Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Disyembre 30, 2012
PAMILYANG BANAL PAMILYANG MARANGAL : Reflection for Feast of the Holy Family Year C - December 30, 2012 - Year of Faith
Nagkaroon ng survey nitong nakaraang mga taon tungkol sa phenomenon ng mga isinisilang na "kambal". Nagtataka sila kasi kung bakit marami ang ipinapanganak na kambal. "Bakit kaya?" ang kanilang tanong. Maraming theorya nang lumabas ngunit kakaiba ang isang sagot na ibinigay: "Dahil takot ang batang isilang na mag-isa sa mundo!" Marahil ay hindi siyentipiko ang kasagutan ngunit kung pag-iisipan ay may katwiran at malalim na kahulugan... sa dami ng problemang bumabagabag sa bawat pamilya ngayon ay parang nakakatakot nang isilang sa mundo na mag-isa! Tingnan na lamang natin kung anung uring mundo mayroon tayo. Mahirap mang tanggapin ang katotohanan ngunit tama ang sinabi ng ating namayapang butihing Santo Papa Juan Pablo II na laganap na sa ang ating mundo ang "kultura ng kamatayan". Huwag na tayong magpatumpik-tumpik pa. Mainit pa rin ngayon at sa palagay ko ay hindi pa rin mamanatay ang usapin ng RH Bill na sa huling balita ay pinirmahan na ng pangulo at ngayon ay isa ng ganap na batas. Nakakalungkot sapagkat marami ang pumirma at sumang-ayon sa pagpasok ng "kultura ng kamatayan" sa ating bansa. Ngayong legal na ang paggamit ng contraceptive medicines, maraming sanggol ang hindi na makasisilay ng liwanag ng mundong ito. Mapalad kang nagbabasa nito at humihinga ka pa. May mga batang bago pa lamang isisilang ay pagakakaitan na ng buhay. Nakakatakot ang kahihinbatnan ng pagsasabatas nito. Para itong isang "Trojan Horse" na parang isang malaking regalo na ang kapalit pala ay kaahamakan sa hinaharap. Tingnan ninyo ang takbo ng pag-iisip ng ilang sa nagsabatas nito, "divorce" naman daw ang kanilang issusunod na tatalakayin. Siguro sa susunod ay "abortion" naman o "Euthanasia" naman ang isasabatas. At higit na nakakatakot ay ag paglaganap ng "sexual promiscuity" lalo na sa mga kabataan. Ang pagtuturo ng sex education ay hindi sapat upang hindi ito lumaganap sapagkat bale wala ang kaalaman kung ang kultura naman o gawi ng pamumuhay ay walang paggalang sa buhay ng tao. Talagang nakakatakot ng ipanganak sa mundong ito. Idagdag pa natin ang maraming disfunctional families, kahirapan ng pamumuhay, pagsasamantala sa karapatan ng mga bata, at marami pang ibang sulirin na direktang tinatamaan ang buhay-pamilya. Inuulit ko... nakakatakot talaga na isilang sa mundo ngayon! Kaya nga't natataon na tinatapos natin ang taong ito sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose. Pinapaalala sa atin kung "ano dapat maging" ang isang pamilya. Ginawang banal ng Diyos ang bawat pamilya noong siya ay magkatawang tao... at pinabanal pa niya ito nang pinili niyang mabuhay sa loob ng isang pamilya. Hindi sapagkat "holy family" ay perpekto na! Kahit ang Banal na Pamilya ay nakaranas ng sakit at pagkukulang. Sa ebanghelyo ngayon ay makikita natin ang pagkawala ng batang Jesus sa templo. Tatlong araw na "humiwalay" si Jesus sa kanyang mga magulang. Siguradong nagdulot ito ng takot at pangamba sa kanila. At ng matagpuan nila si Jesus sa templo na kausap ang mga guro ay sila pa ang napagsabihan! Kaya nga't makikita natin na bilang tao, may taglay ding kakulangan ang Banal na Pamilya. Ngunit ang isang katangian ng banal na pamilya ay ang marunong itong magmahal sa kabila ng maraming pagkukulang ng bawat isa. Ito ang maaari nating mapulot sa Banal na Mag-anak. Sila ay Banal sapagkat sila ay nagmamahalan sa kabila ng kanilang pagkukulang. Minamahal ko rin ba ang pamilyang kinabibilangan ko? Ano ang magagawa ko pa upang maitaguyod ang aking sariling pamilya? Paano ko mapupunuan ang pagkukulang ng bawat isa sa amin? Tularan natin ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose! Hingin din natin ang pamamgitan ng Banal na Pamilya upang mapanatili ang mga pinahahalagahan (moral values) ng ating pamilyang Pilipino; na sa kabila ng pagpasok ng "kultura ng kamatayan" ay mapanatili pa rin ang karangalan at kabanalan ng tao. Sapagkat ang PAMILYANG BANAL AY PAMILYANG MARANGAL!
Martes, Disyembre 25, 2012
SALITANG NAGKATAWANG-TAO: Reflection for the Solemnity of Christmas Year C - December 25, 2012 - Year of Faith
Maligayang Pagkakatawang-tao ng "Verbo" sa inyong lahat! Kakaibang pagbati di ba? Nakakasawa na kasi ang pagbating "Maligayang Pasko" o "Merry Christmas!" Kaya't ibahin naman natin "for a change" ika nga! Ngunit kung ating titingnan ay ito naman talaga ang kahulugan ng Pasko. Ang pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos na ang tawag din natin ay "the mystery of Incarnation." Sa Misa ng araw tuwing Pasko ay laging ipinaalala sa atin ng Ebanghelyo ang katotohanang ito. "Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos... Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin." Ito ang pahayag ni San Juan sa pasimula ng kanyang Ebanghelyo. Ang Salita na Diyos ay nagkatawang-tao. Mahirap maunawaan ang katotohanang ito! May kuwento na minsan ay may lalaking nagdasal sa Panginoon sapagkat nagkandamamatay ang kanyang mga alagang baboy. Ito pa naman ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya kaya't nagsumamo siya sa Diyos na iligtas ang kanyang mga baboy sa kamatayan. Sumagot naman ang Diyos at sinabing: "Sige, bukas na bukas din ay gagaling ang iyong mga alagang baboy ngunit may isang kundisyon, bukas pagkagising mo ay makikita mo ang iyong sarili sa kulungan ng mga baboy. Kasama ka nilang kakain, matutulog at magpapagulong-gulong sa kanilang dumi, sa madaling salita... magiging baboy ka rin!" Napaisip ang lalaki at pagkatapos ng ilang sandali ay nagdasal: "Lord, kunin mo na lang ang mga baboy ko!" hehehe... Ikaw kaya ang malagay sa kanyang sitwasyon, papayag ka ba na maging baboy? Kung ating iisipin ang tao at baboy ay parehong hayop. Mas mataas lang ang tao sapagkat siya ay hayop na nag-iisip! Tanggalin mo ang kanyang kakayahang mag-isip at mag-aasal hayop siya! Kaya nga't hindi ganun ka-imposible ang tao na magiging baboy. Ngunti ang Diyos na maging tao ay hindi saklaw ng tamang pag-iisip. Paanong ang MANLILIKHA ay ibaba ang kanyang sarili at magiging isang nilikha? Tanging Diyos lang ang makapag-isip ng ganyan! Bakit ninais ng Diyos na maging isang nilikha sa kabila ng kanyang kadakilaan? Ang sabi ni San Juan ay ito... "Gayon na lamang ang PAG-IBIG ng DIYOS sa mundo kaya't ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak." (Jn 3:16) Kung gayon ay ito ang dahilan ng paggiging nilikha ng Diyos: dahil sa laki ng pagmamahal Niya sa ating mga makasalanan! Mga kapatid tuwing Pasko ay ipinaaalala ng Diyos sa atin ang kanyang dakilang regalo: ang kanyang bugtong na anak... si Jesus na nagkatawang-tao! Ano naman ang regalo ko sa kanya? Kung ang Diyos ay nagsakripisyo para sa akin ay nararapat lang siguro na ako rin ay magsakripisyo para Kanya. Ang kanyang katapatan ay dapat ko ring suklian ng katapatan, ang kanyang pagmamahal ng aking pagmamahal. May nagawa na ba akong kabutihan sa aking kapwa ngayong Pasko? Naglaan ba ako ng oras sa aking pamilya upang makapiling sila ngayong Kapaskuhan? Binati ko na ba ang mga taong may sama ako ng loob? Nagpatawad na ba ako sa mga nagkasala sa akin? Ang Salitang nagkatawang-tao ay humahamon sa atin na gawin nating makatotohan ang ating pagmamahal. Ipakita sa gawa ang pagkakatawang-tao ng Salita!
Sabado, Disyembre 22, 2012
AMBASSADORS OF JOY: Reflection for 4th Sunday of Advent Year C - December 23, 2012 - Year of Faith
Ano ba ang kaibahan ng MILAGRO sa MISTERYO? Kapag nabuntis ang babaeng kuwarenta anyos (80 years old) ang tawag ay MILAGRO. Pero kapag nabuntis naman ang disiotso anyos (18 years old) na dalaga, ang tawag ay MISTERYO! hehehe... Sa ating Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Adbiyento ay narinig natin ang pagtatagpo ng isang milagro at isang misteryo. Ang pagkabuntis ni Elizabeth, sa kabila ng kanyang katadaan ay isang milagro para sa kanyang mga kamag-anak, kapitbahay at kakilala. Ang pagdadalantao ni Maria ay naman ay balot ng misteryo para sa kanyang asawang si Jose. Ano ang nangyari ng magtapo ang milagro at misteryo? Isang kaligayahang hindi maipaliwanag ang naghari kay Elizabeth kaya't kanyang naibulalas: "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!" Banal na kaligayahan ang dala ni Maria sa pagbisita niya sa kanyang pinsan. Sa katunayan maging ang sanggol sa sinapupunan ni Elizabeth ay naglulukso sa tuwa ng madama ang presensiya ng Panginoon. Tayong lahat din, bilang mga Kristiyano, tinatawag na maging tagapagdala ng kaligayahan sa ating kapwa. Tayo ay dapat maging "Ambassadors of Joy" sa mga taong ating nakakatagpo araw-araw. Naghahatid ka ba ng kaligayahan sa mga kasama mo sa bahay? O baka naman sa halip na kaligayahan ay dahilan ka pa ng pag-aalitan at hindi pagkakaunawaan sa iyong pamilya? Ano ang dating mo sa mga taong nakakasalimuha mo araw-araw? Napapangiti mo ba sila o napapasimangot sila sa tuwing makakasalubong mo? Ang tagapagdala ng kaligayahan ay dapat lang na maging tagapaghatid din ng pag-asa! Pag-asa sa mga taong nalulumbay, pag-asa sa mga taong nabibigatan sa buhay, pag-asa sa mga taong biktima ng kahirapan at kasalatan! Nitong nakaraaang mga araw ay saksi tayo sa maraming taong naghirap dala ng bagyong Pablo. Kung minsan naitatanong ko sa aking sarili ang kahalagahan ng pagbibigay ng relief goods na kung titingnan ay kakarampot lang naman at hindi naman talaga ganoon kalaki ang halaga, simpleng bigas, delata, noodles, tubig, kumot at damit. Ngunit naunawaan ko na hindi lang "relief goods" ang natatanggap nila. Kasama ng mga ito ay ang PAG-ASA na dala-dala ng mga taong nagbabahagi ng kanilang oras at ng kanilang kaunting nakayanan para sa kanilang nangangailangan. Ang dala-dala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan ay ang PAG-ASA ng sanlibutang nasadlak sa kadiliman. Pag-asa na nagbibigay ng tunay na KALIGAYAHAN! Magiging masaya ang ating Pasko kung dadalhin din natin si Kristo sa iba. Ibahagi natin ang liwanag ni Kristo. Pasayahin natin ang ating kapwa tao!
Sabado, Disyembre 15, 2012
MAGALAK! : Reflection for 3rd Sunday of Advent Year C - December 16, 2012 - Year of Faith
Minsan, sa isang klase ng "homiletics" (kung saan ay pina-aaralan naming mga pari kung paano magbigay ng homily) ay sinabi ng isang propesor. "Kapag kayo'y nagtuturo tungkol sa langit, hayaan ninyong magliwanag ang inyong mga mukha! Ipakita ninyong kayo ay masaya! Kung kayo naman ay nagtuturo tungkol sa impiyerno... ay sapat na ang pagmumukha ninyo ngayon!"hehehe... Ano ba ang pagmumukha mo ngayon? Langit ba o impiyerno? May ilang nagsasabing ang relihiyon daw natin ay isang "malungkot na relihiyon." Kapag naging seryosong Kristiyano ka raw ay marami na ang bawal na dapat mong iwasan. Bawal na ang alak, babae, sugal at iba pang masasamang bisyo! Totoo nga naman! Kung seryoso ka sa pagiging Kristiyano mo ay dapat mong iwanan at iwasan ang mga ito. Pero hindi ibig sabihin na dapat kang maging malungkot! Ang sinasabing kasiyahan na dulot ng mga bisyo at makamundong bagay ay panandalian lamang. Kaya nga't kung tunay na kaligayahan ang hanap mo ay hindi mo matatagpuan sa mga inaalok sa iyo ng mundo. Ang tunay na kaligayahan ay sa Diyos lamang matatagpuan. Kaya nga't ang panawagan sa ikatlong Linggo ng ating paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ay: "Magalak kayong lagi sa Panginoon!" Ang kasiyahan ng Pasko ay wala sa magagarang dekorasyon, masarap na noche buena o maingay na pagdiriwang. Ang kasiyahan ng Pasko ay matatagpuan lamang kay Kristo! Kaya't wag kang mangamba kung labindalawang araw na lang ay wala pang laman ang iyong bulsa. 'Wag kang matakot kung wala ka pa ring regalong naihahanda. Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay!" Ano ang dahilan dapat ng hindi natin pagkabalisa? Sinagot ito ni Propera Zofonias sa unang pagbasa: “Huwag kang matakot, Sion; huwag manghina ang iyong loob. Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos..." At ano ang dapat nating gawin upang maipakitang ang Diyos nga ay nasa ating piliing? Maipapapakita natin ito sa paggawa ng kabutihan at pamumuhay na makatarungan. Mamuhay tayo bilang mga tunay na Kristiyano. Pangatawanan natin ang pagtataglay ng pangalan ni Kristo. Praktikal ang mga salitang binitawan ni Hesus sa Ebanghelyo: “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin... Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo!" Dito nakasasalalay ang tunay na kasiyahan ng Pasko. May isang text akong natanggap: "Sa mga friends ko na hindi umiinom, nagyoyosi, nagbibisyo. Mabubuhay kang malungkot. Patay na kaming lahat... buhay ka pa! " Hindi naman ganoon kasaklap ang mabuhay ng mabuti . Ang masayang pamumuhay ay wala sa gawaing masasama. Ang masayang pamumuhay ay pamumuhay kasama ni Kristo! Kaya nga ang panawagan sa atin: "Magalak kayong lagi sa Panginoon, inuulit ko, MAGALAK KAYO!"
Sabado, Disyembre 8, 2012
PAGKATALO: Reflection for the 2nd Sunday of Advent Year C - December 9, 2012 - Year of the Faith
Mahirap tanggapin ang isang pangyayari na hindi pinaghandaan. Mabigat sa kalooban kapag nangyari ang isang bagay na hindi mo inaasahan. Ganyan naman talaga ang kalakaran sa buhay. Ang isang nanay na asang-asa na gagraduate ang kanyang anak at pagkatapos ay mababalitaan na lang na buntis ito at di na makapagpapatuloy sa pag-aaral ay nakapanlulumo. Hindi kasi iyon ang kanyang inaasahang dapat mangyari. Katulad din ng pagkatalo ni Manny Paquiao laban kay Marquez sa ikaapat nilang paghaharap. Siguradong marami ang nanlumo at nasa "state of shock" kung tawagin sa ingles sapagkat hindi iyon ang inaasahang dapat na mangyari. Masyado kasi tayong naging kumpiyansa na mananalo siya. Masyado tayong umasa na di matitinag ang ating pambansang kamao. Hindi natin pinaghandaan ang masamang pangitain na siya ay matatalo! Talagang mahirap ang pagtanggap kapag walang paghahanda. Ang ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nag-aanyaya sa ating MAGHANDA! “Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: 'Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas! Tatambakan ang bawat lambak, at titibagin ang bawat burol at bundok. Tutuwirin ang daang liku-liko, at papatagin ang daang baku-bako. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos! ' Maaaring ang mga mga lambak ay ang kakulangan natin sa ating pagiging mabuting Kristiyano. Kasama dito ang patuloy nating paggawa ng kasalana at masamang pag-uugali na sumisira sa ating mabuting pagkatao . Ang mga burol at bundok naman ay ang ating kayabangan na nagiging sanhi ng ating pagkakasala at pagiging bingi sa panawagan ng Diyos na magbalik-loob at magsisi. Ang daang bako-bako ay ang maraming makamundong alalahanin na nagiging sagabal upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap ng Diyos. Ang liko-likong landas ay ang mga maling pagdedesisyon na kalimitan ay pansariling kapakanan ang inuuna kaysa kapakanan ng iba. Marami tayong dapat ayusin sa ating sarili kung nais nating maging masaya at makahulugan ang ating paghahanda sa darating na Pasko. Habang ginagawa ko ang pagninilay na ito ay parang karayom na sinusundot-sundot pa rin ng pagkatalo ni Pacquaio ang aking kalooban sapagkat isa ako sa mga hindi makatanggap ng kanyang pagkatalo. Isa rin ako sa mga hindi naging handa. Ganito siguro ang mangyayari kung bibiglain ako ng pagdating ng Panginoon at hindi ko ito napaghandaan. Ang Adbiyento ay hindi lamang paghihintay natin sa Panginoon darating. Higit sa lahat, ito ay ang paghihintay ng Diyos sa atin na patuloy na dumarating sa ating buhay. Kaya nga ang panawagan ni San Pablo sa mga taga-Filipos ay panawagan Niya rin sa atin: "Mag-ibayo ang inyong pag-ibig at masangkapan ng malinaw na pagkilala at malawak na pagkaunawa upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat bagay!" At sino ba ang pinakamahalaga sa lahat kundi ang Diyos na patuloy na dumarating sa ating piling? Paghandaan mo ang kanyang pagdating at hindi ka magsisisi sa huli. Maging kumpiyansa ka at magugulat ka na lang sa kahihinatnan ng pagpapabaya mo. Tandaan mo... masakit harapin at tanggapin ang pagkatalo. Ngunit mas mahirap tanggapin na hindi mo pinaghandaan ang pagkatalo mo.
Sabado, Disyembre 1, 2012
MARANATHA! : Reflection for 1st Sunday of Advent Year C - YEAR OF FAITH - December 2, 2012
Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay inilalaan nating panahon para "paghandaan" ang pagdating ni Jesus. Tatlong uri ang pagdating na ito na na nag-aanyaya sa ating maghanda: Una ay ang kanyang unang pagdating noong Siya ay nagkatawang tao na ginugunita natin tuwing Pasko. Ikalawa ay ang kanyang patuloy na pagdating sa ating piling sa misteryosong paraan katulad ng pagtanggap ng mga Sakramento at paggawa ng kabutihan sa kapwa. At ikatlo ay ang kanyang muling pagdating na hindi natin alam kung kailan ang araw at oras; at sa pagdating na ito ay huhusgahan Niya tayo ayon sa kabutihang ating ipinakita noong tayo ay nabubuhay pa. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party. Siguro kailangan ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa isang masaya at makahulugang Pasko. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin. Si San Pablo ay nagpapaalala sa atin: "Kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus."Sa Ebanghelyo naman ay pinapaalalahanan tayo ni Hesus: "Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa loob at wala sa labas: Tanggalin ang masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Ang Taon ng Pananampalatay ay nag-aayaya sa 'tin ng tatlong uri ng paghahanda ayon sa Kanyang tatlong uri ng pagdating; Una, ay ang "muling pagtanggap" kay Jesus na una na nating tinanggap noong tayo ay bininyagan. Ikawala ay ang "bukas-pusong pagtanggap" sa kanyang araw-araw na pagdating sa ating piling. At pangatlo ay ang ating "handang pagtanggap" na kung saan ay susulitin Niya tayo sa ating mga ginawang kabutihan o kasamaan. Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Hindi tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Nararapat lang sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo nating pagninilayan ang katangi-tanging presensiya ni Jesus sa ating buhay. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating siimbahan bagkus magsilbing paalala sa atin na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. MARANATHA! Halina Hesus! Manatili ka sa aming piling!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)