Sabado, Disyembre 8, 2012

PAGKATALO: Reflection for the 2nd Sunday of Advent Year C - December 9, 2012 - Year of the Faith

Mahirap tanggapin ang isang pangyayari na hindi pinaghandaan.  Mabigat sa kalooban kapag nangyari ang isang bagay na hindi mo inaasahan.  Ganyan naman talaga ang kalakaran sa buhay.  Ang isang nanay na asang-asa na gagraduate ang kanyang anak at pagkatapos ay mababalitaan na lang na buntis ito at di na makapagpapatuloy sa pag-aaral ay nakapanlulumo.  Hindi kasi iyon ang kanyang inaasahang dapat mangyari.  Katulad din ng pagkatalo ni Manny Paquiao laban kay Marquez sa ikaapat nilang paghaharap.  Siguradong marami ang nanlumo at nasa "state of shock"  kung tawagin sa ingles sapagkat hindi iyon ang inaasahang dapat na mangyari.  Masyado kasi tayong naging kumpiyansa na mananalo siya.  Masyado tayong umasa na di matitinag ang ating pambansang kamao.  Hindi natin pinaghandaan ang masamang pangitain na siya ay matatalo!  Talagang mahirap ang pagtanggap kapag walang paghahanda.  Ang ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nag-aanyaya sa ating MAGHANDA!  “Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: 'Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas! Tatambakan ang bawat lambak, at titibagin ang bawat burol at bundok. Tutuwirin ang daang liku-liko, at papatagin ang daang baku-bako. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos! ' Maaaring ang mga mga lambak ay ang kakulangan natin sa ating pagiging mabuting Kristiyano. Kasama dito ang patuloy nating paggawa ng kasalana at masamang pag-uugali na sumisira sa ating mabuting pagkatao .  Ang mga burol at bundok naman ay ang ating kayabangan na nagiging sanhi ng ating pagkakasala at pagiging bingi sa panawagan ng Diyos na magbalik-loob at magsisi. Ang daang bako-bako ay ang maraming makamundong alalahanin na nagiging sagabal upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap ng Diyos. Ang liko-likong landas ay ang mga maling pagdedesisyon na kalimitan ay pansariling kapakanan ang inuuna kaysa kapakanan ng iba.   Marami tayong dapat ayusin sa ating sarili kung nais nating maging masaya at makahulugan ang ating paghahanda sa darating na Pasko.   Habang ginagawa ko ang pagninilay na ito ay parang karayom na sinusundot-sundot pa rin ng pagkatalo ni Pacquaio ang aking kalooban sapagkat isa ako sa mga hindi makatanggap ng kanyang pagkatalo.  Isa rin ako sa mga hindi naging handa. Ganito siguro ang mangyayari kung bibiglain ako ng pagdating ng Panginoon at hindi ko ito napaghandaan.  Ang Adbiyento ay hindi lamang paghihintay natin sa Panginoon darating.  Higit sa lahat, ito ay ang paghihintay ng Diyos sa atin na patuloy na dumarating sa ating buhay.  Kaya nga ang panawagan ni San Pablo sa mga taga-Filipos ay panawagan Niya rin sa atin: "Mag-ibayo ang inyong pag-ibig at masangkapan ng malinaw na pagkilala at malawak na pagkaunawa upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat bagay!"  At sino ba ang pinakamahalaga sa lahat kundi ang Diyos na patuloy na dumarating sa ating piling?  Paghandaan mo ang kanyang pagdating at hindi ka magsisisi sa huli.  Maging kumpiyansa ka at magugulat ka na lang sa kahihinatnan ng pagpapabaya mo. Tandaan mo... masakit harapin at tanggapin ang pagkatalo.  Ngunit mas mahirap tanggapin na hindi mo pinaghandaan ang pagkatalo mo.  

Walang komento: