Sabado, Hulyo 7, 2012

PICK-UP LINE NG KRISTIYANO: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year B - July 8, 2012


In-na-in ngayon ang mga pick-up lines! Ngunit hindi lahat ay nakakakilig. May mga pick-up lines na nakakaasar! Nasabihan ka na ba ng mga ganitong banat: "Relief goods ka ba? Bakit? Amoy sardinas ka kasi!" "Earthquake ka ba? Bakit? Umaalog kasi ang bilbil mo!" "Unan ka ba? amoy panis na laway ka kasi!"Selecta ka ba? Bakit? Kasi ang pisngi at noo mo parang Rocky Road!" At higit sa lahat: "Tao ka ba? Bakit... naniniguro lang! BOOOM!" hehehe... Ano'ng feeling mo habang binabasa ko ang mga pick-up lines? Siguro ang iba natatawa, nangingiti. Pero sa mga tinamaan... BOOM! Sabi nga nila "Bato-bato sa langit. Tamaan wag magalit!" Ngunit masama talaga ang pakiramdam kapag na-reject ka ng iba. Masakit mareject. Mas masakit kung ang gumagawa nito ay ang mga kakilala mo o ang mga taong hindi mo inaasahan na gagawa nito sa 'yo. Minsan may paring nagsesermon at sinabi nyang: "Ang lahat ng ginawa ng Diyos ay mabuti. Wala siyang ginawang masama! Lahat ay perfect!" May isang kuba na nagtaas ng kamay at nagsabing "Father, bakit ako ganito? Tingnan mo ang likod ko perfect ba ako?" Natahimik ang lahat at ang pari. At malakas niyang sinabi. "Oo lahat ay perfect! Tingnan mo ang likod mo perfect cone ang shape!" hehe. Bakit nga ba may mga taong mahilig mangreject? Huwag na tayong magulat kung may ganitong mga tao. Mga ganitong tao rin ang nakaharap ni Hesus nang sinubukan n'yang mangaral sa kanyang sariling bayan. Tandaan natin na si Hesus ay tanyag na bago pa siya mangaral sa kanyang bayang pinanggalingan. Marami na ang humahanga sa kanyang katalinuhan at galing. Kaya't marahil ay inaasahan niyang mainit din siyang tatanggapin ng kanyang mga kababayan. Ngunit nagkamali siya. Nang marinig siyang mangaral ng kanyang kababayan ay hindi sila makapaniwala sa kanyang katalinuhan. Ang tanong pa nga nila ay: "Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At hindi nila siya tinanggap. Kaya't malungkot din ang naging sagot ni Hesus sa kanila. "Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon... Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya." Kung minsan tayo rin ay nahaharap sa ganitong sitwasyon. May mga pagkakataong ipinapahiya din natin si Hesus. Sa mga pagkakataong hindi natin pinangangatawanan ang pagiging Kristiyano at kung minsan ay ikinakahiya pa nga natin ito ay ipinapadama natin ang ating hindi pagtanggap sa kanya. Dyahe ba para sa iyo ang mag-antanda ng krus sa jolibee, o kaya naman ay sa loob ng jeep? Nahihiya ka bang pagsabihan ang kaklase mong nandaraya sa exam? O kaya naman ay ang katrabaho mong patulog-tulog sa oras ng trabaho? Nahihiya ka bang yayain ang mga kasama mo sa bahay para magsimba? Mapanlait ka ba sa kapwa mo? Minamaliit mo ba ang kakayanan at katangian ng iba? Mag-isip-isip ka, baka katulad ka rin ng mga kababayan ni Hesus na ayaw tumanggap sa Kanya? Marahil ito ang pick-up na di dapat marinig sa isang Kristiyano: "Katoliko ka ba? Bakit? Doble kara ka kasi!"

1 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

mali ang date padre. dapat ay july 8, 2012