Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 26, 2013
B.I.B.L.E. - Basic Information Before Leaving Earth: Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year C - January 20, 2012 - Bible Sunday and Year of Faith
Isang barbero na naging "Bible Christian" ang nakaisip na ipalaganap sa kanyang mga "customers" ang Salita ng Diyos sa Bibliya. Masyado siyang na-inspire sa mga pangangaral na kanyang narinig kaya't naisip niya na gamitin ang kanyang propesyon bilang barbero upang magbahagi ng mga aral tungkol sa Diyos sa halip na "kuwentong barbero" ang pinag-uusapan nila ng kanyag mga parokyano habang nagpapagupit,. Kaya't winika niya sa Panginoon: "Lord, kung sino man ang unang papasok sa aking barberya ay pangangaralan ko ng iyong Salita." Nagkataong may pumasok agad na isang lalaki at nagsabing gusto niyang magpaahit. "Yes sir, saglit ng po!" At pumasok saglit sa kanyang silid ang barbero at nagdasal muli. "Lord, ito na ang pagkakataong ibinigay mo. Ipapangaral ko na ang iyong Salita!" Lumabas ang barbero tangan-tangan ang labaha sa kanang kamay at ang Bibliya sa kaliwa. Hinarap ang customer at buong sigasig na nagsalita: "Kapatid... handan ka na bang mamatay?" At kumaripas ng takbo ang customer... hehe. Ano nga ba ang Bibliya? Ang sagot ng isang bata ay napaksimple pero makahulugan. Ang B.I.B.L.E. daw ay: Basic Information Before Leaving Earth! (Tama pala ang barbero na nasa kanang kamay ang labaha at kaliwa naman ang Bibliya!) Tunay nga naman na dapat bago lisanin ang mundo ay nabasa natin ang Bibliya. Sapagkat ang Bibliya ay hindi lamang aklat na naglalaman ng Salita ng Diyos. Ito ay naglalaman din ng Kanyang kalooban para sa ating lahat. Ito ay gabay para sa ating pamumuhay bilang mga Kristiyano. Kaya nga't nakakalungkot isipin na lilisanin mo ang mundong ito na hindi man lamang nabuklat ang Bibliya at hindi mo nabasa ang Kanyang salita. Ang ikatlong Linggo ng Enero ay inilalaan upang paalalahanan tayo ng kahalagahan ng Kanyang Salita sa pagdiriwang ng Bible Sunday. Ano ba ang mga maari nating gawin upang mapahalagahan ang Salita ng Diyos? Ngayong Taon ng Pananampalataya ay marami tayong maaring gawin. Una, dumalo sa Misa at makinig ng mabuti sa mga Salita ng Diyos na binabasa sa atin at ipinaliliwanag. Baka naman nakatapos ka ng Misa na hindi mo maalaala ang mga pagbasa at ang paliwanag ng pari? Pangalawa, magbasa ng Bibliya araw-araw. Imposible ito kung wala kang sipi ng Bibliya . Kung nakakaya mong bumili ng mamahahiling gadgets at ibang kagamitan at walang dahilan para hindi ka makabili ng aklat na ito. Pangatlo, pag-aralan ang Salita ng Diyos sa pagdalo sa mga Bible Study o Bible Sharing na ginagawa sa inyong Parokya. (Hindi sa mga Born-Again groups). Kailangang pag-aralan ang Kanyang Salita sapagkat nagtataglay ito ng mga katotohanan ng ating Pananampalataya. Ang mga pagbasa natin sa Linggong ito ay dapat magbigay sa atin ng inspirasyon. Sa unang pagbasa ay narinig natin kung paano naantig ang damdamin ng mga Israelita ng marinig nila ang Salita ng Diyos. Napaluha pa nga sila dahil sa nakaligtaan nila ito ng matagal. Sa Ebanghelyo ay narinig natin si Jesus na inako ang karapatan na ipahayag ang Salita ng Diyos sapagkat siya mismo ang katuparan nito. Nawa ay maisapuso natin ang tunay na pagmamahal sa Salita ng Diyos. Basahin. pagnilyan. dasalin at isabuhay natin ang Kanynag Salita. Kapag nagawa natin ito ay masasabi nating handang-handa na tayo para sa buhay sa kabila. Tunay na ang Bibliya ay "Basic Information Before Leaving Earth!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento