Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Huwebes, Enero 31, 2013
SAN JUAN BOSCO, AMA AT GURO NG MGA KABATAAN: Reflection for the Feast of St. John Bosco - January 31, 2013 - Year of Faith
Masusing proseso ang pinagdaraanan ng isang tao upang tanghaling santo. Dumaraan sa butas ng karayom ang isang kandidato bago niya makamit ang korona ng kabanalan. Kasama na rito ang mga pagharang ng mga "devil's advocates" (mga piniling obispo o mga experto) na hahanapan ng kakulangan at kamalian ang kandidato at maghahayag ng kanilang pagtutol. Isa sa mga inilatag na pagtutol kay Don Bosco ay ito: "Kailan nagdasal si Don Bosco? Masyado siyang abala sa kanyang mga kabataan kaya't marahil ay wala na siyang oras para magdasal!" Ang katanungang ito ay sinagot din ng isang katanungan: "Kailan hindi nagdasal si Don Bosco?" Tama nga naman sapagkat para kay Don Bosco ang lahat ng kanyang gawain para sa mga kabataan ay isang malaking panalangin na bawat sandali ay iniaalay niya sa Diyos! Ang pananampalataya ni San Juan Bosco ay hindi lamang niya ipinakita sa dami at haba ng kanyang mga panalangin ngunit higit sa lahat ito ay ipinhayag niya sa matapat at masusing pagtupad sa kalooban ng Diyos. Sa pagdiriwang ng Taon ng Pananampalataya ay inaanyayahan tayong panibaguhin, palalimin at isabuhay ang ating pananampalataya. Ang pananampalataya ay hindi lang paniniwala at pagtitiwala. Higit sa lahat ito ay PAGSUNOD sa kalooban ng Diyos. Hindi lang ito paniniwala na may Diyos na makapangyarihan na kayang gawin ang lahat para sa atin. Hindi lang ito pagtitiwala o sentimiyentong pang-unawa na tayo ay mahal ng Diyos at hindi Niya tayo pababayaan. Ito ay pagsunod na sa kabila ng kakulangan ng ating pang-unawa ay sinasabi nating "maganap nawa sa akin ayon sa kalooban Mo!" Ito ang pananampalatayang buhay na ipinakita ni San Juan Bosco sapul pa sa kanyang pagkabata nang una niyang matanggapa ang kanyang misyon na maging Ama at Guro ng mga Kabataan sa pamamagitan ng isang panaginip noong siya ay siyam na taong gulang. Ito'y isang buhay na pananampalatayang nagtulak sa kanya na sa kabila ng kahirapan ay maari siyang maging pari at magsimula ng kamangha-manghang gawain para sa mga kabataan. Ito ang buhay na pananampalatayang nagbigay daan upang itatag niya ang Kongregasyon ng mga Salesianong Pari at Madre at mga samahang laiko upang maging kanyang katuwang sa pag-aaruga sa mga kabataan. Ganito rin ba katatag ang aking pananampalataya? Baka naman mababaw ang aking pananampalataya na katulad ng mga "Katoliko-Sarado" na sara na ang isipan dahil sa mga tradisyong kanilang kinagisnan at mga ritwal na nakasanayan at hindi na matanggap ang anumang pagbabago upang mas lalo pang mapalalim ang kanilang papanalig sa Diyos? "O San Juan Bosco, guro at ama ng mga kabataan, bigyan mo kami ng bukas na isipan. Bigyan mo kami ng pananampalatayang buhay na laging handang sumunod sa kalooban mo. At pagkatapos ng aming paglalakbay dito sa lupa kami'y hintayin mo sa kalangitan.."
Sabado, Enero 26, 2013
B.I.B.L.E. - Basic Information Before Leaving Earth: Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year C - January 20, 2012 - Bible Sunday and Year of Faith
Isang barbero na naging "Bible Christian" ang nakaisip na ipalaganap sa kanyang mga "customers" ang Salita ng Diyos sa Bibliya. Masyado siyang na-inspire sa mga pangangaral na kanyang narinig kaya't naisip niya na gamitin ang kanyang propesyon bilang barbero upang magbahagi ng mga aral tungkol sa Diyos sa halip na "kuwentong barbero" ang pinag-uusapan nila ng kanyag mga parokyano habang nagpapagupit,. Kaya't winika niya sa Panginoon: "Lord, kung sino man ang unang papasok sa aking barberya ay pangangaralan ko ng iyong Salita." Nagkataong may pumasok agad na isang lalaki at nagsabing gusto niyang magpaahit. "Yes sir, saglit ng po!" At pumasok saglit sa kanyang silid ang barbero at nagdasal muli. "Lord, ito na ang pagkakataong ibinigay mo. Ipapangaral ko na ang iyong Salita!" Lumabas ang barbero tangan-tangan ang labaha sa kanang kamay at ang Bibliya sa kaliwa. Hinarap ang customer at buong sigasig na nagsalita: "Kapatid... handan ka na bang mamatay?" At kumaripas ng takbo ang customer... hehe. Ano nga ba ang Bibliya? Ang sagot ng isang bata ay napaksimple pero makahulugan. Ang B.I.B.L.E. daw ay: Basic Information Before Leaving Earth! (Tama pala ang barbero na nasa kanang kamay ang labaha at kaliwa naman ang Bibliya!) Tunay nga naman na dapat bago lisanin ang mundo ay nabasa natin ang Bibliya. Sapagkat ang Bibliya ay hindi lamang aklat na naglalaman ng Salita ng Diyos. Ito ay naglalaman din ng Kanyang kalooban para sa ating lahat. Ito ay gabay para sa ating pamumuhay bilang mga Kristiyano. Kaya nga't nakakalungkot isipin na lilisanin mo ang mundong ito na hindi man lamang nabuklat ang Bibliya at hindi mo nabasa ang Kanyang salita. Ang ikatlong Linggo ng Enero ay inilalaan upang paalalahanan tayo ng kahalagahan ng Kanyang Salita sa pagdiriwang ng Bible Sunday. Ano ba ang mga maari nating gawin upang mapahalagahan ang Salita ng Diyos? Ngayong Taon ng Pananampalataya ay marami tayong maaring gawin. Una, dumalo sa Misa at makinig ng mabuti sa mga Salita ng Diyos na binabasa sa atin at ipinaliliwanag. Baka naman nakatapos ka ng Misa na hindi mo maalaala ang mga pagbasa at ang paliwanag ng pari? Pangalawa, magbasa ng Bibliya araw-araw. Imposible ito kung wala kang sipi ng Bibliya . Kung nakakaya mong bumili ng mamahahiling gadgets at ibang kagamitan at walang dahilan para hindi ka makabili ng aklat na ito. Pangatlo, pag-aralan ang Salita ng Diyos sa pagdalo sa mga Bible Study o Bible Sharing na ginagawa sa inyong Parokya. (Hindi sa mga Born-Again groups). Kailangang pag-aralan ang Kanyang Salita sapagkat nagtataglay ito ng mga katotohanan ng ating Pananampalataya. Ang mga pagbasa natin sa Linggong ito ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon. Sa unang pagbasa ay narinig natin kung paano naantig ang damdamin ng mga Israelita ng marinig nila ang Salita ng Diyos. Napaluha pa nga sila dahil sa nakaligtaan nila ito ng matagal. Sa Ebanghelyo ay narinig natin si Jesus na inako ang karapatan na ipahayag ang Salita ng Diyos sapagkat siya mismo ang katuparan nito. Nawa ay maisapuso natin ang tunay na pagmamahal sa Salita ng Diyos. Basahin. pagnilyan. dasalin at isabuhay natin ang Kanynag Salita. Kapag nagawa natin ito ay masasabi nating handang-handa na tayo para sa buhay sa kabila. Tunay na ang Bibliya ay "Basic Information Before Leaving Earth!"
Biyernes, Enero 18, 2013
MAGING BATA: Reflection for the Feast of the Sto. Nino Year C - January 20, 2013
May joke sa isang text: A woman gave birth to an ugly child. She said: "What a lovely and beautiful child... He's a treasure!" The husband said: "Yeah... let's bury him!" hehehe... Hindi siguro ito totoo sa ating kultura. Tayong mga Pilipino ay likas na mapagmahal sa mga bata. Magaang ang ating loob sa kanila. Kaya nga't hindi nakakagulat na isa tayo sa bansang napakarami ang populasyon. Kaya nga't kataka-takang naipasa ang RH Bill na naglalayong pababain ang bilang ng mga batang ipinapanganak. Taliwas ito sa ating kulturang Pilipino. Mas maraming anak... mas masaya! Bahala na kung papaano sila papakainin at bubuhayin! Minsan napanood ko sa isang dokumentaryong palabas sa telebisyon ang isang nanay na napakaraming anak; sa borang dami ng kanyang anak ay hindi na niya maalala ang mga pangalan nito! Hindi sila mayaman. Kabilang sila sa mga kababayan nating "isang kahig, isang tuka" ngunit sa kabila ng kahirapan ay magugulat ka sa kanilang kasiyahan, kasiyahang hindi mababayaran ng kahit anung kayamanan sa mundo. Kaya siguro malapit sa ating puso ang Kapistahan ng Sto. Nino. Sa mukha ng maraming bata ay nakikita natin ang mukha ng batang Hesus! Makahulugan ang mga salitang binitiwan ni Hesus sa Ebanghelyo. Hindi siya nagbibiro ng sabihin niyang: "Hanggang hindi kayo natutulad sa mga bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit." (Mt. 18:10) Hindi niya nais na mag-isip bata tayo. Bagkus nais niyang maisabuhay natin ang natatanging katangian ng isang bata: Una, ang kababang-loob. Hindi ugali ng mga bata ang magpasikat. Ang matatanda pa nga kung minsan ang nagtutulak sa batang maging makapal ang mukha! At ikawala, ang katangiang magtiwala. Panatag ang kalooban ng isang bata sapagkat alam n'yang hindi siya iiwan ng kanyang magulang. Sa kapistahang ito ng Sto. Nino ay isabuhay natin ang dalawang katangiang ito: maglingkod sa ating kapwa ng may pagpapakumbaba, magtiwala sa Diyos lamang at hindi sa kapangyarihang ibinibigay ng mundo. Ngayong Taon ng Pananampalataya, hilingin natin sa Diyos ang biyayang magkaroon ng isang malalim ng pananampalataya. Simulan natin sa pananampalataya na tulad ng isang maliit na bata. Payak. Mapagkumbaba. Nagtitiwala.
Sabado, Enero 12, 2013
KAHANGALAN NG DIYOS: Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year C - January 13, 2013 - Year of Faith
Ang Kapistahang ipinagdiriwang natin ngayon ay may pagkakahawig sa kapistahang ipinagdiwang natin noong nakaraang Linggo. Sa katanuyan, ang tawag din sa kapistahang ito ay "Ikalawang Epipanya o Pagpapakita kay Jesus". Ano naman kaya ang ipinahayag ni Jesus sa kapistahang ito at ano ang itinuturo nito sa atin? "May isang lasing na naglalakad sa isang madilim na kalsada. Dala ng kanyang kalasingan ay hindi niya napansin ang isang malaki at malalim na hukay sa kanyang daraanan. Natural, nalaglag siya sa hukay! Natauhan siya at nang makitang may kalaliman ang hukay ay naglakas-loob na s'yang sumigaw upang humingi ng tulong. Mabuti na lang at may isang lalaki ring napadaan sa hukay ng makita ang lasing sa ibaba ay bigla s'yang tumalon! Laking pagkagulat ng lasing at tinanong siya: "Anung ginagawa mo dito?" Sagot ng lalaki: "Narinig ko ang sigaw mo... medyo mahina, kaya tumalon ako para tulungan ka... para mas malakas ang sigaw natin!" hehe... May katangahan din naman ang taong iyon kung ating iisipin. Pero ganyan ang ginawa ng Diyos nang Siya ay nagdesisyong maging tao. Tumalon Siya sa hukay upang samahan tayo. Nakiisa Siya sa atin. Ito ang kahangalan ng Diyos: sa kabila ng Kanyang kadakilaan ay pinili Niyang kunin ang ating abang kalagayan. Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay nagsasabi sa atin ng katotohanang ito at kapupulutan nating ng mga sumusunod na aral: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalanan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ikalawa, na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at kaaya-aya. Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpakakristiyano. Madali sapagkat buhos lang ng tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano. Sana, ngayong Taon ng Pananampalataya ay mas lalo nating maunawaan at maisabuhay ang ibig sabihin ng ating binyag. Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos at kapatid ni Kristo!
