Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Abril 20, 2012
MULTO (Reposted & Revised) : 3rd Sunday of Easter Year B - April 22, 2012
Naniniwala ka ba sa multo? Kung ako ang tatanungin ay hindi ako naniniwala sapagkat hindi pa ako nakakikita at sana ay wag na silang magparamdam pa dahil takot ako sa kanila! Hehehe. May kuwento tungkol sa dalawang magsiyota na sobra ang pagmamahal sa isa’t isa. Sa katunayan ay nagpalit pa ng sim card ang babae from smart to globe para lang pareho sila ng network ng kanyang bf ng sa gayon ay makagamit sila ng unlitext sa umaga at unlicalls naman sa gabi. Sobrang mahal ng babae ang kanyang cellphone kung kaya’t hiniling niya na kung siya man ay mamatay ay isama ito sa kanyang libingan. Matagal na panahon ang lumipas. Nag-abroad ang lalaki. Nagkaroon ng trahedya, nabundol ng isang sasakyan ang babae na kanyang ikinamatay. Walang kaalam-alam ang kanyang nobyo sa nangyari. Kaya pag-uwi niya ay excited siyang pumunta sa bahay ng kanyang nobya. Mabigat sa kaloobang sinabi ng mga magulang ang nangyari. Hindi makapaniwala ang lalaki. Ang sabi niya, "Wag n’yo na akong biruin, hindi siya patay! Sa katunayan ay kakatext niya lang sa akin ngayon.” Kinilabutan ang mga magulang ng babae lalo na ng biglang tumunog ang cellphone ng lalaki at ng tingnan nila kung sino ang tumatawag at nakita nila ang pangalan ng kanilang anak! Naghanap sila ng espiritista at tinanong kung ano ang ibig sabihin nito. Ito ang kanilang konklusyon: "Globe has the best coverage, wherever you go, their network follows... Ang lakas talaga ng globe... kahit nasaan ka man! Kahit sa libingan. Sa lakas ng globe... posible! Kaya’t mag-globe na kayo!" Hehehe... Si Hesus, hindi lang nagparamdam pero nagpakita pa sa kanyang mga alagad. Normal lang na matakot ang mga alagad. Baka nga naman multo ang kanilang nakikita at nagpaparamdam lang sa kanila. Saksi silang lahat sa pagkamatay ni Jesus. Kitang-kita nila ang kanyang paghihirap sa krus! Sila ba ay namamalikmata lamang o isang multo ang nagpakita sa kanila? Ngunit nais ni Jesus na itama ang kanilang maling haka-haka. Ipinakita niya ang kanyang katawan at mga kamay at nagpakuha siya ng makakain sapagkat ang multo ay wala namang katawan kaya't imposibleng kumain. Nais Niyang maniwala sila na Siya ay muling nabuhay! Nais Niya ring ituwid ang kanilang maling pag-aakala tungkol sa Mesiyas, na ang lahat ng nangyari ay naaayon sa plano ng Diyos maging ang kanyang paghihirap at kamatayan. Kung minsan, ang hirap tanggapin ng Kanyang plano lalo na't kung iba sa ating nais. Kapag hindi nasunod ang gusto natin para tayong batang nagmamaktol, nagtatampo at nagagalit! Sabi ng isang katagang nakita ko sa retreat house: "RELAX... GOD IS IN-CHARGE!" Tama nga naman, kung naniniwala tayo na buhay si Hesus ay wala dapat tayong katakutan! Siya ang dapat na magdikta sa ating buhay at hindi ang multo ng ating lumang sarili. Mas angkop na simbolo ng pag-ibig ang KRUS kaysa PUSO. Sapagkat ang puso ay maaring huminto sa pagtibok, samantalang ang namatay sa krus ay patuloy na nagmamamahal! Patuloy sapagkat Siya ay buhay at hindi patay. Ang Kanyang muling pagkabuhay ay pagpaparamdam ng Kanyang pagmamahal sa atin! Aleluya!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
2 komento:
salamat po father ako po ay isa sa mga sumusubaybay sa inyong mga homilies for sundays kasi isa po akong Layco sa aming Chappel dito sa St. Michael parish sa Gensan malaki ang naitulong mo sakin father kasi ang homily mo ang ginawa kong guide pero di ko kinokpya lahat atleast mas lalo pang naging effective ang aking sharing at mas dumami napo ang naga simba bawat linggo. i hope father tulad nito saturday palang na post nio na po ang inyong homliy for tomorow maraming salamat po father mabuhay po kayo and God bless
Wow Fr.maraming salamat po kung sino ka man ang galing ng mga homilys mo po plano ko itong i-share at gawing guide sa mga household sharings namin po sa Cfc (Couples for Christ community kahit napansin ko po na year 2012 pa pala itong copy ng mga homilies mo po dahil year 2019 na po nang ma-search ko pi ito nang hindi inaasahan.God bless you more po Fr.
Mag-post ng isang Komento