Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 23, 2013
NO PAIN NO GAIN! NO GUTS NO GLORY! NO I.D. NO ENTRY! : Reflection for 2nd Sunday of Lent Year C - February 24, 2013 - Year of Faith
Sabi ng isang text na aking natanggap "Ang edukasyon ang pintuan ng tagumpay... at ang pangongopya ang susi!" hehehe... Ewan ko ba kung bakit ganun ang takbo ng isip ng mga kabataan ngayon. Gustong makakuha ng mataas na grade sa exam ayaw namang mag-aral. Gustong makagraduate sa pag-aaral ayaw namang magsikap. Meganon? Sabi nga ng motto ng isang manlalaro: "No pain no gain!" At sabi rin ng isang sundalo: "No guts, no glory!" Pero hindi rin naman nagpatalo si mamang guard: NO I.D. NO ENTRY! hehehe..Totoo nga naman, bale wala ang tagumpay kung hindi mo pinagsumikapan... pinaghirapan... May tagumpay na darating sa kabila ng paghihirap. Ito ang mensahe ng Panginoon sa ating ebanghelyo ngayong ikalawang Linggo ng kuwaresma. Isinama ni Jesus sa bundok ng Tabor ang tatlong alagad upang paalalahanan sila na Siya ng hinirang na Anak ng Diyos Ama; na Siya ang katuparan ng Kautusan at ng mga Propeta. Nagbagong anyo Siya sa kanilang harapan upang palakasin ang kanilang kalooban sa sandaling masaksihan nila ang paghihirap na kanyang daranasin. May muling pagkabuhay sa kabila ng Kanyang paghihirap at kamatayan. May liwanag na naghihintay pagkatapos ng kadiliman. Hindi ba ganito rin sa ating buhay? Hindi mawawala ang mga sandali ng kadiliman ngunit pasasaan ba't darating din ang liwanag na dala ng bukang-liwayway. Kahit gaano kadilim ang gabi ng ating buhay ay mayroong umagang naghihintay. Sapat lang na magtiwala tayo sa Kanya at makakamit din nating lahat ang gantimpala ng kaluwalhatian! NO PAIN, NO GAIN! NO GUTS, NO GLORY! Saan naman papasok ang NO I.D., NO ENTRY? Ang paghihirap na ating binanggit kanina ang ating I.D. upang makapasok tayo sa kaharian ng langit kapiling ang ating Panginoong Jesuskristo! Naging kakambal natin ang krus ng tinanggap natin ang pagiging Kristiyano sa Binyag. Kaya nga't ang panahon ng Kuwaresma ay nagpapaalala sa atin na dapat nating samahan si Kristo sa Kanyang paghihirap kung nais nating makasama sa Kanyang muling pagkabuhay. Ngayong Taon ng Pananampalataya, inaanyayahan tayong pagnilayan ang kaligtasang dala ng kahirapan. Natural sa atin ang umiwas sa paghihirap. Mas gusto natin ang maginhawang pamumuhay. Kaya mahirap yakapin ang krus ng mga suliranin natin sa buhay. Ngunit hinihimok tayo ni Jesus na gamitan ng mata ng pananampalataya ang bawat kahirapang ating nararanasan sa buhay. Ang daanang tinahak ni Jesus ay ang Daan ng Krus. Dapat nating daanan ito kung nais nating makapiling si Kristo. Ang I.D. ng isang Kristiyano ay ang krus na araw-araw niyang pinapasan at piangtitiisan. Siguraduhin mo na sa paglalakbay mo sa buhay ay lagi mong suot ang ID ito! Tandaan mo... NO PAIN, NO GAIN! NO GUTS NO GLORY! NO I.D. NO ENTRY!
Sabado, Pebrero 16, 2013
O TUKSO LAYUAN MO AKO! : Reflection for 1st Sunday of Lent Year C - February 17, 2013 - Year of Faith
Isang matandang pari ang nagsesermon sa Misa tungkol sa tukso: "Kaming mga pari, pag umabot na ng 60 years old... ay hindi na tinatablan ng tukso." Sa sandaling iyon ay biglang may pumasok sa simbahan na seksing babae na maganda at maputi. Napalingon ang pari at sabay sabi: "Ngunit sa aking palagay ay maari pa itong pag-usapan... hanggang 70 siguro." Sino ba naman ang hindi tinatablan ng tukso? Lahat tayo nakakaranas ng tukso kung paanong si Jesus rin ay tinukso ng diyablo! Ang ibig sabihin ng diyablo ay "manloloko", sinungaling, manlilinlang! Sapagkat ito naman talaga ang layunin ng demonyo, ang linlangin tayo upang mailayo niya tayo sa Diyos. Hindi magpapakita ang diyablo sa kanyang anyong nakakatakot bagkus ginagamit niya ang "kahali-halinang tukso" upang maakit niya ang bawat isa sa atin. Kaya nga mali ang sinasabi ng awit na "O tukso, layuan mo ako!" sapagkat ang tukso ay natural na umaakit at lumalapit. Tayo dapat ang lumalayo dito sapagkat sa ganang atin ay hindi natin kayang labanan o tapatan ang lakas ng pang-aakit nito sa sandaling ito ay nasa atin ng harapan. Sa pagpasok ng panahon ng Kuwaresma ay inaanyayahan tayo ng Simbahan na talikuran ang kasalanan at sumampalataya kay Jesus. Ito ay narinig natin noong tayo ay tumanggap ng abo sa ating mga noo. Ang pagtalikod sa kasanalan ay nangangahulugan ng pagsisisi at pagsisikap na labanan ang tuksong pinangungunahan nito. Si Jesus ay nagbibigay sa atin ng dalawang paraan upang mapagtagumpayan ang tukso. Ginamit niya ang dalawang siguradong sandatang makadadaig dito: ang panalangin at pag-aayuno. Ito rin ang iminumungkahing paraan ng Simbahan sa atin upang mapagtagumpayan natin ang tukso ng diyablo. Sa panahon ng Kuwaresma ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Sanayin natin ang ating sarili na makipag-usap sa Diyos. Maglaan tayo ng "quality time" para sa Kanya. Sikapin din nating gumawa ng mga sakripisyo tulad ng pag-aayuno. Ito ay hindi lamang pakikibahagi natin sa paghihirap ni Jesus kundi ito rin ay epektibong paraan ng pagdisiplina sa ating mga sarili. Kapag kaya nating tanggihan ang mga kasarapang dala ng ating mga hilig ay makakaya rin nating tanggihan ang mga tuksong darating sa ating buhay. Sa Taong ito ng Pananampalataya ay muli nating sariwain ang ating mga pangako sa Binyag ating tatalikuran ang lahat ng kasamaan at kasalanan. Sikapin nating iwaksi ang mga gawaing masama at muli nating panibaguhin ang pagtatalaga ng ating mga sarili kay Jesus!
Sabado, Pebrero 9, 2013
FISHERS OF MEN: Reflection for the 5th Sunday in Ordinary Time Year C - February 10, 2013 - Year of Faith
Merong kwentong pabula (fable) tungkol sa tatlong magkakaibigang manok, baka at baboy na nagpapayabangan kung sino sa kanila ang may "pinakamay-silbi" sa buhay ng tao. Sabi ng manok, "Sa palagay ko ay ako... sapagkat, walang palya kung magbigay ako ng itlog sa mga tao." Sagot ng baka: "May hihigit pa ba sa sariwang gatas na ibinibigay ko araw-araw?" Tahimik ang baboy. Di nga naman siya nangingitlog... at lalong di s'ya nagbibigay ng gatas (ewan ko kung nakatikim ka ng ng gatas ng baboy? hehehe...) pero dahil siya ang bida sa kuwento ay hindi dapat s'ya magpatalo sa dalawa niyang kaibigan kaya sabi nya... "Ako... ang kaya ko lang bigay ay ang aking buong pagkababoy... ang aking karne at dugo! At kapag ibinigay ko yon, yun na!" Ang tawag d'yan sa ingles ay "total commitment". Ito rin ang ipinakita ng mga unang alagad ni Jesus, ang mga mangingisdang sina Simon, Juan at Santiago. "Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus." Siguradong hindi naging madali sa kanila ang iwan ang kanilang pamilya at kabuhayan upang sundan ang isang karpentero ng Nazareth. Walang kasiguraduhang naghihintay sa kanila sa pagsunod kay Jesus ngunit nagawa nilang isuko ang lahat para lamang sundan Siya. Ang pagtawag ni Jesus sa mga unang alagad ay pagtawag din para sa ating lahat. Hindi lamang ito para sa mga pari, relihiyoso o mga madre. Ngayong Taon ng Pananampalataya ay pinapaalalahanan tayo na ipinagkaloob sa atin ang "misyon ng pananampalataya" noong tayo ay binyagan. Lahat tayo ay ipinadadala ng Diyos at isinusugo Niya upang gumawa ng kabutihan sa ngalan ng Diyos at para magsalita tungkol sa Diyos. Kung ating pag-iisipan ay hindi lang ito gawain ng pari. Ito ay para sa lahat! Ito ang ating pagiging "mamamalakaya ng tao". At hindi mo kinakailangang lumayo upang maisakatuparan ito. Kung ikaw ay may pamilya ay doon ka ipinapadala ng Diyos. Kung ikaw ay nag-aaral ay ipinapadala ka naman sa iyong paaralan. Kung ikaw ay manggagawa ay ipinapadala ka naman sa lugar na iyong pinagtatrabahuhan. Ibig sabihin ay walang dahilan upang hindi mo magampanan ang pagiging alagad ni Kristo. Kailan ka huling gumawa ng kabutihan para sa iba sa ngalan ng Diyos? Nagawa mo na bang magsalita o magbahagi ng tungkol sa Diyos sa iyong kapwa? Ang hadlang a misyong ito ay ang pag-iisip lang sa ating sarili. Ito ang dapat nating iwaksi at iwanan kung paanong iniwan ni Pedro at ng mga unang alagad ang lahat-lahat. Magagawa rin natin ito kung kinikilala natin na tayo ay makasalanan at hindi karapat-dapat katulad ng pagkilala ni Pedro na siya ay hindi karapat-dapat kay Jesus Sapagkat kung alam natin ito ay maiintindihan natin na ang misyong ibinigay sa atin ay hindi para sa ating sarili kundi ito ay sa Diyos. Tayong lahat ay tiatawagang "manghuli ng mga tao" para sa Kanya sa pamamagitan ng ating mabuting halimbawa at pagsaksi bilang mga tunay na Kristiyano. Tandaan mo... Hindi ka pupunta sa langit o sa impiyerno na nag-iisa... lagi kang may isasama... Saan mo dadalhin ang tropa mo?
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)