Sabado, Hulyo 14, 2012

MAGPASAYA! MAGPALIGAYA! : Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year B - July 15, 2012


Tatlong magkakaibigang pari ang masayang nag-uusap at pinagkukwentuhan nila ang kanilang mga tatanga-tangang sakristan. Sabi ng isa: "Naku, kung patangahan lang ng sakristan eh wala ng tatalo sa sakristan ko! Gusto n'yo ng sample?" Tinawag niya ang sakristan at sinabi "Manong, ito ang isandaang piso, Ibili mo ako ng kotse ha? Gusto ko yung sports car na kulay pula!" Agad-agad namang sumunod ito. Nagtawanan sila at di naman nagpatalo ang isa. Tinawag din ang kanyang sakristan at inutusan. "Iho, ito ang sampung piso. Pumunta ka nga sa Hongkong at ibili mo ako ng masarap na Hongkong fried noodles!" Agad-agad ding tumalima ito. Tawanan na naman ang tatlo ngunit biglang yabang na sinabi ng pangatlong pari: "Ano ba yang mga sakristan niyo? Hindi nag-iisip? Tingnan n'yo itong sakristan ko at sabay tawag sa kanya. "Iho, pumunta ka nga sa labas at tingnan mo kung naroroon ako!" Tumalikod ang sakristan at natigilan. Sa wakas mayroon isang nag-iisip and sa loob-loob nila. "Padre", sabi niya, "may ipapasabi ba kayo sa inyong sarili?" Malakas na tawanan ang sumunod. Ang hindi alam ng tatlong pari ay nagkitakita pala sa labas ang tatlo nilang sakristan. Sabi ng isa: "Ang tanga-tanga talaga ng pari namin. Biruin mo, binigyan ako ng isandaan piso para bumuli ng kotseng sports car? Eh ni manibela di kasya ito!" "Ay mas tanga, ang pari namin, binigyan ako ng isandaan piso para pumunta sa Hongkong eh Divisoria lang eh kulang ito sa pagbalik!" "Ay wala yan sa pari namin, pinapahanap ba naman ang sarili niya sa labas eh magkausap kami!" hehehe. Datirati, ang mga pari ang "hari" at ang utos nila ay ang dapat masusunod, makatwiran man ito o hindi. Ang laiko, mga karaniwang Kristiyano, ay parang hindi nag-iisip na sunod-sunuran lamang . Kasi nga naman, kapag binanggit ang salitang alagad ng Diyos, agad-agad ang nasaisip ng tao ay ang mga paring nangangaral sa pulpito ng simbahan. Parang sila lang ang may tungkulin at karapatang ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo. Ngunit taliwas ito sa kalooban at plano ng Diyos. Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ng kaligtasan ay misyon na hindi lamang iniatang sa mga pari. Sa pamamagitan ng Sakramento ng Binyag, ang lahat ng Kristiyano ay nagkararoon ng misyong maging tagapagdala ng Ebanghelyo. Paano ito isinasagawa ng isang laiko. Bukod sa gawaing pangangaral, na kakaunti lamang ang napagkalooban ng ganitong kakayahan, ang bawat isa ay tinatawag na mangaral sa pamamagitan ng pagiging tapat na saksi ng kanilang buhay Kristiyano. Sa papaanong paraan? Ito ang turo ng Simbahan: "... ang kanilang MABUTING GAWA, ay may kapangyarihang makaakit ng tao upang maniwala at mapalapit sa Diyos." (Vatican II Decree on the Laity, 6) Kaya nga't ano man ang katayuan mo sa buhay, bata ka man o matanda, may kaya man o wala, nakatalaga man sa Diyos o hindi, ang paggawa ng mabuti ay dapat isapuso ng bawat isa. Matuto tayong magpasaya ng ating kapwa. Nagiging makabuluhan ang ating buhay kung nakapagbibigay tayo ng kaligayahan sa iba. Para tayong mga kandila na may katuturan lamang kung nasisindihan at nakapagbibigay ng liwanag! Nakapagbigay ka na ba ng liwanag ng kasiyahan sa iyong pamilya? Baka naman sanhi ka pa ng di pagkakasundo o kaguluhan sa kanila? Nakapagbibigay ka ba ng liwanag ng kapayapaan sa iyong trabaho o paaralan? Baka naman sa iyo nagmumula ang inggitan at alitan? Ito ang ibig sabihin ng pagiging alagad ni Kristo: ang maging kamay ng pag-ibig ng Diyos para ibang tao.

PAHABOL: Ngayon din pala ang libing ng Hari ng Komedya. Maraming salamat Mang Dolphy sa maraming taon ng pagpapatawa at pagpapaligaya! isinabuhay mo ang pagiging "Kiliti-ng-Diyos" sa maraming taong iyong napasaya. Mabuhay ka! Long live comedy!

Walang komento: