling Pagkabuhay ay laging inilalaan upang ipanalangin ang ating mga kaparian at ang mga may bokasyon sa pagpapari at pagiging relihiyoso o relihiyosa. Aminin natin na unti-unti ay nagiging extinct na ang kanilang lahi. Kakaunti na lamang ang sumusunod sa yapak ni Jesus. Kakaunti na lamang ang handang maglaan ng buhay para sa paglilingkod sa Sambayanan ng Diyos. Si Jesus ang Mabuting Pastol ngunit ang pag-aalaga kanyang kawan ay iniwan niya sa kanyang mga alagad at sa kanilang mga kahalili. Ito ay isang pagtawag na nangangailangan ng katapatan at sakripisyo. Ipagdasal natin silang mga sumunod sa pagtawag ni Kristo sa halip na siraan natin at gawing paksa ng tsismisan ang kanilang buhay. Suportahan natin sila kahit na simpleng pagpapakita ng pasasalamat sa pamamagitan ng pagbati kapag nasasalubong natin sila. Higit sa lahat, wag sana tayong maging hadlang kapag may mga anak tayo na nais magpari o magmadre. Hindi tayo ninanakawan ng Diyos ng Anak bagkus mas pinagpapala pa nga ang pamilya kapag nabiyayaan ito ng bokasyon ng pagpapari. Sabi ni San Juan Bosco: "The greatest gift that God can give to a family is a son-priest!" Kayat sa Linggong ito ng "Mabuting Pastol" ay alalahanin natin ang matinding pangangailangan ng mundo ng mga kabataang nais ilaan ang sarili sa paglilingkod bilang mga alagad ng Panginoon sa pagpapari at pagiging relihiyoso o relihiyosa. Isama na rin natin ang ating mga Obispo, pari at madreng matagal ng naglilingkod sa Panginoon na biyayaan pa sila ng katatagan at kasiyahan sa pag-aalay ng kanilang buhay para sa iba. Ang mga pari ay tao rin na nagkakamali, nalulungkot, pinanghihinaan ng loob. IPAGDASAL NATIN SILA!
Biyernes, Abril 20, 2012
MULTO (Reposted & Revised) : 3rd Sunday of Easter Year B - April 22, 2012
Naniniwala ka ba sa multo? Kung ako ang tatanungin ay hindi ako naniniwala sapagkat hindi pa ako nakakikita at sana ay wag na silang magparamdam pa dahil takot ako sa kanila! Hehehe. May kuwento tungkol sa dalawang magsiyota na sobra ang pagmamahal sa isa’t isa. Sa katunayan ay nagpalit pa ng sim card ang babae from smart to globe para lang pareho sila ng network ng kanyang bf ng sa gayon ay makagamit sila ng unlitext sa umaga at unlicalls naman sa gabi. Sobrang mahal ng babae ang kanyang cellphone kung kaya’t hiniling niya na kung siya man ay mamatay ay isama ito sa kanyang libingan. Matagal na panahon ang lumipas. Nag-abroad ang lalaki. Nagkaroon ng trahedya, nabundol ng isang sasakyan ang babae na kanyang ikinamatay. Walang kaalam-alam ang kanyang nobyo sa nangyari. Kaya pag-uwi niya ay excited siyang pumunta sa bahay ng kanyang nobya. Mabigat sa kaloobang sinabi ng mga magulang ang nangyari. Hindi makapaniwala ang lalaki. Ang sabi niya, "Wag n’yo na akong biruin, hindi siya patay! Sa katunayan ay kakatext niya lang sa akin ngayon.” Kinilabutan ang mga magulang ng babae lalo na ng biglang tumunog ang cellphone ng lalaki at ng tingnan nila kung sino ang tumatawag at nakita nila ang pangalan ng kanilang anak! Naghanap sila ng espiritista at tinanong kung ano ang ibig sabihin nito. Ito ang kanilang konklusyon: "Globe has the best coverage, wherever you go, their network follows... Ang lakas talaga ng globe... kahit nasaan ka man! Kahit sa libingan. Sa lakas ng globe... posible! Kaya’t mag-globe na kayo!" Hehehe... Si Hesus, hindi lang nagparamdam pero nagpakita pa sa kanyang mga alagad. Normal lang na matakot ang mga alagad. Baka nga naman multo ang kanilang nakikita at nagpaparamdam lang sa kanila. Saksi silang lahat sa pagkamatay ni Jesus. Kitang-kita nila ang kanyang paghihirap sa krus! Sila ba ay namamalikmata lamang o isang multo ang nagpakita sa kanila? Ngunit nais ni Jesus na itama ang kanilang maling haka-haka. Ipinakita niya ang kanyang katawan at mga kamay at nagpakuha siya ng makakain sapagkat ang multo ay wala namang katawan kaya't imposibleng kumain. Nais Niyang maniwala sila na Siya ay muling nabuhay! Nais Niya ring ituwid ang kanilang maling pag-aakala tungkol sa Mesiyas, na ang lahat ng nangyari ay naaayon sa plano ng Diyos maging ang kanyang paghihirap at kamatayan. Kung minsan, ang hirap tanggapin ng Kanyang plano lalo na't kung iba sa ating nais. Kapag hindi nasunod ang gusto natin para tayong batang nagmamaktol, nagtatampo at nagagalit! Sabi ng isang katagang nakita ko sa retreat house: "RELAX... GOD IS IN-CHARGE!" Tama nga naman, kung naniniwala tayo na buhay si Hesus ay wala dapat tayong katakutan! Siya ang dapat na magdikta sa ating buhay at hindi ang multo ng ating lumang sarili. Mas angkop na simbolo ng pag-ibig ang KRUS kaysa PUSO. Sapagkat ang puso ay maaring huminto sa pagtibok, samantalang ang namatay sa krus ay patuloy na nagmamamahal! Patuloy sapagkat Siya ay buhay at hindi patay. Ang Kanyang muling pagkabuhay ay pagpaparamdam ng Kanyang pagmamahal sa atin! Aleluya!
Linggo, Abril 15, 2012
BELIEVE IN A GOD WHO BELIEVES IN YOU (Reposted & Revised): Reflection for the 2nd Sunday of Easter Year B - April 15, 2012
Isang matandang pari ang kinaiinisan ng kanyang mga kasama sa isang religious community. Lagi siyang naninigaw, nagagalit, namumumuna at aburido. Samakatuwid, isa siyang "pain in the ass" para sa kanila. Minsan, ang paring ito ay dumalo sa isang Retreat at doon ay naunawaan niya na kailangan niyang baguhin ang kanyang masamang pag-uugali. Pagkauwi niya sa kanyang community ay agad siyang naglagay ng isang karatula sa labas ng pintuan ng kanyang kuwarto. Ito ang nakasulat: "The old man who once resided here is no longer alive! He is dead and was buried!" Hindi makapaniwala ang mga nakabasa nito. Ngunit totooo nga, isang "bagong" pari ang nakita sa matandang iyon. Hindi na naninigaw. Hindi na aburido. Hindi na nagagalit. Ang iba sa kanila ay mapagduda pa rin. "Naku... maniwala kayo d'yan!" ang sabi ng isang pari. "Ilang araw lang balik sa dati yan!" Ok na sana ang mga unang araw ngunit pagkatapos ng ikatlong araw ay laking pagkadismaya nila sapagkat unti-unti ay muling bumalik ang masamang pag-uugali ng matandang pari. Kayat sa inis ng isang niyang kasamang pari ay kumuha ito ng marking pen at may isinulat sa karatulang nakasabit sa kanyang pinto. Ganito na ngayon ang nakasulat: "The old man who once resided here is no longer alive. He was dead and was buried... pero may karugtong "and on the third day he rose again!" May katwiran ngang magduda ang kanyang mga kasama kung ganoon ang asal ng taong iyon. Natural lang ang magduda! Kung minsan ay kinakailangan ito upang marating natin ang katotohanan. Maging ang mga alagad ay napuno ng pagdududa sa muling pagkabuhay ni Hesus. Lalo na si Tomas na wala noong si Hesus ay unang nagpakita sa kanila. Ngunit pinawi ni Hesus ang pagdududang ito at pinalitan ng isang malalim na pananampalataya: "Doubt no longer but believe!" Ito dapat ang bunga ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa atin: Isang malalim na pananampalataya! Kapag nahaharap tayo sa matinding krisis sa ating buhay tulad ng kapag may namatay sa pamilya o may malubahang karamdaman ang ating mahal sa buhay, nawalan ng trabaho o bumagsak sa examination, iniwan ng mahal sa buhay o bigo sa pag-ibig... kapag nagdududa tayo sa pag-ibig ng Diyos sa atin ay alalahanin natin ang mga kataga ni Hesus: "Blessed are those who do not see and yet believe..."Ganun naman talaga ang hinihingi ng isang ganap na pananampalataya. Hindi lang sapat ang maniwala at magtiwala, dapat ay mayroon ding pagsunod. Kalimitan ay dito tayo nagkukulang. Napakadaling magsabi ng "praise the Lord!" lalo na't kung puro pagpapala ang ating natatanggap mula sa Kanya. Ngunit napakahirap purihin ang Diyos at sundin ang kanyang kalooban kung panay kahirapan ang ating nararanasan. Napakadalng pagdudahan ang kanyang pagmamahal kapag hindi nangyayari ang ating kagustuhan. Sana, sa ating pagsama sa muling pagkabuhay ni Hesus ay iwanan na natin ang dating pamumuhay na walang pagtitiwala sa Diyos. Mabuhay tayong kasama Niya ngunit wala na ang dating masamang pag-uugali at maging bagong nilalang na mapagmahal sa kapwa. Maniwala tayo sa Kanya sapagkat naniniwala Siya sa atin. Magtiwala tayo sa Kanya sapagkat Siya ay nagtitiwala sa atin. Sundin natin Siya sapagkat Siya ang unang sumunod sa kalooban ng Ama. Believe in a God who believes in you!
Sabado, Abril 7, 2012
LIWANAG SA DILIM: Reflection for Easter Sunday (Vigil Mass) Year B - April 8, 2012
Araw ngayon ng kaliwanagan... napawi na ang dilim ng kamatayan! May dalawang magkaibigan, si haring liwanag at si haring dilim. Lungkot na lungkot si dilim sa kanyang kaharian kaya isang araw ay tinext nya si liwanag: "Hi!" Sagot si liwanag: "Hu u?" Sagot ni dilim: "4get me na alredy? I'm fren... darky!" at me sumunod pang text, "me lonely hir. wanna visit me?" Sagot ni liwanag:" "sure! Ktatkits!" At bumisita si haring liwanag kay haring dilim. Ngunit pagdating sa kaharian ni haring dilim ay wala syang makita. "Wer u na? D2 na me!" Sagot si dilim: "Her me na sa harap mo noh?... can't u c me?" Sa totoo lang walang makikitang dilim si liwanag sapagkat nabalot na ng kanyang kaliwanagan ang kadiliman... Ganito rin ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." Siya ang ating LIWANAG SA DILIM!
Miyerkules, Abril 4, 2012
WALANG PARI, WALANG MISA! : Reflection for Holy Thursday Year B - April 5, 2012
May isang nanay na pilit na ginigising ang kanyang anak: "Hoy damuho ka! Gumising ka na at mahuhuli ka na sa misa!" Pamaktol na sumagot ang anak, "Inay, bigyan mo ako ng dalawang magandang dahilan para bumangon ako." Sumagot naman ang nanay, "Iho, ang una ay kuwarenta anyos ka na at di ka na kailangan pang sabihang bumangon. Pangalawa, ikaw ang paring magmimisa! Damuho ka! Tayo na!!!" Tama nga naman si ina sapagkat WALANG MISA KUNG WALANG PARI at WALA RING PARI KUNG WALANG MISA! Ngayong Huwebes Santo ay may dalawang pagdiriwang: Ang Pagtatatag ng Pagpapari at ang Pagkakatatag ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Dalawang sakramentong kailanman ay hindi mapaghihiwalay. "Ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Sa Banal na paghahaing pinangunahan ng ating Panginoong Jesus ay ibinigay niya sa ating ang dalawang malaking tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao. Ang pagpapari ay ang simbolo ng pagtitiwala sa atin na bagama't hindi tayo karapat-dapat pinili niya tayo at hinirang upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagliingkod. Ang Eukaristiya ay ang simbolo naman ng kayang katapatan at pagmamahal na humantong sa pag-aalay ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Sa araw na ito, ipakita natin ang ating pagmamahal sa ating mga pari. Ipgadasal natin sila na manatiling tapat at masigasig sa pagsasabuhay ng kanilang bokasyon. Manatili nawa silang maging kasangakapan upang ang pagmamahal ng Diyos ay maihatid sa mga tao. Sa araw ring ito ay maramdaman nawa natin ang lubos na pagmamahal sa atin ng Diyos sa tuwing ipinagdiriwnag natin ang Santa Misa. Ang kanyang katawan at dugo ay kanyang inialay upang magkamit tayo ng bagong buhay. Kaya nga't bawat paglapit sa komunyon ay dapat magbigay sa atin ng pag-asa na kaya nating tumulad kay Kristo. Magmahal kung pa'no Siya nagmahal. Magpatawad kung paano Siya nagpatawad. Maglingkod kung paano Siya naglingkod. Tayo ay tinawag na maging katulad Niya. Maging Kristo nawa tayo para sa iba!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)