Sabado, Nobyembre 10, 2012

TAOS-PUSONG PAGBIBIGAY: Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year B - Year of Faith - November 11, 2012

Lahat ba ng pagbibigay ay pagakakawang-gawa?  Minsan may isang pulubi na nagdarasal sa likod ng simbahan. Siya ay umiiyak at humihingi ng tulong sa Diyos. "Panginoon, sana  naman po ay bigyan mo ako ng limandaang piso upang ipambili ng gamot sa aking amang may sakit.  Mahal na mahal ko po siya.  Huwang Mo sana kaming pabayaan!"  Narinig siya ng isang pulis na nagkataong nagdarasal din sa likod.  Naawa ang pulis sa kanya at dumukot ng pera sa kanyang wallet.  Nagkataong dalawang daan lang ang kanyang cash sa wallet ngunit minabuti niyang ibigay na rin ito sa pag-iisip na kahit papaano ay makakatulong din sa kaawa-awang bata.  Laking gulat ng bata ng iniabot sa kanya ng pulis ang dalawang daang piso.  Tiningnan niya ang pulis mula ulo hanggang paa at muling nagdasal: "Panginoon, maraming salamat po. Ang bilis niyo namang sumagot, parang 'Express-padala!'  Pero sana next time, 'wag n'yo sanang ipaabot kay mamang pulis.  Ayun, nagkulang tuloy ng tatlong daan!"  hehehe...  Bakit nga ba kapag may nagbigay sa atin ay agad-agad nating tinitingnan kung sino ang nagbigay?  Kasi nga naman hindi lahat ng pagbibigay ay tunay na pagkakawang-gawa!  Tandaan natin na hindi nasusukat ng laki ng halagang ibinigay ang kabutihan ng taong nag-abot nito. Tingnan ninyo ang ibang pulitiko, malapit na naman ang eleksiyon, siguradong marami ang magpapamudmod ng pera.  Ang intensiyon nila ay hindi para makatulong kundi upang makabili ng boto ng mga taong mahihirap. At saan ba nanggaling ang perang ipinamimigay nila?  Hindi ba sa buwis din ng mga mahihirap?  O kaya naman, dahil malapit na naman ang Pasko, marami na naman ang magpapakain sa mga bata, mamimigay ng nga laruan at ibang kagamitan, mamimigay ng pera.  Ang tanong ano ba ang kanilang ibinibigay?  Baka naman "mumo" lang ng kanilang kayamanan.  Baka naman mga damit, gamit o damit na pinaglumaan na halos hindi na magamit ng taong tatanggap.  Ibig sabihin, hindi lahat ng pagtulong ay pagkakawang-gawa!  Ano ba ang tunay na pagbibigay?  May sagot si Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo.  Bakit kinalugdan ni Jesus ang babaeng dukhang balo sa talinhaga?  “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”  Ang tunay na pagbibigay ay nanggagaling hindi sa kamay kundi sa puso!  Hindi ang laki ng halaga kundi ang laki ng puso ang sukatan ng tunay na pagbibigay!  Ito ay ipinakita mismo ni Jesus ng ibinigay Niya ang kanyang sarili sa krus upang mailigtas tayong mga makasalanan.  Ito ay patuloy niyang ipinapakita sa bawat pagdiriwang ng Eukaristiya na kung saan sa anyong tinapay at alak ay ibinibigay ni Jesus ang Kanyang sarili sa atin bilang pagkain ng ating kaluluwa.  Ito'y patuloy niyang ipinadarama sa atin sa pamamagitan ng maraming taong taos sa puso ang pagtulong sa mga mahihirap.  Taos sa puso ba ang aking pagbibigay?  Mararamdaman natin ito kung may kahalong sakit ang ating ginawang pagtulong sapagkat ang tunay na pagbibigay ay may kasamang sakripisyo.  Masasaktan ka kung tunay kang nagbibigay sapagkat may nawawala sa iyo sa bawat pagbibigay mo.  At dahil ang pagbibigay ay isang sakripisyo, ito ay nagpapaging-banal sa mga taong naghahandog nito.  Bakit hndi mo subukang taos-pusong magbigay?  Pagbibigay ng oras sa iyong asawa at mga anak, paglalaan ng oras ng mga anak para sa kanilang magulang, pagtulong sa isang kaibigang may problema, ay ilan lamang sa pagbibigay na hindi nangangailan ng salapi.  At bakit hindi, kung mayroon kang kakayahan, tumulong ka sa mga mahihirap o nasalanta ng kalamidad, makibahagi sa mga proyekto ng Simbahan para sa mahihirap. Mag-abuloy sa simbahan.  Napakaraming paraan para makatulong sa kapwang nangangailangan. Kailan ka huling nagbigay na nasaktan ka dahil may ibinahagi ka na nagmumula sa iyong sarili?  Magandang pagnilayan natin ito. Baka mababaw pa rin ang ating motibo sa pagtulong. Baka kailangan pa ring salain ang ating motibasyon at intensiyon kapag tayo'y nagbibigay. Ang sabi nga ni Mother Teresa ng Calcutta na tinaguriang "living saint" noong siya ay nabubuhay pa, "We love and love until it hurts... until we realize and feel that there is no more hurt but love..."










Walang komento: