Miyerkules, Abril 4, 2012

WALANG PARI, WALANG MISA! : Reflection for Holy Thursday Year B - April 5, 2012


May isang nanay na pilit na ginigising ang kanyang anak: "Hoy damuho ka! Gumising ka na at mahuhuli ka na sa misa!" Pamaktol na sumagot ang anak, "Inay, bigyan mo ako ng dalawang magandang dahilan para bumangon ako." Sumagot naman ang nanay, "Iho, ang una ay kuwarenta anyos ka na at di ka na kailangan pang sabihang bumangon. Pangalawa, ikaw ang paring magmimisa! Damuho ka! Tayo na!!!" Tama nga naman si ina sapagkat WALANG MISA KUNG WALANG PARI at WALA RING PARI KUNG WALANG MISA! Ngayong Huwebes Santo ay may dalawang pagdiriwang: Ang Pagtatatag ng Pagpapari at ang Pagkakatatag ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Dalawang sakramentong kailanman ay hindi mapaghihiwalay. "Ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Sa Banal na paghahaing pinangunahan ng ating Panginoong Jesus ay ibinigay niya sa ating ang dalawang malaking tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao. Ang pagpapari ay ang simbolo ng pagtitiwala sa atin na bagama't hindi tayo karapat-dapat pinili niya tayo at hinirang upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagliingkod. Ang Eukaristiya ay ang simbolo naman ng kayang katapatan at pagmamahal na humantong sa pag-aalay ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Sa araw na ito, ipakita natin ang ating pagmamahal sa ating mga pari. Ipgadasal natin sila na manatiling tapat at masigasig sa pagsasabuhay ng kanilang bokasyon. Manatili nawa silang maging kasangakapan upang ang pagmamahal ng Diyos ay maihatid sa mga tao. Sa araw ring ito ay maramdaman nawa natin ang lubos na pagmamahal sa atin ng Diyos sa tuwing ipinagdiriwnag natin ang Santa Misa. Ang kanyang katawan at dugo ay kanyang inialay upang magkamit tayo ng bagong buhay. Kaya nga't bawat paglapit sa komunyon ay dapat magbigay sa atin ng pag-asa na kaya nating tumulad kay Kristo. Magmahal kung pa'no Siya nagmahal. Magpatawad kung paano Siya nagpatawad. Maglingkod kung paano Siya naglingkod. Tayo ay tinawag na maging katulad Niya. Maging Kristo nawa tayo para sa iba!

Walang komento: