Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Oktubre 20, 2012
SAN PEDRO DE CEBU, Huwaran sa Mapagkumbabang Paglilingkod : Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year B - October 21, 2012 - Canonization fo St. Pedro Calungsod
Kapag sinabing kabataan agad ang pumapasok sa ating isipan ay facebook, twitter, chat, text, internet, gadgets, gimik, party, barkada at marami pang iba na tanging sila lamang ang makakaintindi. Bakit nga ba hindi? Ito ang kasalukuyang mukha ng mga kabataan ngayon. Moderno. Makabago. Mabilis. Kaya nga't mahirap ipaunawa sa kanilang naiibang pag-iisip ang disiplina, sakripisyo, pagtitiis, pag-aalay ng sarili. Hindi sapagkat ayaw nila ng mga ito. Nagkataon lang na ang mundong kanilang ginagalawan ay iba ang alituntunin o patakarang pinaiiral. Kaya nga marami sa kanila ang lito, tuliro ang pag-iisip, mahina sa desisyon, takot sa "commitment", at hindi lubos na kilala ang sarili. Ano ang kinakailangan nila upang makasabay sila sa naiibang takbo ng mundo ngayon? Isang modelo. Isang modelong maari nilang maging batayan at inspirasyon ang pamumuhay. Dito papasok ang santong pinararangalan natin ngayon. Una sa lahat siya ay isang kabataan, labing pitong taon noong inalay niya ang kanyang buhay para kay Kristo. Ikalawa, siya ay Pilipino, kadugo natin, kalahi natin, kaisa natin. Si San Pedro Calungsod ang ikalawang santong martir nating mga Pilipino. Isa siyang misyonerong kabataan na nagtalaga ng kanyang buhay upang maipalaganap ang Mabuting Balita ng kaligtasan. Taong 1668 nang sumama siya sa mga misyonerong Heswita patungong isla ng Ladrones sa hilaga ng Pacifico na ngayon ay tinatawag nating Guam. Nagsilbi siyang tagapaglingkod ng mga paring misyonero at katulong na rin sa pagtuturo ng katesismo sa mga katutubo ng lugar ding iyon. Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang ilang katutubo at mga misyonero. Isinisi nila sa mga misyonero ang paglaganap ng sakit sa kanilang lugar lalo na sa mga batang kanilang binibinyagan. Nangyari ang kanyang pagkamartir ng minsang nabinyagan nila ang anak ng isang katutubong galit na galit sa kanila. Nagtawag ito ng mga kasama at pinagkaisahang paslangin ang mga misyonero. Nauna si Pedro Calungsod na nagbuwis ng kanyang buhay para ipagsanggalang ang kanyang kasamang pari. Tinamaan siya ng sibat sa dibdib na kanyang ikinamatay. Ang kanyang katawan, kasama ng paring misyonero, ay inihulog sa karagatan. Nangyari ito noong April 2, 1672. Sa panahon ngayon na kung saan ay hindi pinahahalagahan ang pagpapakasakit at paglilingkod, ang imahe ni San Pedro Calungsod ay magandang halimbawa upang iharap sa ating mga Kristiyano, lalo na sa mga kabataan, na posible pala ang sukdulang pag-aalay ng buhay para sa iba! Sa mata ng mundo ang kadakilaan ay nakasalalay sa taas ng posisyon o sa kasikatan. Walang pinagkaiba sa magkapatid na Santiago at Juan na labis na inaasam ang makaupo sa kanan at kaliwa ni Jesus. At dahil dito ay binitawan ni Jesus ang isang prinsipyong kabalintunaan sa pag-iisip ng makamundo: "ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat." Ito ay unang pinatunayan ni Jesus sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus. Ito ay pinangalawahan ng maraming taong nag-alay ng kanilang buhay para sa Diyos. Isa na rito si San Pedro Calungsod. Sa mundo ngayon na ang sikat ay ang maraming "likes" sa Facebook, o kaya naman ay maraming "following" sa tweeter, ang ating kabataang martir ay nagsasabi sa atin na ang pagiging sikat ay ang mapagpakumbabang pagpapakasakit at paglilingkod. Mabuhay ka San Pedro de Cebu! Mabuhay ka Patron ng mga Kabataang Pilipino!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
1 komento:
Padz, Maraming salamat po sa lingguhang mga homiliya ninyo at tunay ngang ang kiliti ng Diyos tumitimo sa bawat taong makakarinig at makakabasa nito. Sa katunayan po ay linguhan ko po itong sinisipi at pinapaskil sa aming community page sa facebook sa El Shaddai Bahrain Chapter. maraming salamat po una sa Diyos at sa inyo po muli.
Dating Bosconian na nasa Bahrain
Mag-post ng isang Komento