Sabado, Nobyembre 17, 2012

DOOMSDAY 2012: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year B - Year of Faith - November 18, 2012

Noong isang taon ay may lumabas na propesiya na nagsasabing magugunaw na daw ang mundo sa December 21, 2012.  Ito raw ang araw na tinatawag na DOOMSDAY!  Hindi ka ba natatakot?  Kung bibilangin mo ang araw sa kalendaryo ay may tatlumpu't tatlong araw ka na lamang na nalalabi sa mundong ito! Kung hindi ka pa rin natatakot ay may isang dapat ka pang katakutan. Tatlumpu't anim  na araw na lang ay Pasko na!  May pera ka na ba?  Kung wala pa e dapat ka na sigurong mag-alala at manginig sa takot! hehehe...  Bakit nga ba kapag katapusan ng mundo ang pinag-uusapan ay natatakot tayo?  Ang sagot ay kapareho rin sa kung bakit natatakot ang mga taong walang pera sa paparating na Pasko... kasi hindi natin napaghandaan!  Ang sangkatutak na gastusin sa Pasko at ang mga isang pulutong na inaanak na susugod sa iyo ay nakakapangilabot.  Kaya naman marami sa mga ninong at ninang ay TnT (tago ng tago) kapag lumalapit na ang Pasko.  Ibig sabihin ang ating takot ay dahil sa kawalan o kakulangan natin sa paghahanda. Ano ba ang dapat na pananaw ng isang Kristiyano sa "katapusan ng mundo?"  Alam natin na ang buhay natin sa mundo ay may katapusan. Ngunit ang katapusang ito ay simula lamang ng ating magiging tunay na buhay. Ito ang tinatawag nating "Araw ng Paghuhukom"the time of reckoning, the day of justice... na kung saan ay gagantimpalaan ng Panginoon ang mga taong nanatiling tapat sa Kanya at paparusahan ang mga namuhay na masama. Kaya ang isang krisitiyano ay hindi dapat masiraan ng loob kung nakikita nating parang baliktad ata ang takbo ng mundo: na ang nagpapakabuti ay naghihirap at ang mga nagpapakasama ay gumiginhawa ang buhay! May katapusan ang lahat ng pagpapakasarap sa mundo. Hindi naman ata makaratarungan sa mga nagpapakabuti kung pareho lang ng mga masasama ang kanilang gantimpalang tatanggapin sa "huling araw". Ang hinihingi ng Panginoon ay ang ating pagtitiyaga kung paanong pinagtitiyagaan n'ya ang ating pagiging makasalanan. Wala tayong dapat ikatakot kung mabuti naman tayong namumuhay bilang mga Kristiyano. May isang batang naglalaro ng basketball at ng tanungin siya kung ano ang kanyang gagawin kung sa mga sandaling yaon ay magugunaw na ang mundo, ang kanyan sagot ay ito: "Ipagpapatuloy ko po ang paglalaro ko ng Basketball!" Nais lang sabihin ng bata na wala siyang dapat ikatakot sapagkat handa siya anumang oras siyang matagpuan ng oras ng paghuhukom. Kaya nga't wala tayong dapat katakutan sa araw at oras na iyon na kung saan ay susulitin ng Diyos ang ating buhay. Hindi Niya gawain ang manakot bagkus ang lagi niyang ginagawa ay magpaalala sa atin sa mga bagay na dapat nating pinaghahandaan at pinahahalagahan. Mahalaga ang ating buhay sa mundo. Mahalaga rin ang ating buhay na naghihintay sa kabila. Pareho natin silang bigyan ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng pamumuhay ng mabuti.


1 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...
Naalis ng isang administrator ng blog ang komentong ito.