Sabado, Nobyembre 24, 2012

AMALAYER? MAGPAKATOTOO KA! : Reflection for the Solemnity of Christ the King Year B - November 25, 2012 - Year of Faith

Napakaraming kinikilalang hari ngayong panahong ito.  Nangunguna na sa listahan ang Hari ng Boxing na walang iba kundi ang ating pambansang kamaong si Manny Pacquiao na nagpapatigil sa mundo sa tuwing siya ay aakyat ng boxing ring. Naririyan din ang tinanghal na Hari ng Komedya na walang iba kundi ang yumaong si Dolphy.  Siyempre hindi natin makakalimutan ang Hari ng Pelikulang Pilipinong si Da King Fernando Poe Jr. Pero hindi natin kinakailangang lumayo.  Dito sa ating lugar ay mayroon tayong "Asiong Salongga" na tinaguriang Hari ng Tundo!  Ano nga ba ang kakaiba sa mga taong ito at nabansagan silang hari?  Mula noon hanggang ngayon ang pamantayan pa rin ng mundo sa pagiging hari ay kasikatan, kayamanan at kapangyarihan!  Kaya nga't napakahirap kay Pilatong tanggapin si Jesus bilang hari sapagkat wala sa kanya ang tatlong ito.  "Ikaw ba ang hari ng mga Judio?"  Ang tanong ni Pilato kay Jesus.  Ngunit hindi lamang si Pilato. Maging ang mga Judiong nagdala sa kanya ay hindi matanggap na siya ang hinihintay nilang Mesias o tagapagligtas.  Ngunit totoong hari si Jesus.  Yun lang nga ay iba ang kanyang paghahari sapagkat ang Kanyang kaharian ay wala sa mundong ito. “Kayo na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig  ang sinumang nasa katotohanan.” ang sagot ni Jesus sa tanong ni Pilato.  Si Jesus ay Hari ng Katotohanan!  Ibig sabihin si Jesus ay naparito upang maging saksi sa katotohanan at anyayahan ang taong pumanig sa katotohan.  Nitong mga nagdaang araw ay sumikat ang katagang AMALAYER!  Hango ito sa salitang binitiwan ng isang dalaga sa MRT na pasigaw na bumubulyaw sa isang security guard ng "I'm a liar?  I'm a liar?"  Nakakalungkot aminin na tayong lahat ay may AMALAYER sa ating sarili.  Lahat tayo ay may kasinungalingang taglay sapagkat hirap tayong tanggapin ang katotohan sa ating buhay.  Nangunguna na d'yan ang katotohanang dapat tayong magbago, na dapat nating tanggalin ang ating nakagawiang masamang pag-uugali. Ang pinakamahirap gawin ay aminin natin sa ating sarili na mayroon tayong pagkakamali.  Walang pagbabago kung walang pag-amin o pagiging totoo sa ating sarili.  Ang demonyo ang hari ng kasinungalingan.  Siya ang tunay na AMALAYER!  Ang kanyang pangunahing layunin ay ilayo tayo a Katotohanan na walang iba kundi ang Diyos!  Ang ibig sabihin ng diyabolos sa Griego na kung saan ay hango ang salitang diablo ay "manloloko" o "deceiver!"  Sa tuwing tayo ay nabubuhay sa kasinungalingan ay nagiging tagasunod tayo ng demonyo.  Tandaan natin na kung saan umiiral ang katotohanan ay doon naghahari si Jesus.  Dalawang bagay ang maari nating gawin upang tayo ay pagharian Niya.  Una ay ang makinig sa Kanya sa pamamagitan ng isang malalim na buhay panalangin.  Magiging totoo tayo sa ating sarili kung marunong tayong magdasal.  Hindi ko tinutukoy ang mga sinaulo nating panalangin.  Ang panalangin ay hindi lang pagdarasal gamit ang bibig.  Ito rin ay pagdarasal gamit ang pandinig. Pakinggan mo ang binubulong ng Diyos sa katahimikan ng iyong puso.  Pangalawa ay ang pagsunod sa ating budhi o pagkakaroon ng tuwid na konsiyensiya.  Nakikinig tayo sa ating konsiyensiya kung sinusunod natin ang tama at totoo.  Gamitin natn ito sa ating pagdedesisyon, sa pakikinig sa mga "moral issues", sa paghimay sa mga araw-araw na pangyayari sa ating lipunan, sa paggamit ng mass media tulad ng TV, radio, internet.  Napakagandang mabuhay sa mundo na walang pandaraya, panlalamang at kasinungalingan.  Ang mundong pinaghaharian ng Diyos ay mundong nabubuhay sa katotohanan.  Magpakatotoo ka!   



Walang komento: