Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Enero 18, 2013
MAGING BATA: Reflection for the Feast of the Sto. Nino Year C - January 20, 2013
May joke sa isang text: A woman gave birth to an ugly child. She said: "What a lovely and beautiful child... He's a treasure!" The husband said: "Yeah... let's bury him!" hehehe... Hindi siguro ito totoo sa ating kultura. Tayong mga Pilipino ay likas na mapagmahal sa mga bata. Magaang ang ating loob sa kanila. Kaya nga't hindi nakakagulat na isa tayo sa bansang napakarami ang populasyon. Kaya nga't kataka-takang naipasa ang RH Bill na naglalayong pababain ang bilang ng mga batang ipinapanganak. Taliwas ito sa ating kulturang Pilipino. Mas maraming anak... mas masaya! Bahala na kung papaano sila papakainin at bubuhayin! Minsan napanood ko sa isang dokumentaryong palabas sa telebisyon ang isang nanay na napakaraming anak; sa borang dami ng kanyang anak ay hindi na niya maalala ang mga pangalan nito! Hindi sila mayaman. Kabilang sila sa mga kababayan nating "isang kahig, isang tuka" ngunit sa kabila ng kahirapan ay magugulat ka sa kanilang kasiyahan, kasiyahang hindi mababayaran ng kahit anung kayamanan sa mundo. Kaya siguro malapit sa ating puso ang Kapistahan ng Sto. Nino. Sa mukha ng maraming bata ay nakikita natin ang mukha ng batang Hesus! Makahulugan ang mga salitang binitiwan ni Hesus sa Ebanghelyo. Hindi siya nagbibiro ng sabihin niyang: "Hanggang hindi kayo natutulad sa mga bata, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit." (Mt. 18:10) Hindi niya nais na mag-isip bata tayo. Bagkus nais niyang maisabuhay natin ang natatanging katangian ng isang bata: Una, ang kababang-loob. Hindi ugali ng mga bata ang magpasikat. Ang matatanda pa nga kung minsan ang nagtutulak sa batang maging makapal ang mukha! At ikawala, ang katangiang magtiwala. Panatag ang kalooban ng isang bata sapagkat alam n'yang hindi siya iiwan ng kanyang magulang. Sa kapistahang ito ng Sto. Nino ay isabuhay natin ang dalawang katangiang ito: maglingkod sa ating kapwa ng may pagpapakumbaba, magtiwala sa Diyos lamang at hindi sa kapangyarihang ibinibigay ng mundo. Ngayong Taon ng Pananampalataya, hilingin natin sa Diyos ang biyayang magkaroon ng isang malalim ng pananampalataya. Simulan natin sa pananampalataya na tulad ng isang maliit na bata. Payak. Mapagkumbaba. Nagtitiwala.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento