Ngayong Nobyembre ay inaalala natin ang ating mga mahal na yumao. Sa katunayan sa buong buwan na ito ay aalayan ng misa ang mga kaluluwang ang mga pangalan ay nakasulat sa mga sobreng ito na nasa harap ng altar. Bumisita ba kayo sa inyong mga patay noong araw ng undas? Kung hindi ay 'wag kayong mag-alala sapagkat hi-tech na ang ating panahon ngayon. Maari ninyo silang i-text. Just text DALAW send to 2366 at presto... sila mismo ang dadalaw sa inyo! hehe. Me options pa 'yan: PRESS 1: hihilahin ka sa paa, PRESS 2: hahawakan ng malamig na kamay sa pisngi, PRESS 3: isasama ka sa kabilang buhay! hehehe... Ang maraming taong dumagsa sa sementeryo ay patunay lamang na mahal na mahal natin ang ating mga yumao. May ilang sementeryo nga na kahit lubog sa baha ay dinalaw pa rin ng mga tao. Bakit nga ba kapag patay na ang isang tao ay doon lamang nating ipinapakita na mahal natin sila? Ang ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo ay nagsasabing habang buhay pa ang ating kapwa ay dapat alayan natin sila ng pagmamahal. Tinanong si Jesus ng isang eskriba kung ano ang pinakamahalaga sa lahat ng mga utos? Ang sagot ni Jesus ay ang tinatawag ng mga Judio na SHEMA ISRAEL o makinig ka Israel! ‘Pakinggan mo, Israel! Ang
Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Wala namang bago sa sinabi ni Jesus sapagkat ito ay alam na alam ng isang tapat na Judio. Ang bago sa kanyang sagot ay idinugtong niya ang isang utos na hango sa aklat ng Levitiko 19, 18. Ang taludtod na nagsasabing: ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Madaling mahalin ang Diyos sapagkat hindi naman natn Siya nakikita. Mas mahirap mahalin ang kapwa na araw-araw nating nakakasama. Ngunit kung titingnan natin ay hindi natin maaring paghiwalayin ang dalawang utos na ito. Sabi nga sa ingles, "they are two sides of the same coin!" Tunay sapagkat ang pagmamahal sa Diyos na walang pagmamahal sa kapwa ay pagsambang pakitang tao lamang. Ang pagmamahal naman sa kapwa na walang pagmamahal sa Diyos ay purong "social work" at siguradong hindi magtatagal sapagkat walang tunay na basehan. Ang tawag natn dito ay VERTICAL at HORIZONTAL dimension of our faith. Sa taong ito ng pananampalataya, itukod natin ang ating buhay sa isang malalim na pagkilala sa Diyos. Mas mamahalin natin Siyang tunay kung Siya ay ating munang kilala. Idugtong naman natin dito ang ating paglilingkod sa kapwa sapagkat sa bawat pagtulong sa kapwang nangangailangan ay kabutihan na ginagawa natin sa Kanya. Ang ala-ala ng mga yumao ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon na habang tayo ay may buhay pa ay ipadama natin ang ating pagmamahal sa sa ating kapwa, maging mas matulungin, mas maalalahanin, mas mapang-unawa, mas mapagpatawad tayo sa isa't isa. Mahalin natin ang mga buhay at hindi lamang ang mga patay!
1 komento:
baka pwede po na yung specific naman ang tema ngayong november.
Mag-post ng isang Komento