Sabado, Enero 5, 2013
REGALO: Reflection for the Solemnity of the Epiphany Year C - January 6, 2013 - Year of Faith
Nabigyan ka ba ng regalo noong nakaraang Pasko? Kung hindi pa ay huwag kang malungkot. May kasabihan tayong "huli man daw at magaling ay maihahabol pa rin!" Mga kapatid puwede pang magbigayan ng regalo ngayon sapagkat ngayon ang huling Linggo ng kapanahunan ng Pasko. Sa ibang bansa ang Epipanya ay tinatawag na "Ikalawang Pasko" na kung saan ay araw ito ng pagbibigayan ng regalo. Dito rin kasi nakukumpleto ang mga tauhan sa Belen... sa pagdalaw ng mga "pantas" o sa mas kilala nating tawag na "Three Kings". May kuwento ng isang kura paroko na niregaluhan ng kanyang mga parokyano. Dahil sa liit ng kanyang parokya ay halos kilala niya lahat ang mga tao at ang mga kabuhayan nila. May isang batang lumapit na may bitbit na kahon na ang pamilya ay may "bake shop". Sabi ng pari: "Ah, alam ko yang dala-dala mo... cake yan 'no?" Sagot ng bata: "Ang galing mo Father, pano mo nahulaan?" "Obvious ba? e may bakeshop kaya kayo?" Sagot sa kanya ng pari. Lumapit ang ikawalang bata na may dala ring regalo na ang pamilya naman ay may pagawaan ng sapatos. "Alam ko yang regalo mo... sapatos yan!" Sabi ng pari. Laking gulat ng bata at tanong sa pari: "Pano mo nalaman Father?" "Obvious ba? May pagawaan kayo ng sapatos di ba? hehehe" Patawang sagot ng pari. Lumapit ang isa pang bata na may dalang kahon na medyo basa pa ang ilalim. May tindahan sila ng mga alak. Sabi ng pari: "Alam ko yan... alak yan." Hinipo ang basang bahagi ng kahon at tinikman. "Aha! Champagne ito... maasim!" Sabi ng pari. "Hindi po padre!" Sabi ng bata. "Mompo?" "Hindi rin po!" "E, ano ito...?" Sagot ng nakangiting bata: "Tuta po!" Kaya mag-ingat sa susunod na pagtanggap ng regalo! Ngunit kung titingnan natin ay kakaiba ang pagbibigayan ng regalo sa Pasko. Ang karaniwang paraan ay tayo ang nagreregalo sa may birthday. Ngunit sa pagdiriwang ng Pasko, ang may birthday ang nagbibigay ng regalo... tayo ang tumatanggap! Ang Epipanya ay nagsasabi sa atin na may Diyos na nagbigay ng dakilang regalo sa atin nang ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayong lahat ay maligtas! Walang pinipili ang Diyos! Lahat ay nais Niyang maligtas. Wala tayong ibang masisisi kundi ang ating sarili kung tinanggihan natin ang dakilang regalong ito mula sa Kanya. Kaya nga ang kahulugan ng Epipanya ay "pagpapakita". Dito ipinakita ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak bilang tunay na Diyos, tunay na tao at tunay na Hari sa pamamagitan ng tatlong regalo sa kanya: ang kamanyang, mira at ginto. Paano ko ba pinahahalagahan ang kaligtasang bigay sa akin ng Panginoon? Patuloy ba ako sa paggawa ng kasalanan? Sa pagkakahumaling sa mga bisyo? Sa pagpapa-iral ng masamang pag-uugali? May magandang ginawa ang mga pantas pagkatapos nilang makita ang sanggol at pagbawalan ng anghel sa panaginip, nag-iba sila ng landas. Hindi sila bumalik kay Herodes. Marahil oras na, na tulad ng mga pantas, na talikuran natin ang DATING DAAN at tahakin ang BAGONG DAAN!Huwag na nating balikan ang malawak na daan ng masasamang pag-uugali at pilitin nating tahakin ang daang makitid ng pagbabagong-buhay! Ang kaligtasang regalo ni Jesus ay para lamang sa mga "wais" tulad ng mga "wise men." "Wise" na Kristiyano ka ba?
Biyernes, Enero 4, 2013
RESOLUSYON: Reflection for NEW YEAR - Solemnity of Mary Mother of God - January 1, 2013 Year of Faith
Bagong taon na naman! Bagong buhay... Bagong pag-asa! May New Year's Resolution ka na ba? Sabi ng isang text na natanggap ko: Ito ang mga New Year's Resolutions ko: 1. Di na ko mangangako, PROMISE! 2. Di na ko mag-iingles, NEVER AGAIN! 3. Di na ako magsusugal. PUSTAHAN TAYO! 4. At di na ko magsasalita ng tapos. PERIOD. hehehe... parang sinasabi n'yang para saan pa ang New Year's Resolution, eh sa simula pa lang di mo na kayang tuparin ito? Kung sabagay, marami sa atin ang parating sumusubok na gumawa ng new year's resolutions pero tumatagal ba? Marami sa atin ay "ningas kugon" o kaya naman ay parang "kuwitis" ang pangako... hanggang simula lang! Pagkalipas ng ilang araw, balik uli sa dati! Kaya nga ang marami ay di na elib sa paggawa ng NYR o New Year's Resolution. Tama? Mali!!! Hindi ko sinasang-ayunan ang ganitong pag-iisip. Sapagkat parang sinasabi mo na rin na di mo kayang baguhin ang iyong sarili! Minsan may isang tatay na gumawa ng NYR na uuwi na siya ng maaga pagkatapos ng trabaho. Nung dati kasi ay inaabot siya ng hatinggabi dahil sa kanyang "extra-curricular activities!" Laging gulat ng asawa niya nang sa simula ay umuuwi na siya ng maaga. Kaya't panay ang pasasalamat ang namumutawi sa kanyang bibig: "Glory be to the Father and to the Son and to the Holy Spirit!" Kaya lang habang tumatagal ay bumabalik na naman ang masamang ugali ng asawa at ang maagang pag-uwi ay inuumaga na naman. Kaya't minsang dumating ng umaga si mister ay binulyawan niya ito: "Walanghiya ka! ... as it was in the beginning ka na naman! Animal!!!" Saan ba nakasasalalay ang isang tunay na pagbabago? Ang Kapistahan ngayong unang araw ng taon ay may sinasabi sa atin. Kapistahan ngayon ni Maria, Ina ng Diyos. Kung mayroon mang pinakadakilang katangian si Maria ay walang iba kundi ang kanyang malakas na pananampalataya! At ito ang maari nating hingin kay sa ating Mahal na Ina... ang isang malakas na pananampalataya na kaya nating baguhin ang ating sarili. Totoo, ito ay isang "grasya" na tanging Diyos lang ang maaring magkaloob. Ngunit hindi niya ito ibibigay sa atin kung hindi natin hihingiin at hindi natin pagsusumikapang isabuhay. Manalig ka na kaya mong ihinto ang bisyo mo! Manalig ka na kaya mong maging ulirang asawa! Manalig ka na kaya mong maging mabuti at masunuring anak. Manalig ka na kaya mong magsikap sa pag-aaral! Manalig ka na sa tulong ng Diyos ay kaya mong baguhin ang takbo ng buhay mo... Katulad ni Maria, umasa tayo sa Kanya pero gawin natin ang kalooban Niya. May kasabihan tayo... "nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)