Sabado, Pebrero 16, 2013

O TUKSO LAYUAN MO AKO! : Reflection for 1st Sunday of Lent Year C - February 17, 2013 - Year of Faith

Isang matandang pari ang nagsesermon sa Misa tungkol sa tukso: "Kaming mga pari, pag umabot na ng 60 years old... ay hindi na tinatablan ng tukso." Sa sandaling iyon ay biglang may pumasok sa simbahan na seksing babae na maganda at maputi. Napalingon ang pari at sabay sabi: "Ngunit sa aking palagay ay maari pa itong pag-usapan... hanggang 70 siguro." Sino ba naman ang hindi tinatablan ng tukso? Lahat tayo nakakaranas ng tukso kung paanong  si Jesus rin ay tinukso ng diyablo! Ang ibig sabihin ng diyablo ay "manloloko", sinungaling, manlilinlang!  Sapagkat ito naman talaga ang layunin ng demonyo, ang linlangin tayo upang mailayo niya tayo sa Diyos.  Hindi magpapakita ang diyablo sa kanyang anyong nakakatakot bagkus ginagamit niya ang "kahali-halinang tukso" upang maakit niya ang bawat isa sa atin.  Kaya nga mali ang sinasabi ng awit na "O tukso, layuan mo ako!" sapagkat ang tukso ay natural na umaakit at lumalapit.  Tayo dapat ang lumalayo dito sapagkat sa ganang atin ay hindi natin kayang labanan o tapatan ang lakas ng pang-aakit nito sa sandaling ito ay nasa atin ng harapan.  Sa pagpasok ng panahon ng Kuwaresma ay inaanyayahan tayo ng Simbahan na talikuran ang kasalanan at sumampalataya kay Jesus.  Ito ay narinig natin noong tayo ay tumanggap ng abo sa ating mga noo.  Ang pagtalikod sa kasanalan ay nangangahulugan ng pagsisisi at pagsisikap na labanan ang tuksong pinangungunahan nito.  Si Jesus ay nagbibigay sa atin ng dalawang paraan upang mapagtagumpayan ang tukso.  Ginamit niya ang dalawang siguradong sandatang makadadaig dito: ang panalangin at pag-aayuno. Ito rin ang iminumungkahing paraan ng Simbahan sa atin upang mapagtagumpayan natin ang tukso ng diyablo. Sa panahon ng Kuwaresma ay palalimin natin ang ating buhay panalangin.  Sanayin natin ang ating sarili na makipag-usap sa Diyos.  Maglaan tayo ng "quality time" para sa Kanya.  Sikapin din nating gumawa ng mga sakripisyo tulad ng pag-aayuno.  Ito ay hindi lamang pakikibahagi natin sa paghihirap ni Jesus kundi ito rin ay epektibong paraan ng pagdisiplina sa ating mga sarili.  Kapag kaya nating tanggihan ang mga kasarapang dala ng ating mga hilig ay makakaya rin nating tanggihan ang mga tuksong darating sa ating buhay.  Sa Taong ito ng Pananampalataya ay muli nating sariwain ang ating mga pangako sa Binyag ating tatalikuran ang lahat ng kasamaan at kasalanan. Sikapin nating iwaksi ang mga gawaing masama at muli nating panibaguhin ang pagtatalaga ng ating mga sarili kay Jesus!


Walang komento: