Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Oktubre 27, 2012
BULAG-BULAGAN: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year B - October 28, 2012 - Year of the Faith
Gusto mo ba ng maraming kita? Siyempre naman! Sino bang may ayaw? May natanggap akong text joke na nais kong i-share sa inyo. "Mapalad daw ang mga taong duling.. kasi DOBLE ang kanilang KITA! Pinakamalas naman daw ang mga BULAG... kasi WALANG KITA! Pero pinakasuwerte daw ang mga BOLD STARS kasi LAHAT KITA! hehe... Ipinanganak na malas nga ba ang mga bulag? Ang sabi ni Ka Freddie sa kanyang kanta: "Madillim ang 'yong paligid hating-gabing walang hanggan. Anyo at kulay ng mundo sa 'yo'y pinagkaitan. Wag mabahala kaibigan isinilang ka mang ganyan. Isang bulag sa kamunduhan... ligtas ka sa kasalanan." Kaawa-awa man ang kalagayan ng mga bulag ay masasabi nating masuwerte pa rin! Kung itinuturing man nating malas sila ay alalahanin nating mayroon pang mas malas sa kanila! Ang mga taong NAGBUBULAG-BULAGAN! Sila ang mga taong hindi matanggap ang mga nangyayari sa kanilang palagid at ayaw malaman ang mahirap na katotohanan ng buhay. May mga taong hindi alam kung saan sila patungo. Nabubuhay na walang kabuluhan. Walang saysay na sinasayang ang mga pagkakataong ipinagkaloob ng Diyos sa kanila! Ganito ang naging buhay ni Bartimeo sa simula. Bagamat hindi nasasaad sa Ebanghelyo ay nakasisigurado tayong hindi nagign kasiya-siya ang kanyang buhay. Hindi siya tanggap ng lipunan at dahil dito ay napakababa rin ng pagtinging niya sa kanyang sarili. Kadiliman ang bumabalot sa kanyang buhay kaya't ang pagdaan ni Jesus ay nagbigay sa kanya ng bagong pag-asa! Tayo rin ay mga "Bartimeo" kung atin lamang susuriin ang ating sarili. May kanya-kanya tayong pagkabulag na dapat nating harapin. Marahil ay pagkabulag sa masasamang pag-uugali na ayaw nating baguhin. Pagkabulag sa bisyo. Pagkabulag sa ambisyon na masama na ang kinahihinatnan sa labis nating pagnanasang maabot ito. Pagkabulag sa kayaman at ari-arian na pumipigil sa atin sa pagtulong sa mga mahihirap. Ngunit kung "Bartimeo" man tayong naturingan ay dapat magawa rin natin ang nagawa niya. Naglakas loob siyang lumapit kay Hesus. Hindi naging hadlang ang mga tao sa kanyang paligid. Hindi naging hadlang ang kanyang kapansanan. Pansinin ninyo ang sigaw ni Bartimeo: "Hesus, Anak ni David! Maawa ka sa akin!" Isa itong pagpapahayag ng pananampalataya. Ang Anak ni David ang tawag nila sa pangakong Mesias! Iwinaksi ni Bartimeo ang kanyang balabal, ang kahuli-hulihang gamit ng isang pulubi na panlaban niya sa lamig ng gabi. Alam niyang pagagalingin siya ni Hesus! At ito nga ang nangyari. Nakita ni Hesus ang kanyang malaking pananampalataya at pinanumbalik ang kanyang paningin.Tanging pananampalataya ang makapagpapagaling sa ating pagkabulag. Sa pagsisimula ng Taon ng Pananampalataya, sana ay maging atin din ang mga salitang binitiwan ni Bartimeo: "Guro, gusto kong makakita!" Gusto kong magkaroon ng katuturan ang buhay ko. Gusto kong makita kung saan ako papunta. Gusto kong makita kung ano ang ibig sabihin ng mga hindi magagandang pangyayari sa aking buhay! Tanging si Hesus ang makapagbibigay sa atin ng liwanag! Bulag man tayong naturingan ay mapalad pa rin tayo sapagkat may Diyos na nagsisilbing ilaw na gumagabay sa atin at handang hanguin tayo sa kadiliman ng buhay! Sapat lang na handa tayong lumapit at itaya ang ating buhay sa Kaya. Ito ang tunay na pananampalataya: "Ano man ang mangyari sa buhay ko... sa Diyos ko lang itataya ng buong-buo!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento